NAGISING na naman si Irisha sa pamilyar na panaginip na ilang linggo nang gumugulo sa kanya. Ang panaginip na iyon ay tila karugtong ng maiikling sandaling tila naglalakbay ang isang bahagi niya—nakikita na lang niya ang sariling mainit na nakikipaghalikan at buhay na buhay sa sistema niya ang sensasyong hatid sa katawan niya ng halik—matatauhan siya dahil sa liwanag na hindi niya alam kung saan nagmula. Doon niya matatanto na mag-isa lang siya sa lugar at ang eksenang iyon ay bunga lang ng saglit niyang pagkakaidlip.
Ang panaginip na gumising sa kanya ngayon ay naghahatid na ng alalahanin. May kakaiba sa panaginip niyang iyon na hindi niya maintindihan at hindi niya maipaliwanag. Hindi iyon pangitain, sigurado siya. Pamilyar siya sa pintig ng kanyang puso tuwing pangitain ang dumadalaw sa kanya.
Mahirap ipaliwanag pero pakiramdam ni Irisha, isang bahagi niya ay konektado sa eksenang iyon kaya nararamdaman niya nang buhay sa sistema ang mga sensasyon. Sigurado si Irisha na hindi siya ang babaeng iyon pero ano ang paliwanag sa eksenang nasa panaginip niya kung saan ay kusang-loob niyang ibinibigay ang sarili sa kaaway? Nakakabahala na hindi lang siya basta nagpapaubaya sa marahas na pag-angkin sa kanya, tumutugon siya sa parehong intensidad. Ramdam na ramdam ni Irisha ang pagsasalubong ng lakas niya at lakas ng kalaban, ng dahas nito at masidhing pangangailangan niya. Nagtatapos ang eksenang iyon na hinang-hina siya dulot ng pinagsamang sakit at ligaya—sakit na dulot ng pangil nitong bumaon sa laman niya. Sinisipsip nito ang dugo niya habang marahas siyang inaangkin. Papalakas ang bawat sigaw niya habang patuloy siya nitong dinadala sa kawalan. Hindi ito titigil hanggang may natitira pa siyang malay.
His lust was uncontrollable and she was his slave.
Sa eksenang nakangisi ang kaaway na kaniig niya, at nagdidiwang ang ngiti habang pinapanood ang pagkawala ng malay niya—doon siya nagigising na pinagpapawisan at mabilis na mabilis ang pintig ng puso.
Magdamag na siyang sasakupin ng pagkabahala at takot. Hindi na matatahimik ang puso niya hanggang sa mga susunod na oras.
Sa pagpayag niyang manatili kasama ng grupo ni Devon, umaasa siyang habang nasa Feeders Mansion siya o sa Red Paradise at kasama ang mga itinuturing na kakampi, ay magbabalik ang dating kapayapaan ng puso niya subalit hindi. Mas nadaragdagan ang pagkabahala niya lalo at nauulit nang nauulit ang mga eksena at hindi na lang sa panaginip niya. May mga pagkakataong gising siya ngunit nanghihina. Para bang binubuhay ng panghihina niya ang mga sensasyong hindi niya gustong maramdaman.
Lumabas si Irisha ng silid para sumagap ng hangin. Sumandal siya sa labas ng isinarang pinto at pumikit. Hindi pa rin payapa ang puso niya. Kung si Vio ang kasama niya sa panaginip na iyon ay hindi siya mababahala, ngunit hindi. Malinaw ang mukhang nakita niya at malinaw din na pangalan ang isinisigaw niya habang tumutugon ang katawan niya sa marahas nitong pag-angkin sa kanya. Si Drake, ang hayup na pumatay sa abuela niya ang kaniig niya sa kanyang panaginip—hindi, sa kanyang bangungot!
"Are you okay?" banayad na tanong na nagpadilat kay Irisha. Si Vio, nasa harap niya, nakasandal din sa dingding at pinagmamasdan siya.
Napalunok na inayos ni Irisha ang tayo niya. Naroon na naman ang pamilyar na kabog sa dibdib niyang nabubuhay tuwing nasa malapit si Vio. Alam niyang hindi iyon dahil sa koneksiyong nilikha niya sa pagitan nila. Ang ganoong pintig ay babala na ang apo na ito ng espiyang si Alezandro ang itinakdang kahinaan niya, ang magdadala sa kanya ng kaganapan ng sumpa.
Umiling si Irisha. "Kailangan kong lumabas," sabi niya sa mababang boses. "Nang mag-isa..."
Hindi umimik si Vio. Tinitigan lang siya nang mahabang sandali bago marahang tumango.
Tinalikuran na niya ang lalaki. Nakatatlong hakbang pa lang siya nang marinig niya ang pagtawag nito. Bago pa man niya nagawang lumingon ay nasa harap na niya ito—at walang babalang niyakap siya at siniil ng malalim na halik.
Hindi niya alam ang tunay na mukha ng sumpa sa lahi niya hanggang nang sandaling iyon na tila hinihigop ng halik ni Vio ang lahat ng lakas na mayroon siya.
Sabay silang umatras pagkatapos maghiwalay ang mga labi nila—siya ay bumalik sa pagkakasandal sa saradong pinto ng silid niya habang si Vio ay sumandal din sa dingding sa tapat niya. Hindi naghihiwalay ang mga mata nila kaya kitang-kita ni Irisha ang pagsapo ng lalaki sa sariling dibdib, ang pasalampak na pag-upo sa sahig habang kinakapos ng hininga at ang paungol na pagmumura.
Saglit na tumigil ang mundo ni Irisha nang mapagtanto ang ibig sabihin ng eksenang iyon. Hindi siya ang mag-isang nahaharap sa kaganapan ng sumpa—silang dalawa!
Magaang tumawa si Vio sa pagitan ng hindi pantay na paghinga pagkatapos makita ang reaksiyon niya. Titig na titig ito sa mga mata niyang nahuhulaan na ni Irisha na bakas ang gulat. Sa anyo ay naaaliw pa sa pagkagulat na mababakas sa mukha niya. "Hindi mo alam na ito ang ginagawa mo sa akin, Rish? Bakit ba manhid ka pagdating sa akin?"
Hindi rin maipaliwanag ni Irisha kung bakit pagdating sa lalaki ay nagiging limitado ang kapangyarihan niya. Marahil ay isa iyon sa mga tanong na wala siyang paliwanag—ang misteryong bumabalot sa mga puso nila. Dumausdos din siya paupo sa puwesto niya, sinalubong niya ang masuyong titig nito.
"Don't do that," sabi niya.
"Do what?" napapangiting susog nito.
"'Yang affection sa mga mata mo, ayoko 'yan."
Lumuwang ang ngiti nito. Mas nagiging guwapo ito sa ngiting iyon na naghahalo ang pagsuyo at kapilyuhan sa mga mata. "Bakit naman?"
"Mas nanghihina ako."
"Yeah?" Nawala si Vio sa puwesto nito. "Bakit hindi ka muna magpahinga sa balikat ko?" Nasa tabi na niya ito, nakasandal din sa saradong pinto ng kanyang silid.
Pinilit niyang pigilan ang sarili na mapalapit kay Vio dahil takot siyang magtiwala. Noong binuksan niya ang koneksiyong nilikha niya sa pagitan nila ay malaya siyang nakapasok sa isip nito—at mga babae ang iniisip nito buong araw at kung paano nito paglalaruan ang mga babaeng iyon. Hindi nga ikakama ni Vio ang mga mortal na iyon pero aakitin naman nito ang mga babae hanggang sa mabaliw-baliw sa paghahabol dito. Thrill of the chase, doon ito nag-e-enjoy nang husto. Kapag hindi na nito kaya ang obsession ng mga babaeng iyon ay gagamitin nito ang mental gift para tumigil ang babae at tuluyang lumayo.
Hindi mapapayagan ni Irisha ang sarili na maging katulad ng isa sa mga babaeng iyon kaya gamit ang buong lakas ng isip ay pinigilan niya ang hangad ng puso, na hindi rin pala niya kayang panindigan hanggang sa huli. Nagsimulang lumambot ang puso niya nang magbabad si Vio sa initan makita lang siya. At nadagdagan ng nadagdagan ang mga eksena kung saan niya naramdaman ang kabutihan nito, at ang pagpapahalaga sa kanya hindi bilang kauri kundi bilang babae.
Kumilos siya, maingat na ipinaikot sa leeg nito ang mga braso bago siya humilig sa balikat nito. Pumikit siya—upang mapadilat lang nang makita niya sa diwa ang nakangising mukha ni Drake.
"Vio." May naisip na paraan si Irisha para burahin sa isip ang bangungot na nagnanakaw ng kapayapaan ng puso niya. "'Pumasok tayo..."
Naramdaman niya ang pagbaling ni Vio sa kanya. "Sa room mo? Okay..." Isinama siya nito sa pagtayo, at pinangko si Irisha sa mga bisig nito nang hindi siya bumitaw sa leeg nito. Tahimik siyang dinala ito sa kama. Ini-lock niya ang pinto sa isang munting kumpas lang ng daliri. Maingat siya nitong nilapag sa kama pero hindi lumayo, tinitigan siya sa mga mata nang ilang segundo.
"You're scared of something," sabi ni Vio. "Naririnig ko ang pintig ng puso mo, Rish—" Naputol ang pangungusap nang yumapos siya sa leeg nito.
"I want you," anas niya. "I want you now..."
BINABASA MO ANG
CLUB RED 3: VIO (Sunset And You) Published, 2015. COMPLETED.
VampiroClub Red Book 3. NOTE TO READERS: UNEDITED version po ni Vio ang mababasa n'yo. 'Wag magulat sa mga typos and other error. :) Available in ebook: https://preciouspagesebookstore.com.ph/Product/Info/2460/Club-Red-Vio-(Sunset-And-You) Paperback: https...