PUMIKIT si Irisha at maingat na sumandal sa pinagkukublihan nang makita niyang umusad na ang kotse ni Vio palayo. Plano niya ang lahat ng iyon. Ginusto niyang mangyari iyon. Gumaan dapat ang pakiramdam niya. Sa mababaw na paraang iyon man lang ay nakaganti siya kay Vio—sa kasalanan nito na malinaw na malinaw pa rin sa kanyang isip kahit maraming dekada at siglo na ang lumipas. Dapat siyang matuwa ngunit hindi iyon ang nasa dibdib niya nang sandaling iyon. Mabigat ang puso niya—na madalas niyang nararamdaman tuwing nakakasakit siya ng kauri na may positibong enerhiya.
Nagliwanag ang asul na bato sa Araw pagdating ni Vio, patunay na isang tunay na kauri ito. Hindi rin siya nanghina sa pagsasalubong ng mga enerhiya nila. Nagpakita na siya dapat, Hinarap na niya si Vio pero natakot siya. Ang takot na iyon ay hindi na kasama sa pagiging Livin. Ang takot na iyon ay takot ng isang babae. May kung ano kay Vio na hindi niya maipaliwanag. Pakiramdam niya ay may malakas na puwersang hinahatak siya. Iba sa koneksiyon na naramdaman niya kay Zefro. Hindi maintindihan iyon ni Irisha at hindi siya handa. Pinili niyang manatiling nakatayo sa ligtas na lugar para sa kanya. Hindi siya humakbang para lumapit. Pinaghandaan niya ang pagpunta. Walang naramdaman si Vio sa paligid. Iisipin nito na hindi siya dumating.
Ngunit hindi inaasahan ni Irisha ang nangyari. Ang pananatili ni Vio sa lugar mula sa pagsikat ng araw hanggang tumindi ang init, hanggang nagsimulang magpawis ang lalaki...at manghina. Hindi pa rin umalis si Vio hanggang halos maubos na ang lakas nito.
Si Irisha na ang natakot para kay Vio. Alam niyang sa mga susunod na sandali ay mawawalan na ng malay ang lalaki. At nang kumilos si Vio para bumalik sa kotse, saka lang siya nakahinga nang maluwag. Sa kalagayan nito ay kakailanganin ng sapat na oras para makabawi ng lakas.
Iniwan na rin niya ang lugar.
Buong araw na walang nagawa si Irisha. Si Vio ang laman ng kanyang isip. Lalong hindi na siya napanatag nang wala siyang natanggap na sagot matapos buksan ang koneksiyon sa pagitan nila. Malalim na katahimikan ang nasagap niya—malinaw na walang malay si Vio kung nasaan man ito nang sandaling iyon.
Unang pagkakataon iyon na sinakop ng negatibong emosyon ang puso ni Irisha na kinailangan niyang ipunin ang lahat ng pisikal na lakas para itaboy ang itim na usok na nakapaligid sa kanya.
Nanghina si Irisha nang sa wakas ay nabalot uli siya ng puting usok.
Nakatulog siya nang wala sa plano.
At dinalaw siya ng isang pangitain. Pangitain na alam niyang magiging totoo sa mga susunod na araw.
Tama si Zefro, may mga kasamang mortal ang apo ng mga Orihinal. Hinagod niya ang dibdib para kalmahin ang sarili. Madugo ang eksenang nakita niya. Hindi niya maaring balewalain ang pangitaing iyon.
Bumangon si Irisha at inayos ang sarili. Nagbalik na ang dati niyang lakas.
Si Vio ang unang sumagi sa kanyang isip. Sa nangyari ay hindi siya nito paniniwalaan. Wala nang oras. Kailangan na niyang gawin ang dapat. Ihanda ang itinuturing niyang kakampi.
Naghanda si Irisha para ihatid kay Zefro ang babala gamit ang Anino.
BINABASA MO ANG
CLUB RED 3: VIO (Sunset And You) Published, 2015. COMPLETED.
VampirosClub Red Book 3. NOTE TO READERS: UNEDITED version po ni Vio ang mababasa n'yo. 'Wag magulat sa mga typos and other error. :) Available in ebook: https://preciouspagesebookstore.com.ph/Product/Info/2460/Club-Red-Vio-(Sunset-And-You) Paperback: https...