Oras ng Pahinga

1.4K 52 1
                                    


"RISH?"

Bumalandra si Vio sa dingding sa isang tulak ni Irisha. Nagmura ito bago tumawa. Nakaupo na uli sa tabi niya sa kama ang lalaki nang magmulat siya ng mga mata.

Bago niya narinig ang boses nito, nakasubsob siya sa unan, natatakpan ang mukha ng mga hibla ng mahabang buhok. Hindi niya nakalimutan ang pag-double lock sa pinto ng silid pero nakalimutan niyang bukas ang pinto sa katabi niyang kuwarto. Na nahuhulaan na niyang dinaanan ni Vio. Magkarugtong ang terrace ng dalawang silid kaya naman, napakadaling pasukin ang silid niya. Hindi talaga siya nagsasara ng glass door. Ang hangin ng gabi na pumapasok sa bukas na terrace ang naghahatid sa kanya sa payapang pagtulog.

Pero malayo ang payapang tulog kung nasa tabi niya si Vio Gallet!

Awtomatiko ang pagtulak ni Irisha pagkarinig sa boses ng lalaki, ang reaksiyon sa inaasahan niyang kalokohang gagawin na naman nito.

Sa apat na dugong pinagmulan ng mga Feeders, ang Mortal Feeders na gaya ni Irisha ang mas malapit sa mga mortal ang uri ng pamumuhay. Nasa labas siya buong araw at abala, at sa gabi ay natutulog. Oras ng pahinga ang ginugulo ni Vio nang sandaling iyon kaya hindi niya hahayaan lang ang kalokohang iniisip nito.

"Papasikat na ang araw," sabi ni Vio, nakatunghay sa kanya. "Kailangan ko nang umalis."

"Ang tagal. 'alis na." at ipinikit ni Irisha ang mga mata. Sa ginawa niya rito nang nagdaang gabi ay malabong ulitin ni Vio sa kanya ang mga kalokohang ginagawa sa mga babaeng mortal na pinaglalaruan nito. Mukhang mali siya.

Narinig niya ang magaang tawa ni Vio.

"Mag-usap tayo paggising mo, Rish." at naramdaman ni Irisha ang mariing halik sa labi niya.

Napadilat siya.

Wala na si Vio sa tabi niya. Ang kurtina na isinasayaw ng hangin ang katibayan na may nilalang na mula sa silid ay mabilis na lumabas.

Vio!

See you again, etsu ni.

Hindi na sumagot si Irisha. Hindi siya magbabanta. Hindi rin niya bibigyan ng babala ang lalaking iyon. Magkikita pa sila. Marami pang pagkakataon. Marami pang pagkakataon para magawa niyang parusahan si Vio Gallet. Nagustuhan naman niya ang ilan sa balitang hatid nito, sapat para palampasin niya ang kapangahasang ginawa ng kauri.

Ang balitang iniwan ni Vio na iniwan na siya ng kanyang dakilang maestra ay naghatid ng masidhing bigat sa puso ni Irisha ngunit hindi siya maaring tumigil na lang. Hindi siya maaring huminto dahil sa masakit na katotohanang iyon. Mahigpit ang bilin sa kanya ng abuela, na sa pagdedesisyon ay hindi siya maaring magpadala na lang sa emosyon. Lagi niyang titimbangin ang lahat. Pahalagahan ang mas dapat bigyang halaga. Unahin ang mga bagay na kailangan ng atensiyon. At higit sa lahat, pagdating sa tungkulin ay laging dikta ng isip ang susundin.

Ang puso ay kahinaan nila. Ayon pa sa kanyang abuela, ang pagsunod sa dikta ng puso ay maghahatid lang ng sakit. Sakit na mas magpapahina sa kanya. Importanteng mapanatili niyang matatag ang kanyang isip, at buo ang pisikal niyang lakas para magawa niyang tapusin ang mga dapat niyang gawin.

Hindi siya maaring magpatalo sa kaaway. Ilugmok man siya ng sakit ngayon, kailangan niyang bumangon upang ituloy ang laban. Kung kasama man niya nang mga sandaling iyon ang kanyang abuela, alam ni Irisha na iyon rin ang ipapayo ni Imang: Ang tatagan niya ang kanyang loob at lumaban, kahit wala na ito sa tabi niya.

Gaano man naging masama ang hatid na balita ni Vio, nakatulong ang nalaman ni Irisha na pareho silang nasa panig ng liwanag para maibsan ang tumaas na takot matapos marinig ang balitang wala na ang pinakamatatag niyang kakampi. Ang pagkawala ni Imang ay kahulugan nang pagharap niya sa lahat ng labang parating, na siya na lang. Na wala na ang isang abuela na matiyagang sasagot sa marami niyang tanong. Na wala na ang isang maestra na nagturo sa kanya ng lahat ng kanyang nalalaman. Na humasa sa kanyang mga kakayahan at humubog sa kanya para maging ang apo na karapat-dapat nitong kahalili.

Handa na siya sa bagong tungkulin noong nawala na lang basta si Imang. Malakas ang kumpiyansiya niya sa sarili na kayang-kaya niya ang bagong tungkulin—na nang mga sumunod na buwan ay napagtanto niyang hindi pala ganoon kadali ang lahat

Pumikit siya para ituloy ang naudlot na pagtulog. May dalawang oras pa siya sa silid na iyon. Hindi rin siya magtatagal sa bahay. Babalik siya sa Laguna, mas malapit sa mga Feeders na tiyak na niya ngayong mga bagong kakampi. Magmamasid pa rin siya gaya ng dati. Anumang sandali, alam ni Irisha na kakailanganin nilang magtagpo-tagpo.


CLUB RED 3: VIO (Sunset And You) Published, 2015. COMPLETED.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon