Ang Takot ng Sapphire

1.2K 40 0
                                    

NAIINTINDIHAN ni Irisha ang damdamin ni Crissa nang sandaling iyon. Mataas ang negatibong emosyon sa dibdib nito. Nananaig ang takot para kay Zefro na bihag ng grupo ni Drake. Pinakinggan niya ang mahabang palitan ng pangungusap ng magkakapatid.

"Kaya maghihintay na lang ako, ganoon ba?" susog ni Crissa, halo-halo na sa mukha ang emosyon. Takot, galit, sakit, pag-aalala. Hindi na siya magugulat kung bigla na lang gamitin nito ang kakayahan para takasan ang mga Feeders na nagkulong sa kanila sa silid na iyon. "Paano 'pag napahamak siya? Kayo mismo ang nagsabing hayup ang Drake na 'yon, 'di ba? Intensiyon niyang patayin si Mina, napagaling mo lang ang best friend mo, Tin!"

Natahimik sina Crystal at Christina.

"Sa ngayon, magtiwala na lang muna tayo kina Dev," mayamaya ay sabi ni Christina. "Sigurado akong hindi sila basta maghihintay lang."

Naisip ni Irisha na sumali na sa usapan. Hindi nakakatulong sa kanila ang pagsakop ng negatibong emosyon sa puso ni Crissa. Lalong hindi iyon makakabuti kay Zefro. "Tatagan mo ang puso mo," sabi niya kay Crissa. "Hanggang buhay ang pag-asa sa puso mo, walang imposible, Crissa. Sa inyong tatlo, ang kakayahan mo ang walang limitasyon. Hanggang nagtitiwala ka, ang imposible ay magiging posible."

Napatitig sa kanya si Crissa, para bang inintindi ang mga sinabi niya. Habang abala sa pag-uusap kanina ang tatlo, sinusubukan ni Irisha na hanapin ang enerhiya ni Zefro. Wala siyang nasagap. Ngayon lang niya naramdaman ang mahinang enerhiya. Marahang pumikit si Irisha kasunod ang pagsapo sa pendant ng kuwintas.

Zefro? Nasaan ka?

Huminga nang malalim si Irisha, humigpit ang hawak sa Araw. Sa diwa ay nakita niya ang masikip na silid, madilim... napadilat siya bigla. "Nasa isang masikip na silid siya. Sugatan. May malay na siya."

"Saang lugar? Gaano kalayo rito? Sapat pa rin ba ang lakas niya? Paano kung—"

"Si Zefro ay kabilang sa unang henerasyon ng mga Feeder, Crissa. Mas nauna siya sa henerasyon ko. Taga-Silangan siya, isang Ogor, ang lahing pinagmumulan ng mga mandirigma ng Fedeus. Naging kanang-kamay siya ng ama n'yong si Xapiro na nag-iisang mandirigmang Ogor na hindi isinilang na Feeder. Ang ama n'yo ay isang dating mortal, isang natatanging mortal na ang bawat kahilingan sa mga puting diwatang Tagabantay ay natutupad dahil sa busilak niyang puso. Taglay ni Zefro ang tatag ng puso ng inyong ama. Hindi siya ganoon kahina para matakot ka nang ganyan."

Sa anyo ni Crissa ay nabuhayan ito ng loob pagkatapos marinig ang sinabi niya. "Ganyan nga, Crissa," sabi ni Irisha. "Ang lakas mo ay lakas din niya. At lakas naming lahat na nasa panig mo."

"Ano'ng ibig mong sabihin?"

"Hanggang nababalot ng positibong enerhiya ang puso mo, mananatiling mataas din ang enerhiya ng mga pusong nasa panig ng liwanag. Maniwala ka sa akin, sa mga sandaling ito ay nararamdaman ni Zefro ang nagbabalik na tatag ng puso mo."

"Puwede ko ba siyang makausap gamit ang isip ko?"

"Sa inyong tatlo, si Crystal lang ang maaaring gumawa ng sinabi mo pero hindi siya ang kailangang makausap ngayon ni Zefro--ikaw."

"Ano'ng puwede kong gawin? Kahit ano, Irisha, gagawin ko magkausap lang kami."

Ngumiti si Irisha. "Puwede kitang tulungan... 'yan ay kung handa ka nang pagkatiwalaan ako?"

Matagal na naghinang ang mga mata nila. Dahan-dahang ngumiti si Crissa habang magkahinang ang mga mata nila. "I'm sorry."

"May koneksiyon sa pagitan namin na mahirap ipaliwanag pero hindi iyon nangangahulugan na may romantikong interes kami sa isa't isa."

"M-mahal ka ni Maestro..."

Natawa si Irisha. Nakikita niya sa isip na naglalabas na naman ng pangil si Vio, o kaya ay nakikipagsagupaan sa mga puno. "Naririnig tayo ni Vo, lalabas na naman ang mga pangil ng selosong 'yon."

"Hindi mo alam? Ikaw... ikaw ang sumpa ni Maestro. Nagbago ang body temperature niya mula nang dumating ka sa San Francisco..."

Nagkaroon ng tunog ang tawa ni Irisha. Hindi niya alam na nakakaaliw pala si Crissa. Nag-iisip talaga ito na may namamagitan sa kanila ni Zefro! "Sinabi niyang mahal niya ako?"

Umiling si Crissa.

"Gusto mo bang malaman kung kailan nagsimulang magbago ang body temperature ni Zefro?"

Napatitig sa kanya si Crissa.


CLUB RED 3: VIO (Sunset And You) Published, 2015. COMPLETED.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon