Ang Ji'ehria at Mga Alaala

1.4K 56 0
                                    

HINDI pinansin ni Irisha ang rumehistrong pagkagulat sa mukha ni Vio nang magtama ang mga mata nila. Diretsong tumutok sa mga mata niya ang tingin nito, ni hindi nag-dalawang isip. Wala siyang nabasang takot o pag-aalinlangan. Bilang apo ng isang Orihinal, alam ni Irisha na hindi lingid kay Vio na panganib ang katumbas ng pagtitig sa mga mata niya. Ang pagsalubong ng tingin niya ay katulad ng pagsalubong ng isang kawal sa bala ng kaaway para mamatay.

Pero hindi ang manakit ang sadya ni Irisha nang gabing iyon. Wala siyang balak saktan si Vio. Gusto niyang makipag-usap. Magbukas ng koneksiyon sa pagitan niya at sa mga Feeders na nasa panig nito.

"Kumusta ang mortal na sinaktan ni Drake?"

"Ligtas na."

"Sino ang babaeng 'yon na nagpagaling ng sugat niya?" diretso niyang tanong. Nakita niya sa pangitain ang nangyari, maging ang pagdating nina Zefro at Crissa sa lugar.

Tumiim ang titig ni Vio sa mga mata niya.

"Pangitain," sabi niya hindi pa man ito nagtatanong. Sa tingin nito ay malinaw na pinagdududahan siya at hindi masisisi ni Irisha ang lalaki. "Siya ba ang babaeng malapit kay Devon?"

Hindi umimik si Vio. Binawi ang tingin at sumandal sa puwesto. Hindi na ito nagsalita, itinuon lang sa harap ang mga mata.

"Gusto kong makipag-usap," mababang sabi ni Irisha. "Bilang kakampi, Vio. Puputulin ko ang konseksiyon natin kapalit ng isang gabing pag-uusap. Ibigay mo sa akin ang gabing ito."

"Kakampi?" si Vio sa mahinang boses. "Pagkatapos ng ginawa mo sa akin? Sa tingin mo, pagkakatiwalaan pa kita? Hindi mo taglay ang katangian ng isang mabuting Livin. Paano ka magiging karapat-dapat na Gabay, Irisha?"

"Dumating ako nang araw na iyon."

Tumingin si Vio sa rearview mirror. Nagtama ang mga mata nila nang ilang segundo bago ito nagbawi ng tingin kasunod ang tawang walang laman.

"At pinanood mo akong manghina?"

"Gusto kitang makitang nanghihina. Gusto kitang makitang nahihirapan—kahit isang beses lang."

"Isang beses? Dalawang beses nang nanganib ang buhay ko dahil sa—"

"Hindi pa sapat ang ginawa ko kapalit ng isang malupit na akusasyon at panlilinlang sa mismong teritoryo ng mga Livin. Walang karapatan ang isang mapanlinlang na hawakan ang sagradong bulaklak para sa amin."

Kumunot ang noo ni Vio, nasa anyo na hindi siya naintindihan.

"Sa gubat ng Liviron, Vio. Ang Ji'ehria."

Kitang-kita ni Irisha ang pagsasalubong ng mga kilay ni Vio bago ang unti-unting pagngiti. Ngiting nauwi sa isang matunog na halakhak. Ilang segundo iyon. Nang mawala ang tunog ng pagtawa ay ibinalik nito ang tingin sa kanya. Hindi umimik si Irisha, sinalubong lang nang malamig na tingin ang titig nito.

Nagtitigan sila nang mahabang sandali.

Mayamaya ay kumilos si Vio, binuksan ang pinto ng sasakyan para lumabas. "Diyan ka lang," may diing sabi ni Irisha na hindi man lang nito pinansin. Balewalang binuksan ang pinto ng backseat at naupo sa tabi niya.

Hindi nagustuhan ni Irisha ang pagbabago ng kanyang pakiramdam sa paglalapit nila. Pumikit siya nang ilang segundo. Itinuon ang atensiyon sa pintig ng kanyang puso. Kailangan niyang mapayapa. Hindi dapat mangibabaw ang hindi niya maintindihang pakiramdam na si Vio lang ang naghahatid sa kanya.

Mas lalong ikinagulat ni Irisha ang sumunod nitong ginawa—basta na lang siya inabot at mahigpit na niyakap. Naramdaman niya ang mariing halik ni Vio sa ibabaw ng ulo niya. Sa higpit ng yakap nito ay tila matalik silang magkaibigan na hindi nagkita ng mahabang panahon.

Hindi nakahuma si Irisha. Wala rin ni isang salita ang nanulas sa mga labi niya. Sa kung anong dahilan ay nagustuhan niya ang yakap ni Vio.

"Patawad, Livin," sabi ni Vio sa mahinang boses, bahagyang dumistansiya at niyuko siya. Hindi niya napigilang mag-angat ng tingin. "Sa kasinungalingan."

"Masyado nang huli para humingi ng tawad, taga-kanluran—"

"Hindi pa," putol ni Vio. "Pareho tayong hindi pa nakalimot, hindi ba?"

Hindi umimik si Irisha, nanatiling nakatitig lang sa mga mata ni Vio. Si Vio na wala man lang pag-aalinlangang sinasalubong ang titig niya.

"Hindi ka pa ligtas sa—" hindi na niya natapos ang pangungusap, pinatahimik siya ng mga labi ni Vio!

Mariing halik ang naramdaman niya. Halik na tinapos rin kaagad ni Vio bago pa niya naisip na hindi man lang siya pumalag.

"Para sa panggugulo mo sa isip ko nitong mga nakaraang araw," si Vio at marahang sumandal sa puwesto nito pagkatapos siyang pakawalan. "Puwede mo na akong saktan," dagdag nito at ngumiti, muling sinalubong ang titig niya. "Idagdag mo sa mga kasalanan ko ang halik na hinding-hindi ko pagsisisihan."

Dapat ay kanina pa niya binigyan si Vio ng sakit ng ulo o paninikip ng dibdib. Kanina pa niya dapat pinagbayad sa mga ginagawang hindi niya maintindihan at hindi dapat nito ginagawa sa una pa lang nilang pagkikita. Ngunit walang ginawang kahit ano si Irisha. O mas tamang sabihin na wala siyang nagawa.

Naghalo ang gulat at damdaming hindi niya maintindihan. At pakiramdam niya ay hindi sapat ang lakas niya...

Binawi ni Irisha ang tingin at maingat na inilabas mula sa bulsa ng jacket ang jara.

"Putulin na natin ang koneksiyon—" pinigilan ni Vio ang bisig niya.

"Hindi na kailangan," agap nito. "Gusto ko nang naririnig ang boses mo. Pabor sa akin na nakakausap kita nang hindi natin kailangang magkita."

Maging si Irisha ay nagulat na agad niyang itinago ang jara. Nalilito siya sa mga nangyayari. May kung ano talaga kay Vio na hindi niya maintindihan. Bukod sa positibong emerhiya, may nasasagap siyang lakas na bago sa kanya. Lakas na pakiramdam niya ay ikinukulong siya, kinokontrol siya.

Tahimik na si Irisha nang mga sumunod na sandali. Tumungo siya at pumikit. Mas pinakiramdaman ang sarili. Walang negatibong enerhiya mula kay Vio na sumasalungat sa sarili niyang enerhiya pero bakit pakiramdam niya ay hindi gaya ng dati ang lakas niya?

"Ikaw na ba talaga ang batang iyon?" boses ni Vio na nagpadilat kay Irisha. "Hinanap kita. Hinanap kita para humingi ng tawad pagkatapos kong pumasa sa pagsubok. Sinasanay ako ni uviuro nang araw na iyon." Uviuro salitang Fedei na ang ibig sabihin ay abuelo. Si Alezandro ang tinutukoy nito. "Dinala ko sa Pilipinas ang Ji 'ehria na ang batang Livin ang nasa isip ko."

"Tumubo at namulaklak ang Ji'ehria? Dito?" hindi siya makapaniwala. Sa kagubatan lamang ng Liviron nabubuhay ang bulaklak.

"Pagkatapos ng maraming beses na pagkabigo, nakuha ko rin tamang lupa na kailangan ng Ji 'ehria."

"Hindi ko nagawa ang nagawa mo."

"Magaling ako sa lupa, Rish," si Vio at ngumisi. "Tahanan ng mga magsasaka ang Layanor. Laya ang mga ninuno ko."

Rish?

"Pinanindigan mo ang pagiging magsasaka hanggang sa Pilipinas?"

"I'm a Farmer when I want some peace. Agriculturist on rainy days," kasunod ang paglapad ng ngisi. "Landscape architect every summer."

Nakikinig lang si Irisha sa mga sinasabi ni Vio...


CLUB RED 3: VIO (Sunset And You) Published, 2015. COMPLETED.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon