Pagbabalik Alaala

1.7K 67 0
                                    

Nag-uusap sila noon sa gitna ng kagubatan ng Liviron, sa lengguwahe ng mga Fedeo...

"Isa akong dugong bughaw," sabi ng walong taong gulang na si Vio sa batang namataan niyang nagkukubli sa pagitan ng mga berdeng halaman. Narating na niya ang isang bahagi ng kagubatan ng Liviron, ang mismong lugar na sadya. "Kadugo ng mga magulang ko ang prinsipe!" mayabang niyang dugtong na isang kasinungalingan. "Ituro mo sa akin ang daan pabalik sa sentro o isusuplong ko ang mga kadugo mo na pasimuno ng mga panlilinlang!" banta niya, hindi maamin na naliligaw siya at hindi mahanap ang daan palabas ng gubat na iyon. Kapag umabot sa kaalaman ng kanyang lolo ang katangahan niya ay katakot takot na sermon ang aabutin niya, hindi pa kasama ang pisikal na parusa. Sa isang gaya niyang nagmula sa dugo ni Alezandro, ang matinik na espiyang Tagapangalaga ng Sapphire ay walang puwang ang ganoong katangahan. Talas ng isip ang sinusubok sa kanya ng araw na iyon. Kung hindi siya makababalik sa sentro dala ang dilaw na bulaklak na patunay na pumasok siya sa gubat ng Liviron at matagumpay na nakalabas nang walang sugat, ay hindi siya aakyat sa mas mataas na lebel ng pagsasanay.

Nakuha na ni Vio ang lugar. Kailangan na lang niyang pumitas ng dilaw na bulaklak at ilabas iyon sa gubat nang walang pipigil sa kanya, aakyat na siya sa susunod na lebel.

"Ano'ng panlilinlang?" tanong ng bata na marahang inilantad ang sarili—isang tila buhay na manikang may abuhing mga mata. Bagay na bagay sa maliit na hugis ng mukha ang mahaba at tuwid na tuwid na buhok na umaabot hanggang sa baywang nito.

"Ang bulaklak na 'yan ay ginagamit ng mga Livin bilang lason!" akusa ni Vio sa mataas at matatag na boses. "Lason na ibinibigay ng mga huwad na manggagamot ng Liviron para patayin ang mga inosenteng sanggol sa sinapupunan ng mga inang walang kamalay-malay."

"Hindi totoo ang sinasabi mo!" ganting sigaw ng batang babae, naningkit ang mga mata at kumuyom ang palad. Tumiim ang titig nito sa mga mata niya at mayamaya pa ay nakaramdam siya ng pagkahilo. May mainit na likido na tumulo mula sa ilong niya. Kinapa niya iyon—dugo.

"Lapastangan ka," kuyom na kuyom ng batang babae ang kamay, naniningkit ang mga mata at nagtatagis ang ngipin habang nakatitig sa kanya. "Inaakusahan mo ng kasinungalingang paratang ang mga Livin—"

"Paniwalaan mo ako!" putol ng batang si Vio. "Sa mga sandaling ito ay iniimbestigahan na ng konseho ang kinikilala ninyong pinakamataas na mesei. Kung hindi...kung hindi..." tumigil siya at tinuyo ang tumulong dugo sa ilong. "Kung hindi ako makababalik sa sentro sa tamang oras, mapapahamak kayong lahat. Naparito ako para tumulong—isang tiwalag na Livin ang aking uvima kaya gagawin ko ang lahat para tumulong. Isang bulaklak na madadala ko sa sentro sa eksaktong oras na kailangan, maliligtas ang pinuno ninyo." dagdag niyang kasinungalingan.

Unti-unting bumuka ang palad ng batang babae, pinakatitigan siya. Nawawala na rin ang pagkahilo niya.

"Totoo...totoo ba ang sinasabi mo?"

"Sa lansangan ng Zierra," patuloy niyang pagsisinungaling. "Lagi akong naroon. Kung nagsisinungaling man ako, pagbayarin mo ako sa aking panlilinlang."

Ilang segundo pang tinitigan lang siya ng bata bago ito maingat na pumitas ng dilaw na bulaklak, lumapit sa kanya at inabot iyon.

"Ji'ehria, ang bulaklak na simbolo ng mga Livin. Ji iehu eim ria..."

Inabot ni Vio ang bulaklak, pinigil ang pagngisi. Ang bulaklak na susi ko sa susunod na antas ng pagsasanay. Ibinalik niya sa batang babae ang atensiyon, binigay niya ang pinakamagandang ngiti na kinagigiliwan ng maraming Zeran.

Mas lumuwang ang ngiti ni Vio, inilatag ang sarili sa paborito niyang puwesto sa hardin, napapagitnaan ng mga bulaklak. Sa ganap na paglubog ng araw ay lalabas siya, magmamasid sa mga babaeng mortal sa paligid—ang paborito niyang ginagawa. Ang tingin niya sa mga mortal ay kagaya ng mga bulaklak nakapaligid sa mansiyon, palamuti na nagpapaganda sa paligid.

Mga babae ang nagbibigay kulay sa walang sigla niyang mundo—panandalian lang, dahil wala sa mga babaeng iyon ang maaring magtagal sa kanyang buhay.


CLUB RED 3: VIO (Sunset And You) Published, 2015. COMPLETED.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon