Si Zefro ang naisip ni Irisha na balikan.
Sumandal siya sa katawan ng puno at marahang pumikit. Ikinukubli ng punong iyon ang presensiya niya sa lugar. Naramdaman niya ang pamilyar na enerhiya—nagliwanag muli ang pulang bato sa Araw.
"Naparito ako para tugunin ang pagtawag mo," sabi ni Zefro sa mababang boses. Naramdaman niya kung nasaan ito, sa likod mismo ng katawan ng puno kung saan siya nakasandal.
Sa marahang kilos ay inilantad ni Irisha ang sarili. Pinagdaop ang mga palad at ibinigay ang pagbati ng mga Livin sa isang kauri na nagmula sa ibang dugo.
"Salamat sa pagtugon, Zefro," sabi niya. "Kailangan ko ang tulong mo."
"Makikinig ako."
Nagtama ang mga mata nila. Muling naramdaman ni Irisha ang pamilyar na reaksiyon ng puso niya. Pintig na para bang nagbibigay ng babala ng pamilyaridad. Mula sila sa magkaibang dugo kaya malabong ang pintig na iyon ay dahil pareho silang nagmula sa Liviron. Siya lang ang Livin, si Zefro ay mula sa Ogoda.
"Nabanggit mo ang tungkol sa mga sanggol ni Xapiro noong huli tayong nagkita—tatlong sanggol na espesyal at naghiwa-hiwalay."
"Natatandaan ko, Irisha."
"Si Crystal ang nagtataglay ng Mez Infinita, tama?"
"Tama. At si Crissa, may asul na marka."
"Na hindi ko alam ang kahulugan."
"Ang huling sanggol, Zefro, nasaan siya?"
"May ideya ako ngunit hindi sigurado. Ang mga putol-putol na panaginip ni Crissa sa ngayon ang nagtuturo sa akin sa mga malabo pang katotohanan, Irisha."
"Mga panaginip?"
"Tinatawag siya ng Bato ng Buhay,"
"Katibayan ng pagiging espesyal. Ano pa?"
"May mga hindi pamilyar na mukhang nasa kanyang panaginip at isang lugar na posibleng kanlungan ng mga Feeders."
"Saan?"
"Sa Laguna."
Tumugon ng kakaibang pintig ang puso ni Irisha.
"Pareho ba tayo ng lugar na iniisip, Zefro?"
"Kung ang Red Paradise ang iniisip mo, oo."
"Sa...sa Red Paradise ang mga mukhang nakita niya sa panaginip?"
"Sa panginip ni Crissa, nasa loob siya ng lugar. Kasama ang mga mukhang nagawa niyang iguhit."
"Nalaman mo na kung sino sila?"
"Isang dalagang kaedad niya na nagngangalang Tin, at isang lalaking sigurado akong kilala mo."
"Ang apo ng heneral?"
"Ang apo ng prinsipe," tugon ni Zefro. "Ang kutob ko, maaring naroon din ang apo ng heneral at ng espiya."
"Gaya ng hinala ko," sabi niya. "Ang hindi ko tiyak ay kung kakampi ba sila o kaaway."
"Hayaan mong tiyakin ko muna ang lahat," malumanay na sabi ni Zefro. "Sa mga susunod na araw ay maaring dalhin ko na sa lugar si Crissa. Nahihirapan na siya sa mga pagbabagong hindi ko rin alam ang mga dahilan, Irisha. Asahan mo na rin na tatawagin kita nang mas madalas para humingi ng tulong."
"Makakaasa kang pakikinggan kita, Zefro."
"Salamat. Isang bagay pa,"
"Ano 'yon?"
"Ano'ng alam mo tungkol sa aklat na Pulang Sumpa?"
Malakas ang hindi napigilang pagsinghap ni Irisha. Iglap ay nasa harapan na siya ni Zefro, kaagad namang inilihis ni Zefro ang tingin, nahulaan marahil ang balak niyang gawin.
"Hindi ko ibibigay ang impormasyon sa sandaling gamitan mo ako ng kapangyarihan, Livin." pantay na sabi nito, nanatiling matatag ang tindig habang ang mga mata ay nakatutok na sa isang direksiyon, sa kanan nila. "Mahalagang aklat ang Pulang Sumpa kung tama ang kutob ko," si Zefro pa rin, "At natiyak kong tama ang kutob ko, ngayon lang."
"Dalawang aklat ang ayon kay Imang ay pinakamalaga sa kahalili niyang Gabay. Ang Pulang Sumpa at ang Puting Anino. Nasa pag-iingat ko ang huli, habang ang Pulang Sumpa, ayon kay Imang ay mapapasakamay ko rin sa tamang panahon. Hindi ko alam kung kailan pa ang tamang panahon ngayong nasa kritikal na taon na tayo at nawawala siya."
"Kasama ang Pulang Sumpa sa panaginip ni Crissa," patuloy ni Zefro. "At kung paniniwalaan ko ang lahat ng nasa panaginip niya, nasa pag-iingat ni Devon ang aklat, Irisha."
"Ni Devon!" hindi niya napigilang ibulalas. "Imposibleng iiwan sa kanya ni Imang ang aklat! Gaya ni Vio, walang direksiyon ang batang Devon noon, at hanggang naging Ganap siya, nanatili siyang lihis sa pamumuhay na inaasahan sa kanya."
"Kung nasa Red Paradise si Devon, itataya ko ang walang halagang buhay ko na tama ang mga panaginip ni Crissa tungkol sa aklat."
"Kailan mo balak ihatid si Crissa sa Red Paradise?"
"Kapag natiyak ko nang ligtas ang lugar na iyon para sa kanya. Hindi kami magkaibigan ni Devon. Sakaling may banta sa kaligtasan ni Crissa sa lugar, mas gugustuhin kong manatili siya rito at patuloy na paniwalaan ang mga kasinungalingang binuo ko."
Matagal na tinititigan ni Irisha si Zefro. Kung papasukin nito ang Red Paradise kasama si Crissa, dapat na rin niyang paghandaan ang pagtuntong sa lugar. May dahilan na siya ngayon para magpakita sa mga apo ng mga Orihinal—ang Pulang Sumpa.
"Zefro?"
Bumaling si Zefro, naghintay ng sasabihin niya.
"Hindi dapat pero natatakot ako," isa sa mga kaibahan ni Irisha sa mga Livin na nauna sa henerasyon niya ay marunong siyang umamin ng kahinaan at makiusap. Hindi siya binulag ng lakas at kapangyarihan, bagay na ayon kay Imang ay katangian ng isang tunay na Gabay—ang pagkakaroon ng pusong maitutulad sa puso ng isang mortal. Naging bihasa lang siya sa pagtatago ng tunay na emosyon at sa mga piling kakampi lang siya nagpapakita ng kahinaan, gaya ni Zefro na ang mismong bato sa Araw ang nagkumpirma na isang kakampi.
Isang rason kung bakit pinutol ni Irisha ang pakikipag-ugnayan kay Vio ay dahil sa hindi inaasahang nagawa niya—ang makiusap. Hindi isang mahinang Livin ang nais niyang makilala nito.
"Para saan ang takot mo?"
"Sa mga lihim na maari kong matuklasan. Ang mga apo ng Orihinal, paano kung hindi sila gaya mo na balot ng liwanag ang puso? Na handang lumaban para sa liwanag? Hindi ko kakayaning mag-isang ituloy ang laban ni Imang. Mas may lakas ako sa kaalamang mapahamak man ako ay may mga pusong babangon para ituloy ang laban para sa akin. At si Imang, hindi ko pa rin maramdaman ang kanyang enerhiya..."
"Huwag mong pigilan ang takot, Irisha," malumanay na sabi ni Zefro. "Matakot ka. Matakot ka na ngayon. Ipakita mo sa akin—dito. At dito mo rin patayin ang takot na 'yan. Walang puwang ang takot sa mga sandali ng totoong laban."
Tama si Zefro. Walang magandang idudulot sa kanilang lahat kung panghihinaan siya ng loob.
Pinagdaop ni Irisha ang mga palad. Mayamaya pa, binalot na ang buong katawan niya ng puting usok. Ilang segundo iyon. At nang mawala ang usok, panatag na ang kanyang pakiramdam.
Nang sandaling iyon ay hinayaan na ni Zefro na magsalubong ang mga mata nila.
"Nasa panig mo ako hanggang sa huli, Livin." sabi nito, ipinapahayag ng mga mata ang katapatan.
"Salamat."
Sabay nilang pinagdaop ang mga palad at yumukod sa isa't isa, ang pamilyar na pamamaalam ng mga totoong dugong Fedeo.
BINABASA MO ANG
CLUB RED 3: VIO (Sunset And You) Published, 2015. COMPLETED.
VampiriClub Red Book 3. NOTE TO READERS: UNEDITED version po ni Vio ang mababasa n'yo. 'Wag magulat sa mga typos and other error. :) Available in ebook: https://preciouspagesebookstore.com.ph/Product/Info/2460/Club-Red-Vio-(Sunset-And-You) Paperback: https...