"EVI UM ESNEI, Irisha."
Bumaling si Irisha sa pinanggalingan ng boses. Isang matangkad na lalaki na may parehong kulay ng kanyang mga mata ang sumalubong sa kanyang paningin. Nakatayo ang lalaki, nakasalikop sa dibdib ang mga bisig, matiim ang titig sa kanya. Ang dominanteng ilong at mga mata ay pisikal na katangiang nakuha nito sa prinsipe.
"Devon Mcquirri," usal niya at sinalubong ang titig nito. Tulad ni Vio, hindi ito nagtangkang magbawi ng tingin. Deretso ang titig sa mga mata niya. "Ikaw nga..."
Umangat ang isang kilay ni Devon kasunod ang pagngiti. Mas naging maamo ang anyo nito. Pero sa kabila ng amo ng dating sa unang tingin, nararamdaman ni Irisha ang malakas na enerhiyang natutulog lang sa loob nito, naitatago nang hindi pangkaraniwang kapayapaang nakikita niya rito.
"Kumusta ka, Livin?"
"Gaya mo ay maayos ako, Zeran," sagot niya. Pinagdaop niya ang palad at yumukod. "Nagagalak akong makita ka, apo ng prinsipe."
"Ako rin," sabi ni Devon, "Maupo ka, Irisha."
"Hindi na kailangan," sabi niya. "Hindi rin naman ako magtatagal. Dalawang bagay lang ang sadya ko, Devon. Una, ang mga katotohanang alam mo tungkol sa Huling Sikat, kailangan kong malaman. Ikalawa, ibigay mo sa akin ang Pulang Sumpa."
"No," maikli pero malinaw na sinabi ni Devon. Nagsalubong ang mga kilay ni Irisha. "Sa akin iniwan ni Irama ang libro, mananatili siyang nasa akin hanggang sa huling sandali." mas malumanay na sabi nito. "Maging sa konseho ay hindi ko pa naipapakita ang libro, Irisha. Hindi ko maaring basta na lang ipagkatiwala sa 'yo kahit ikaw pa ang bagong Gabay—"
"Hindi maaring makita 'yan ng konseho!" biglang agaw niya. "Hanggang hindi malinaw sa atin ang lahat. Hangga't hindi natin nalalaman ang mga paghahandang dapat gawin bago ang Huling Sikat!" malakas niyang sabi. Si Vio ay nasa isang sulok ng silid lang, nakasandal sa dingding at nakikinig sa usapan.
"Natagpuan na namin ang Treasures," si Devon uli.
"Hindi sapat na natagpuan n'yo na sila. Sino'ng may alam sa ritwal para pag-isahin ang lakas ng mga bato? Para mabuo ang koneksiyon ng Tatsulok ng Buhay? Iniisip n'yong ako ang may alam ng lahat dahil ako ang Gabay, hindi ba? Wala akong alam sa ritwal, Devon! Ang Puting Anino na gabay ko sa misyong iniwan ni Imang ay mga blangkong pahina lang ang nilalaman. Bawat pahina ay may takdang panahon ang paglabas ng impormasyon. Palapit nang palapit na tayo sa takdang araw. Kailangan ko ang Pulang Sumpa! Maaring naroon ang mga Bulong na kailangan ko para mapalabas nang mas maaga ang mga impormasyon sa Puting Anino."
"Hindi ko ipagkakait sa 'yo ang libro, Irisha."
"Ipinagkakait mo na ngayon pa lang!" sagot niya. "Hindi lang ang tungkol sa Treasure ang mga impormasyong naroon, pati ang mga pangitain ni Imang na makakatulong sa akin. Nasa iisang panig tayo na pareho ang ipinaglalaban, Devon—ang maibalik ang liwanag."
"I know that," si Devon sa mas banayad na tono. "But still, it's a no. I'm sorry, Irisha." Mababang sabi ni Devon at sumulyap kay Vio. "Ang panatilihin ang aklat sa pag-iingat ko, at ang mga impormasyon sa mga Treasures na hindi nababasa ng mga Feeders ang isip, ang alam kong paraan para ingatan ang libro. Tulad ng sinabi ko, hindi ko ipagkakait sa 'yo ang Pulang Sumpa. Mabubuksan mo ang libro anumang oras na gustuhin mo kapalit ng isang kondisyon."
"Ano'ng kondisyon?"
"Manatili kang kasama namin hanggang sa Huling Sikat."
"Bukas ang Red Paradise at ang mansiyon para sa 'yo, Rish," segunda naman ni Vio. "At sa grupo mo."
"Kailangan namin ang Liwanag para sa pagsasanay ng triplets. Ikaw at ang rayos ng Araw mo."
Nagpalipat-lipat ang tingin ni Irisha kina Devon at Vio. "Makikita ko anumang sandali ang Pulang Sumpa?"
"With my permission, of course." Si Devon. "Nang iniwan sa akin ni Irama ang libro, wala pa akong ideya sa nilalaman at sa halaga ng libro sa atin. Ngayong nauunawaan ko na ang lahat, napagtanto kong mas dapat na ingatan ang Pulang Sumpa. Sa akin ipinagkatiwala ang libro kaya nasa akin din ang responsibilidad na ingatan 'yon."
"Kailangan mong pumayag, Rish." Si Vio naman. "Pagkatapos mapalabas ni Crissa ang mga letra sa ikatlong blangkong pahina, may isang pahinang naging blangko."
Kumunot ang noo niya. "Naging blangko?" bumaling siya kay Devon. "Kung nabasa mo na ang libro, natatandaan mo ba ang nawalang impormasyon?"
Tumango si Devon. "Tungkol sa Huling Sikat. Sa kaparusahan at sa pagtubos ng liwanag sa mga mabuting puso. Hindi ko matandaan ang lahat ng detalye."
"Bakit mawawala ang importanteng impormasyon na 'yon?"
"Hindi ko alam. Posible bang mabago ang tadhana nating lahat? Kung oo, maaring ang pagsanib ng mga Bato ng Buhay sa triplets ang magpapabago sa destinasyon nating lahat—ang kaganapan ng sumpa. Ang mga nangyayari ngayon sa lahi natin ay tila magkakaugnay. Kung natatandaan mo, Rish, inangkin ng mga bato ng buhay ang puso ng mga Element Guardians kaya naging Feeder ang mga Fedeo. Natapos ni Irama ang ritwal. Nagtagumpay ang apat na Guardians. At sa henerasyon ngayon, kasama ka sa apat na tagapangalaga ng bato. Alam ni Irama na ikaw ang magiging kahalili niya. Paanong hindi niya itinuro sa 'yo ang ritwal para sa pag-iisa ng mga bato?"
Matagal na nagtama ang mga mata nila ni Devon. Tama ang lalaki, malinaw na siya ang napiling kahalili ng abuela pero bakit nga ba itinuro sa kanya lahat maliban sa ritwal na mag-uugnay sa Tatsulok ng Buhay?
Sinadya ba ni Imang na hindi iyon ituro sa kanya?
Ipinilig ni Irisha ang ulo. Hindi. Hindi iyon sinadya. Maaring naghihintay ng tamang oras si Imang. At nang dumating na ang tamang oras ay hindi na nito nagawa ang dapat dahil nabihag na ng Crow.
"Para gawin 'yon ni Irama, siguradong may dahilan siya."
Hindi umimik si Irisha, nahulog sa malalim na pag-iisip. Kung siya nga ang Gabay na bubuo sa apat na elemento, bakit hindi itinuro sa kanya ng abuela ang dapat niyang gawin? Bakit itinuro nito lahat maliban sa ritwal?
"Namulat ka sa pamumuhay ng mga Livin," sabi ni Vio sa mababang boses na nagpabaling kay Irisha sa lalaki. Seryoso ang anyo nito, maging ang damdamin sa mga mata. Wala na ang New Feeder na may magaang aura na maipagkakamali niya sa isang mortal. "Nabuhay ka bilang tunay na dugong Livin. Taglay mo lahat ng kakayahan at kaalaman nila. Bihasa ka sa paggamit ng iba't-ibang Bulong, sa paggamit ng pinagsamang lakas at mahika, sa paggamit ng Anino at jara, sa pagtatanggol sa sarili...at sa pananakit sa akin," paglalahad ni Vio sa pormal na tono. Napakurap si Irisha sa huling narinig, umawang ang mga labi habang si Devon ay napamaang kay Vio.
Si Vio na balewala namang nagpatuloy sa seryosong tono.
"Sinaktan mo ako nang paulit-ulit—gamit ang jara, ang kapangyarihan mo, ang—ahh!" Nakabaon na sa pagitan ng dibdib at balikat nito ang maliit niyang patalim matapos niyang ibato iyon.
"Lumabas ka kung walang kuwentang mga bagay lang ang sasabihin mo, Gallet!" Matalim na tingin ang ibinato niya rito. Nahuli ng mga mata ni Irisha ang pagngisi ni Devon bago bumaling sa kabilang direksiyon para itago iyon.
Hinugot ni Vio ang patalim. "Ang sakit, ah." At inihagis nito pabalik sa kanya ang patalim. "Ikaw pa rin ang nag-iisang pag-ibig ko, Rish." Kinindatan siya bago bumaling kay Devon. "Ang talagang ibig kong sabihin, Dev," bigla ay seryoso na ang tono ni Vio. "May posibilidad na sinadya ni Irama na hindi ituro ang ritwal. Kung anuman ang dahilan niya siguradong para 'yon sa kapakanan ng apo niyang walang puso." at tinungo na ni Vio ang pinto para lumabas, sapo ang nagdurugong balikat. Bago lumabas ay nag-iwan pa ng mga salita. "Sa Kasaysayan, sila ang mga unang Guardians na nagsagawa ng ritwal.Ang naging resulta—inangkin ng mga bato ang sentro ng kanilang buhay. Minana ng lahat ng bagong silang na Fedeo ang pagbabagong iyon. Kung muling isasagawa ng mga bagong Tagapangalaga ng mga bato ang ritwal para tubusin ng liwanag ang mga pusong karapat-dapat, ano ang magiging kapalit? Ano ang aangkinin ng mga bato?"
BINABASA MO ANG
CLUB RED 3: VIO (Sunset And You) Published, 2015. COMPLETED.
VampirosClub Red Book 3. NOTE TO READERS: UNEDITED version po ni Vio ang mababasa n'yo. 'Wag magulat sa mga typos and other error. :) Available in ebook: https://preciouspagesebookstore.com.ph/Product/Info/2460/Club-Red-Vio-(Sunset-And-You) Paperback: https...