Ang Gabay Sa Mga Mata ng Apo ng Orihinal

1.2K 49 0
                                    

KANINA pa iniisip ni Vio na may iba kay Irisha nang araw na iyon. Hindi na ito ang Livin na nakakausap niya sa isip at ang parehong babaeng nakaharap at nakausap niya na rin.

Hindi handa si Vio sa sobrang katahimikan ng babae. Kung hindi sa malayo nakatingin ay nahuhuli niyang pinagmamasdan siya. Para bang may lihim na iniisip si Irisha laban sa kanya. Pakiramdam tuloy ni Vio ay dapat siyang maging alerto. Baka itarak na lang basta ni Irisha sa dibdib niya ang jara!

At ngayong nasa Z coffee sila, sa halip na kape ay malamig na tubig ang iniinom ni Irisha—sunod-sunod ang refill na parang sadya nitong nilulunod ang sarili.

Rish.

Inilapag ni Irisha ang baso na sinaid na nito ang laman. Tumingin sa mga mata niya. Blangko ang mukha, hindi rin sumagot sa isip niya.

Hindi ka mortal na kailangang uminom ng walong basong tubig sa isang araw. Malulunod ka na.

Mas ayoko ng walong tasa ng kape.

What do you want then?

 Hindi siya sumagot.

Blood?

No.

Mabilis na inilayo ni Irisha ang tingin. Bigla ay nagkaroon ng black out sa isip ni Vio. Wala na siyang nasagap na kahit ano mula sa babae. Malalim na katahimikan na. Isinara nito ang isip para hindi na niya magawang kausapin.

Hindi na nagsayang ng oras si Vio, tumayo siya at mahigpit na hinawakan sa braso si Irisha. Inaasahan niyang magpoprotesta ang babae at magkakasukatan pa sila ng lakas pero hindi. Tahimik na nagpahila si Irisha sa kanya palabas ng Z. Hindi pa rin ito nagprotesta maging nang sapilitan niyang dinala sa kanyang kotse. Ikinabit lang nito ang sariling seat belt at itinutok na sa harapan ang tingin.

Pinaharurot ni Vio palayo ang kotse. Hindi niya ihahatid ang babae sa bahay nito sa Antipolo na nalaman niyang hindi naman talaga nito madalas na inuuwian. Sa condo unit na tinutuluyan dinala ni Vio si Irisha. Isa sa mga units sa Azzeira, ang twenty-floor condominium building na isa sa maraming projects ng AIR. Bawat isa sa kanila ay may hawak na keycard sa mga particular residential building ng AIR sa Metro Manila. Isang condo unit para sa isang Feeder. Si Pierce, bilang utak ng AIR ang personal na pumili. Sa fifteenth floor ng Azzeira naroon ang unit para sa kanya na paminsan-minsan din niyang inuuwian. Mas madalas siyang nasa Feeders mansion, mas ramdam niya ang kalikasan sa lugar na iyon.

"Saan mo ako dadalhin?" si Irisha nang sa wakas ay kumibo. Napansin na nito na hindi sila papunta sa Antipolo.

Hindi sumagot si Vio, sinulyapan lang niya si Irisha. Kapansin-pansin ang kawalan ng gana nitong makipag-argumento. Hindi ang babaeng kasama niya ngayon ang Irisha na nakilala niya. May palagay rin si Vio na kahit inisin niya ito nang husto ngayon, hindi siya sasaktan ng babae gamit ang kakayahan nito.

"Nasa Azzeira ang unit ko," sabi niya. "Mas malapit kaysa ihatid pa kita sa bahay mo." Inaasahan ni Vio na mahaba ang mga sasabihin ng babae para kontrahin ang pagdadala niya rito nang walang paalam. Mali na naman siya. Nanahimik lang si Irisha at ibinaling sa labas ng bintana ang atensiyon. Hanggang pumapasok na sila sa parking area ng building ay wala pa ring imik ang babae.

Inabot ni Vio ang keycard kay Irisha. Binanggit rin niya ang numero ng unit. Gusto niyang bigyan ng pagpipilian ang babae. Ang umalis o maghintay sa kanya. "May bibilhin lang ako sa malapit na convenience store," sabi niya, hinawakan ang kamay nito at tinungo na nila ang lobby. Tumango at ngumiti sa kanya ang mga guards. Inihatid niya si Irisha hanggang sa elevator. "Susunod ako," at binitiwan na niya ang kamay nito. Ramdam ni Vio na nakasunod sa kanya ang tingin ng babae hanggang nakalabas na siya ng lobby.

Hindi na siya magugulat kung pagbalik niya ng building ay wala na si Irisha.


CLUB RED 3: VIO (Sunset And You) Published, 2015. COMPLETED.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon