Ang Pagkikita ng Gabay at ng Marangal na Ogor

1.1K 44 0
                                    

Naalala ni Irisha ang bahagi ng pag-uusap nila...

"Zefro?" hindi inaasahan ni Irisha na ang Dark Feeder na nagpahayag ng katapatan hanggang sa huli ang makikita niya sa lugar ng tagpuan nila ni Vio nang dapithapong iyon.

Pinagdaop ni Zefro ang mga palad at yumukod. "Nagkita na naman tayo," si Zefro. "Kumusta ka, Livin?"

"Maayos ako," tugon niya. "Salamat. Si Crissa?"

"Nagsasanay kasama ng mga kapatid. Mas makakabuting maaga silang ihanda. Hindi biro ang tungkuling nakaatang sa kanilang mga balikat."

"Mananatili ka ba sa Red Paradise"

"Hanggang kailangan pa ako ni Crissa." Sagot nito at sinalubong ang mga mata niya. "Kailangan ng Red Paradise ang Gabay, Irisha."

Hindi siya umimik nang mahabang sandali. Ang pagpayag niyang manatili sa lugar kung saan ay naroon rin si Vio ay katumbas ng pagsubo sa sariling mahulog sa isang bangin ng panganib. Na kapag nahulog na siya, tuluyan na siyang malulubog at hindi na makakaahon pa. Ang mga estrangherong pakiramdam na pinupukaw ni Vio ay nasisiguro niyang mas sisidhi. At kung anuman ang nararamdaman niyang iyon ay inaasahan na ni Irisha na yayabong kung magtatagal siyang kasama ng lalaki.

Hindi siya naturuan ng kanyang abuela kung paano pakikitunguhan ang mga estrangherong emosyon na maaring mabuhay sa kanyang dibdib. Naihanda siya sa maraming bagay ngunit hindi sa banta ng sumpang taglay ng lahi nila.

"Magagawa ko ang aking tungkulin nang hindi kailangang mamuhay kasama nila." Sabi niya pagkatapos nang mahabang katahimikan.

Napatitig si Zefro sa kanya. "Ano'ng kinatatakutan mo?"

Hindi niya nagawang sumagot. Natagpuan niya ang sariling umiiwas sa titig ni Zefro. Alam niyang hindi nito mababasa ang kanyang isip pero pakiramdam niya ay may paraan ito para malaman ang tunay na dahilan ng pag-aalinlangan niya. At hindi nais ilantad ni Irisha ang tunay na dahilan ng kanyang takot.

Lalong hindi niya maaring isaboses dahil nakikinig si Vio sa usapan nila nang sandaling iyon. Naramdaman niyang nasa paligid ito, hindi pa lang inilalantad ang sarili.

May bigla siyang naisip. Tama. Magagamit niya ang presensiya ni Zefro sa Red Paradise.

"Magtatagal ka ba sa lugar?" tanong niya kay Zefro. "O hanggang maging handa lang si Crissa?"

"Hindi ko pa maibibigay ang tiyak na sagot."

"Paano kung hilingin kong huwag kang umalis?"

Kumunot ang noo ni Zefro. Napatitig sa kanya.

"Mananatili ako sa Red Paradise kung ipapangako mong hindi ka rin aalis hanggang naroon ako, Zefro."

Natahimik nang ilang sandali si Zefro. Bumakas sa anyo na nalito sa nais niyang mangyari pero mayamaya lang ay umaliwalas na ang mukha nito. Marahil ay naalala ang pag-amin niya sa harap nito ng kanyang mga kinatatakutan. Alam ni Zefro na mas higit ang tiwala niya rito kaysa sa mga Feeders sa Red Paradise.

"Kung iyon ang nais mo."

"Bukas ang Red Paradise para sa lahat ng Feeders na nasa panig ng liwanag, Rish," narinig niyang agaw ng boses ni Vio. Sa wakas ay lumantad na rin ito mula sa pinagkukublihan. Alam niyang kanina pa nakikinig ang lalaki sa usapan. "At sinumang nasa loob ng Paraiso ay ligtas. Hindi mo kailangan ang tulong ni Zefro—"

"Hindi," putol niya. Ang naisip niyang paraan para lumikha ng distansiya sa pagitan nila ni Vio. "Mas panatag akong naroon siya."

"Mahaba pa ang pagsasanay ni Crissa," si Zefro naman sa kalmadong tono. "Hindi ko siya iiwan nang hindi handa kaya mananatili ako sa lugar."

"Iyon lang ang gusto kong marinig," sabi ni Irisha at dinaanan ng tingin si Vio. Nakakunot ang noo nito, hindi maaliwalas ang anyo. "Ako mismo ang magsasadya sa mansiyon. At si Devon, siya muna ang gusto kong makausap."


CLUB RED 3: VIO (Sunset And You) Published, 2015. COMPLETED.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon