Si Vio at Ang Nagbabalik na si Mina

1.4K 65 10
                                    

UMANGAT ang palad ni Vio at mariin ang naging paghagod sa sariling dibdib. May hindi pamilyar na bigat siyang nararamdaman. Ilang beses niyang inulit ang paghugot ng hininga at pagbuga ng hangin. Hindi iyon epekto ng alak na katatapos lang niyang inumin bago siya lumabas sa hardin.

Nag-aalala siya. Pag-aalalang sumisidhi sa paglipas ng oras.

Rish?

Pang-ilang beses na ba niyang pagsubok iyon? Lampas sampu na. Lampas sampung pagtawag na walang tugon. Wala siyang masagap na kahit ano mula kay Irisha. Nasaan ang babae? Ayon kay El ay wala na ito sa San Vicente. Imposibleng isara nito ang isip. Nag-usap na sila. Nagka-intindihan na sila. Binuksan na nga nito ang komunikasyon sa pagitan nila. Hindi na si Irisha lang ang laging unang magbubukas ng koneksiyon nila.

Rish!

Mas dumiin ang paghagod niya sa sariling dibdib. Pakiramdam niya ay lumalim ang isang uri ng kirot na hindi niya maintindihan.

Answer me, Rish, damn it!

Katahimikan pa rin ang nakuha niyang sagot.

Walang kahit anong ingay na nagmumula sa panig ni Irisha. Mataas na ang emosyon ni Vio nang tumayo siya at pumasok sa loob ng mansiyon sa malalaking hakbang. Tumigil rin siya mayamaya, naramdaman ang mga matang nakatutok sa kanya. Lumingon siya sa direksiyon kung saan naroon ang Feeder na nagmamasid sa kanya—si Zefro.

Hindi man lang kumurap ang Dark Feeder na mahabang panahong nag-alaga kay Crissa, ang Sapphire. Sinalubong ni Zefro ng blangkong tingin ang mga mata niya.

Binawi ni Vio ang tingin at itinuloy ang pagpasok sa loob ng mansiyon. Hinahangaan niya si Zefro sa Fedeus noon. Sa katapatan kay Xapiro at sa tatag bilang Feeder. Alam rin niya ang kayang gawin ni Zefro na hindi nila kayang gawin kahit pa apo sila ng mga Orihinal—ang Pagtawag ng tama sa mga diwata ng Fedeus. Nag-iba ang tingin niya kay Zefro ngayon—mula nang marinig niyang pinag-uusapan nito at ni Crissa si Irisha. Hindi niya alam na mas madalas pala na nag-uusap sina Zefro at Irisha noon.

Hindi niya gusto ang ideya na mas maraming pag-uusapan sina Zefro at Irisha kaysa sila ng babae.

Bakit laging may reserbasyon si Irisha pagdating sa kanya?

"Matang-pusa!"

Pakiramdam ni Vio ay inatake siya ng isang mahinang mandirigma na hindi niya napaghandaan. Kung naging mortal siya, bagsak na sila ni Mina sa sahig malapit sa silid niya sa impact ng biglang pagsugod nito ng yakap. New Feeder si Vio, na hindi man lang titinag sa bigat ni Mina pero dahil sa kanilang lahat na nasa mansiyon ay siya ang 'mortal' sa paningin ni Mina, nagpanggap siyang tinalo ng bigat ng babae. Napasandal kunwari sa dingding malapit sa pinto ng kanyang silid.

"So, you're back, I heard," aniyang hindi napigilan ang matawa. Kung makayakap si Mina ay parang isang taon na hindi siya nakita. Ramdam niya ang saya ng babae at nasasagap rin niya ang iniisip nito.

The girl missed him.

Siguro nga, nasasanay na siya sa mga mortal na pati emosyon ng mga ito ay tumatawid na rin sa kanya. Nahahawa na siya. Napakahaba ng panahon na hindi siya nakaramdam ng kahit anong emosyon. Na hindi niya naramdamang buhay ang puso niya. Ngayon ay may init na siyang nararamdaman sa dibdib. Buhay na rin ang pintig na naroon.

"I never thought I'd miss you," ani Mina, dumistansiya at tumingala sa kanya. Titig na titig ang babae sa mga mata niya na natutukso siyang gamitin ang kakayahan para ipagawa rito ang isang kalokohan. Hindi niya gagawin. Natitiyak niyang hindi birong sakit ng katawan ang ibibigay sa kanya ni Yshael.

Umangat na lang ang mga kilay ni Vio nang sapuhin ni Mina ang mga pisngi niya. "Totoo bang blue ang eyes mo 'pag nagugutom ka? Blue-eyed vampire ka? May ganoon pala? Walang ganoon sa mga vampire movies—" tinakpan na niya ng dulo ng mga daliri ang mga labi nito para hindi na humaba pa ang kung ano-anong sasabihin.

CLUB RED 3: VIO (Sunset And You) Published, 2015. COMPLETED.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon