ANG TAMANG dapat gawin ay lumabas ng lobby at umalis sa lugar na iyon, iyon din mismo ang iniisip ni Irisha pero hindi niya mapilit ang sarili. Sa mahabang panahon ng pag-iisa, halos hindi na niya matandaan ang pakiramdam nang may kasama ngunit nang sandaling iyon, hindi niya gustong mag-isa. Hindi niya gustong umuwi sa bahay sa Antipolo at makiramdam sa tila walang hanggang katahimikan. Hindi rin niya magagawa ang matulog nang mahabang sandali-dahil hindi na katahimikan ang hatid sa kanya ng oras ng pahinga. Hindi na payapa ang tulog niya. Hindi gusto ni Irisha na makita ang pamilyar na eksena. Mas pipiliin niyang gising magdamag-ang dahilan kung bakit pabor sa kanyang kasama si Vio. Mas pinili niyang manahimik at hayaan ang lalaki sa nais nitong gawin dahil gusto niyang kasama ito nang sandaling iyon.
Pumikit si Irisha, humugot ng hininga at tumingala. Pagbukas ng elevator, pumasok siya nang hindi na nag-isip pa. Mas mahalaga sa kanya na malampasan ang araw na iyon. Gusto niyang kalimutan muna ang maraming inaalala.
Ilang sandali lang, huminto ang elevator sa ikalabing-limang palapag. Walang pagmamadaling hinanap niya ang pinto ng unit ni Vio. Pinili niyang hindi muna pumasok sa loob. Naupo na lang siya malapit sa pinto at tagusang tumitig sa kaharap na dingding. Nakasara ang isip niya kaya malaya siya sa iba't-ibang tunog na nagmumula sa paligid. Isinandal niya ang likod ng ulo sa malamig na pader kasunod ang pagpikit. Muli niyang nakita sa diwa ang imahe, na mabilis niyang itinaboy. Tulad ng laging ginagawa ni Irisha sa mga pagkakataong magulo ang isip niya, itinuon niya sa isang imahe ang isip-kung dati ay magandang larawan ng kalikasan ang nagpapagaan ng pakiramdam niya, nang sandaling iyon ay sinubukan niya ang isang larawan: Mukha ni Vio Gallet.
Bawat bahagi ng mukha ni Vio ay tinitigan niya...at natagpuan ni Irisha ang sariling naaaliw. Hindi niya namalayang napapangiti na siya nang mga sumunod na sandali.
"Rish?"
Biglang napadilat si Irisha. Sinalubong ng mga mata ni Vio na nakatunghay sa kanya ang pagmulat niya ng mga mata. Ilang segundo siyang napatitig sa lalaki bago marahang ngumiti. Kinuha nito sa kamay niya ang keycard kasunod ang paghila sa kanya patayo.
Pagkapasok sa unit, iginiya siya ni Vio na maupo sa sofa. Naagaw ang atensiyon ni Irisha sa nag-iisang maliit na paso sa tapat ng nakabukas na bintana malapit sa dining area.
"Sunset flower," sabi ni Vio matapos sundan ang tinutungo ng mga mata niya. "Ang tawag ko sa Ji'ehria na tumubo sa Pilipinas." Hinila siya ni Vio patungo sa isa sa mga saradong pinto na nakita niya-ang silid nito, na hindi na niya nagawang sipatin dahil tumutok agad ang mga mata niya sa painting na naroon. Buhay na buhay ang tanawin ng sunset, sinisinagan ang pumpon ng Ji'ehria, at isang anino ng babae na pumipitas ng bulaklak.
"Gawa ng isang kaibigan," sabi ni Vio eksaktong bumaba sa pangalang nasa ibaba ang tingin ni Irisha. "A." ang malinaw niyang nabasa.
"Ang artist na nasa Baguio?"
Tumango si Vio.
"Sa bagong painting na ipagagawa ko, may mukha na ang babaeng 'yan."
"Madaling humanap ng modelo kung ang artist na si A ang magpipinta," sabi ni Irisha na hindi inaalis ang tingin sa painting. Totoong-totoo ang Ji'ehria, mas binuhay pa ng tanawin ng sunset. Pagbaling niya kay Vio ay huling-huli niya ang titig nito. Titig na mas tumiim nang magtama ang mga mata nila.
Pakiramdam ni Irisha ay may batong bumundol sa puso niya. Literal na huminto ang paghinga dahil sa tila kamay na pumiga sa kanyang puso. Saan galing ang kirot na iyon?
Inilayo niya ang tingin kasunod ay binawi ang kamay mula kay Vio. Nauna na siyang lumabas ng silid. Sumunod si Vio na hindi na rin nagsalita pa. Pagkabalik nila sa sala, humingi ng alak si Irisha. Sinamahan siya ng lalaki na uminom. Nagsunod-sunod ang pagsalin niya ng alak sa wine glass.
Pinagbigyan siya ni Vio. Kung kanina ay sa tubig niya halos lunurin ang sarili, ngayon ay sa alak naman. Gusto niyang bumagsak ng tuluyan at makalimot. Kahit isang gabi lang. Isang gabi lang naman siyang magiging pabaya, na hindi niya iisipin na anumang sandali ay may darating na kaaway para umatake. Kasama naman niya si Vio. Hindi siya nito hahayang mapahamak na lang.
Sa mga unang segundo ay pinanonood lang siya ni Vio. Nang mga sumunod na oras ay sinabayan na rin ng lalaki ang pag-inom niya.
Nagpatuloy si Irisha sa pagsalin ng alak sa kopita hanggang wala na siyang matandaan.
At nagising siya kinabukasan na walang kahit anong saplot sa katawan!
BINABASA MO ANG
CLUB RED 3: VIO (Sunset And You) Published, 2015. COMPLETED.
VampireClub Red Book 3. NOTE TO READERS: UNEDITED version po ni Vio ang mababasa n'yo. 'Wag magulat sa mga typos and other error. :) Available in ebook: https://preciouspagesebookstore.com.ph/Product/Info/2460/Club-Red-Vio-(Sunset-And-You) Paperback: https...