Ang Pagbuo sa Liwanag: Mga Rayos ng Araw

2.7K 79 0
                                    

MAINGAT na sinipat ni Irisha ang apat na litrato. Buo na ang apat na 'rayos' ng Araw—si Jadd, si Xien, si Redah at si Ruri—ang magiging haligi ng liwanag sa Pilipinas. Ang apat ang napili niyang kasama para itayo ang grupong magiging kakampi niya sa lahat ng pagkakataon, ang Liwanag. Ang grupong tulad niya ay gagabayan ng Araw at ng Puting Anino.

Ilang beses na niyang nakaharap ang apat pero hindi pa siya nagpakilala sa mga ito. Tanging si Jadd na naramdaman na isa siyang kauri ang may ideya kung ano talaga siya. Alam ni Irisha na nang mga sandaling iyon ay kumikilos na ang grupo ni Jadd para alamin kung sino siya—walang malalaman ang mga ito lalo at dalawang bagay lang ang malinaw na natatandaan ni Jadd tungkol sa kanya: Una, ang lakas ng kapangyarihan niya at ikalawa, na babalik siya para kunin ang pakay. Nakita ni Irisha ang protectiveness na dumaan sa mga mata ni Jadd nang makahulugan siyang ngumiti matapos pawalan ang lalaki mula sa saglit niyang 'pagkulong' rito sa ilalim ng kanyang kapangyarihan. Naramdaman ni Jadd ang lakas niya. Magkauri man sila ay alam na ni Jadd na wala itong laban sa kanya. At nang ngumisi siya at sinabing ang babaeng nasa tabi nito ang kailangan niya ay malinaw na rumehistro sa mga mata ni Jadd ang naghahalong emosyon.

Alam ni Irisha na madali niyang mapapasunod si Jadd—si Xien ang gagamitin niya. Lihim na pinoprotektahan ni Jadd ang babae taliwas man sa ipinapakita nito.

Si Xien na mula naman sa dugo ng isa sa tatlong mortal na ang tadhana ay kaugnay ng mga Fedeo. Isa si Xien sa tatlong apo ni Felicitas Magdiwa. Isa si Xien sa tatlong magkakapatid na nagbago ng katauhan para sa kaligtasan. Hindi na nakapagtatakang kasamang ibinaon ng magkakapatid sa hukay ni Felicitas ang totoong katauhan ng mga ito. Kailangang gawin iyon ng tatlo para mabuhay.

Nakilala na rin ni Irisha ang dalawa pang matanda na tinutukoy ng kanyang abuela sa Puting Anino—si Liwayway Rosario, ang kinagisnang abuela ni Crystal. Si Crystal na Chosen One ng kasalukuyang henerasyon.

Ang huli ay si Gundina Sebastian, isang nirerespetong pinuno ng isang tribong may malalim na pagpapahalaga sa kalikasan. Ang apo nito ay si Ruth, hindi pa niya alam ang magiging papel ni Ruth sa buhay ng mga Fedeo.

Kilala na rin ni Irisha ang tatlong dalagang nagtataglay ng iba't-ibang kulay ng liwanag. Ang Treasure ng New Fedeus, mga dalagang taglay ang kapangyarihan ng Bato ng Buhay. Tanging si Crystal pa lamang ang nakita niya at nakaharap nang malapitan. And dalawang dalaga ay wala pa siyang ideya kung nasaan. Mahigpit na bilin ng kanyang abuela na hindi niya maaring abusuhin ang Puting Anino para lang masilip ang hinaharap. Ang bawat pagbuklat niya ng pahina ng aklat ay may takdang panahon. Ayon pa sa abuela, sa ganoong paraan lamang nang mahigpit niyang pagsunod sa mga bilin nito magagawa ng tama ang kanyang misyon. Ang bawat pagkakamali ay maaring kapalit ng mga buhay, kaya naman itinalaga na ni Irisha ang sarili bilang isang tapat na tagasunod ng kanyang abuela.

Muling sinipat ni Irisha ang huling dalawang litrato—sina Redah at Ruri. Parehong walang pamilya ang mga ito kaya wala siyang magagamit gaya nina Jadd at Xien na parehong may mga taong nais protektahan.

Si Redah ay itinuturing na laro lang ang paggamit ng kapangyarihan, gaya ng kung paano nito pinaglalaruan ang mga kulay sa pananamit. Ang singer na si Ruri naman ay nagtatago sa musika. Nagpapanggap na ordinaryong babae lang na vocalist ng isang banda. Itinatago ng magandang boses at musikang masarap sa pandinig ang marami nitong kinatatakutan.

Saka na niya babalikan ang apat kapag handa na ang lahat. Sa ngayon ay sa Laguna muna siya. Kailangan niyang makita ang lugar sa kanyang pangitain kung saan ay naroon ang tatlong mukhang hindi niya maaring balewalain—ang tatlong apo ng mga Orihinal.

Ano'ng ginagawa nina Devon, Yshael at Vio sa lugar na iyon? Dapat ba siyang magtiwala sa mga ito o magduda? Ang presensiya ng malalakas na Feeders sa Pilipinas ay maaring may kaugnayan sa pagkawala ni Imang.

Kailangan niyang mas maging maingat. Kung may mga Feeders na nasa Pilipinas, kailangan niyang malaman kaagad kung sino sa mga ito ang kakampi o kaaway.


CLUB RED 3: VIO (Sunset And You) Published, 2015. COMPLETED.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon