One
TUMATAKBO si Irisha. Sinusundan niya ang tila hanging paglayo ng babaeng gusto niyang maabutan, mahawakan at makausap. Pareho sila ng kasuotan ng babae—maninipis na puting damit na hanggang sakong, na sa kanilang pagtakbo ay pinaglalaruan ng dapyo ng hangin, inililipad na tila malayang dahon na tinatangay ng malamig na hangin sa madaling-araw.
Si Irama ang babaeng sinusundan ni Irisha. Ang kanyang abuela, guro, tagapangalaga at gabay. Ang pinakamalakas na babae sa Fedeus, ang ikaapat na Element Guardian sa kaharian noon, at ang matatag at makapangyarihang Mesei na Gabay ng mga Feeders sa kasalukuyang panahon.
"Imang!" pagtawag niya hindi na ininda ang pabago-bagong kapaligiran na dinaraanan nila. Pagbabago ng kapaligiran na katapat ng paglipas ng mga taon. Mula sa lansangan ng Fedeus, sa maingay na lungsod ng bawat bansang kanilang pinuntahan, sa tahimik na kabundukan na naglapit sa kanya sa kalikasan habang sinasanay nito ang pisikal niyang lakas, sa pamilyar na mga dalampasigan kung saan ay paulit-ulit niyang pinanonood ang araw, hanggang sa kagubatang kinaroroonan niya ngayon—sa lahat ng lugar ay magkasama sila. Ngunit ang kagubatang kinaroroonan niya ngayon ay iba sa...
Natigilan si Irisha. Isang bagong lugar. Hindi siya pamilyar. Sa loob ng mga siglong dumaan na paulit-ulit siyang dinadala ng abuela sa iba't-ibang lugar na nagpapakita ng iba't-ibang mukha ng mundo ay natitiyak ni Irisha na hindi pa niya napuntahan ang lugar. Kasama ang kagubatan sa mas madalas nilang pinupuntahan para mas ilapit siya sa kalikasan. Natitiyak niyang unang pagkakataong tumuntong siya sa kagubatang iyon.
Unti-unting bumagal ang pagtakbo ni Irisha hanggang tuluyan na siyang tumigil. Nasaan siya? Saan ang bagong lugar na iyon? Bakit doon siya iginiya ng abuela?
"Imang?" muling ibinalik ni Irisha ang tingin sa kinaroroonan ng abuela na kanyang sinusundan kaya siya napunta sa lugar na iyon—wala nang tao. Tahimik na ang buong paligid. Maging ang hangin na humahampas sa mga dahon na nagbibigay ng buhay na tunog ng kalikasan sa lugar ay wala na rin. Wala siyang kahit anong marinig sa paligid.
"Pe'itda," ang boses ni Imang na narinig niyang tangay ng hangin. Naghahatid ng init sa puso niya ang pagtawag nito ng 'apo' sa kanya. Napakadalang lang mangyari iyon. Mas madalas ay isang estudyante ang turing sa kanya ng abuela.
"Im miezi," sagot ni Irisha. "Narito ako, ang iyong apo." iglap ay nasa harapan na ni Irisha ang abuela na kanyang hinahanap. Agad tumutok sa mga mata niya ang abuhin nitong mga mata. "Panoorin mo ang hinaharap..." boses ni Imang ang kanyang narinig at ang mga palad nito na sinapo ang kanyang pisngi ang huling naramdaman ni Irisha bago sumabog ang malakas na liwanag.
Sa muli niyang pagdilat, nakita ni Irisha ang sariling nakatayo sa gitna ng isang tatsulok na liwanag. Tatlong magagandang babae na nasa magkakaibang lugar ang bumubuo sa tatsulok. Ang distansiya sa pagitan ng mga ito ay tinatawid ng liwanag. Liwanag ang nag-ugnay sa tatlo para mabuo ang tatsulok.
Ang unang babae ay nasa isang mataas na burol, para bang pinakikiramdaman ang lakas ng hangin na humahampas sa katawan. Ang ikalawang babae ay nasa dagat, hanggang baywang ang maalong tubig. At ang ikatlo ay nasa malawak na lupain, nakayapak na para bang pinakikiramdaman ang paghalik ng lupa sa talampakan.
"Sino sila, Imang?"
"Mga mortal na ang mga tadhana ay kaugnay ng mga Fedeo."
Kasunod ng tugon na iyon ng kanyang abuela ay nakita ni Irisha ang pagbabago sa anyo ng tatlong babae—ang mga magagandang dalaga ay naging matatandang babae na may mahahabang puting buhok. Ang dalawa sa tatlo ay may kalong na sanggol, habang ang matandang nasa dagat ay tatlong sanggol ang nasa mga bisig.
"Mga sanggol..." nausal ni Irisha, nagpalipat-lipat sa tatlong matanda ang tingin.
"Mga sanggol na mortal, apo, na ang kapalaran ay bahagi ng liwanag na tatanglaw sa mga Fedeo."
Muli, pagkatapos ng tugon ni Imang ay nagbago ang paligid, tila naging paglalakbay mula sa nakaraan pabalik sa kasalukuyan. Nawala ang mga matandang may kalong na sanggol at napalitan ng tatlong magagandang babae na nababalot ng iba't-ibang kulay ng liwanag—puti, pula at asul.
"Liwanag. Mga kakaibang liwanag..." usal ni Irisha.
Wala nang tugon ang kanyang abuela. Nang bumaling si Irisha ay mag-isa na lamang siya sa lugar—nakakulong sa tatsulok na liwanag. Nakapaligid sa kanya ang tatlong babaeng balot ng kakaibang liwanag. Liwanag na buhay na buhay ang mga kulay.
Niyuko ni Irisha ang sarili.
Siya rin pala ay nababalot rin ng liwanag—ang pinagsamang liwanag ng tatlong babae sa paligid niya. Mula sa mga ito ay tumatawid ang puti, pula at asul na liwanag at nag-isa, iyon ang liwanag na bumabalot sa kanya...
"Irisha!"
Makapangyarihang tinig ang narinig ni Irisha sa isip. Sabay ang pagdilat niya at ang pagbawi ng kamay mula sa pahina ng Puting Anino—ang librong gabay niya sa kanyang paglalakbay.
Marahang huminga si Irisha kasabay nang pagmulat ng mga mata. Naputol ang eksena sa kanyang isip. Nakita niya ang sarili sa kasalukuyang panahon.
Mag-isa na siya sa Pilipinas.
At nawawala ang kanyang abuela.
BINABASA MO ANG
CLUB RED 3: VIO (Sunset And You) Published, 2015. COMPLETED.
VampirosClub Red Book 3. NOTE TO READERS: UNEDITED version po ni Vio ang mababasa n'yo. 'Wag magulat sa mga typos and other error. :) Available in ebook: https://preciouspagesebookstore.com.ph/Product/Info/2460/Club-Red-Vio-(Sunset-And-You) Paperback: https...