"Kailangan kita sa grupo ko," iyon ang bungad ni Irisha nang lapitan niya si Jadd isang hatinggabi na nasa labas ito ng sariling kubo sa loob ng Village, Tulog na ang lahat nang sandaling iyon. Sinadya niyang hindi ibaba ang hood ng puting jacket na nagtatago sa kanyang mukha. Ang dalawang miyembro ng Owl na guwardiya ng araw na iyon ay hindi siya nagawang pigilan. Napasunod niya ang mga ito nang walang kahirap-hirap.
Walang laman na tawa ang pinakawalan ni Jadd. "Sa lahat ng pagkakataong naramdaman at nakita kita, puti ang suot mo," sabi ng lalaki pagkatapos tumawa. "'Wag kang magpanggap na anghel. Nararamdaman ko ang lakas mo. Hindi ka ordinaryong kauri." Dinala nito sa mga labi ang bote ng alak. "Ano'ng kailangan mo sa isang kauri na alam mong mas mahina kaysa sa 'yo?"
"Ang pinagsamang lakas ng mga mahihina ay maaring tapatan ang lakas ng iisang nilalang lang—gaya ko. Hindi posible ang isang matatag na grupo kung wala akong magiging tapat na mga kakampi, Jadd."
"Hindi ako interesado sa grupo mo. May sarili akong grupo—"
"Na magagawa kong wasakin kapag hindi mo ako pinagbigyan," agap ni Irisha, malinaw ang banta sa tono. "Wala kang ideya sa hangganan ng kakayahan ko, Jadd. Ang mga taong pinangangalagaan mo, mas magagawa mo silang protektahan sa tulong ko. Si Xien—"
Marahas na nagmura si Jadd. Narinig niya ang pag-ungol nito na para bang isang hayop. Iglap ay naging darker black ang kulay ng mga mata ng lalaki. Hindi pa man nito nagawa ang pagsugod ay namilipit na sa sakit ng ulo sa isang titig lang niya. "Ano'ng magagawa mo laban sa akin?" bahagya niyang inangat sa ere ang kanyang kamay, pumikit at sa isip ay dinala sa palad ang puso ng lalaki. Kasabay ng marahan niyang pagkuyom ng palad ang nasasaktang pag-ungol ni Jadd.
"Sa paanong paraan mo magagawang protektahan si Xien?"
Malulutong ang mura ni Jadd habang namimilipit sa sakit at nahihirapang huminga. "Ang krus na 'yan sa pisngi mo, gawa ng isang Feeder na pumatay sa matalik na kaibigang minamahal mo, hindi ba? Namatay siya sa mismong harapan mo at wala kang nagawa. Namatay siya nang hindi mo man lang nasabi kung gaano mo siya kamahal. Hindi pa natapos ang kalupitan ng Feeder na sumira ng buhay mo, ginawa ka niyang kauri. At ngayon, taglay mo sa pisngi ang krus na marka ng kalupitan, at ang sumpa ng dugong ipinasa sa 'yo. Sabihin mo, Jadd, ano ang totoong nasa puso mo? Bakit ka lumalaban ngayon para sa mga mortal at hindi para sa uri mo?" at marahang pinakawalan ni Irisha si Jadd mula sa kapangyarihan niya. Hinihingal na umupo sa lupa ang lalaki, paulit-ulit na hinagod ang dibdib.
"Naipasa man sa akin ang sumpa sa dugong sinasabi mo, hindi magagawang baguhin ng dugong iyon ang nasa puso ko. Mamamatay akong pinoprotektahan ang mga taong mahalaga sa akin gamit ang bagong lakas ko." mariing sabi ni Jadd sa pagitan ng hindi pantay na paghinga.
"Ang Feeder na nagpasa sa 'yo ng sumpang 'yan ay maaring kaaway, Jadd. Maging isa ka sa rayos ng Araw at magkasama nating parurusahan ang mga nasa panig ng dilim."
"Kung papayag akong maging tagasunod mo, ano ang magagawa mo para sa akin?"
"Mapapanatili ko ang liwanag sa puso mo. Ang liwanag ay kahulugan ng kaligtasan. Alam mo ba kung bakit hindi ka nagawang pasunurin ng Feeder na nagpasa sa 'yo ng sumpang 'yan? Dahil espesyal ka. At dahil mas nakakahigit ang porsiyento ng liwanag na nakabalot sa puso mo. Ang liwanag na sinasabi ko ang sasagip sa 'yo, Jadd."
"Ano'ng ibig mong sabihin?"
"Lumalaban ako para sa liwanag. Lahat ng nasa panig ko ay sasagipin ng liwanag pagdating ng Huling Sikat."
"Huling Sikat?"
"Pula ang sinag na sisilip sa Silangan. Lahat ng Feeders na nasa panig ng dilim ay magliliyab."
"Hindi ko maintindihan..."
"Sumapi ka sa Liwanag at saka mo alamin ang lahat."
"Kapag pumayag ako, makakaasa ba akong hindi mo pababayaan ang Owl Village kung sakali mang mawala ako?"
"Bawat 'rayos' ng Araw ay mahalaga," Matagal siyang tinitigan ni Jadd. Bilang dating mortal na naging kauri, madali para kay Irisha na basahin ang nasa isip ng lalaki. Hindi na siya nagulat nang ngumiti si Jadd. Inabot niya ang isang kamay sa lalaki para tulungan itong bumangon mula sa pagkakalugmok.
Matagal na nakatayo si Jadd sa harap niya at nakatitig sa mga mata niya. Hindi pa rin kumilos ang lalaki maging nang isuot niya rito ang isang kuwintas na tanda ng grupo.
"Sumaiyo ang liwanag ng Araw. Sumumpa kang pananatilihin mo ito at pangangalagaan, Jadd Estevez."
Pinalitan ni Jadd ang hawak niya sa araw na pendant ng kuwintas. Hindi nito inaalis sa mga mata niya ang titig. "Sumusumpa ako."
Pumikit si Irisha at inilapat sa tapat ng puso ni Jadd ang palad. Mayamaya pa ay huminga na nang malalim ang lalaki. "Ano'ng ginawa mo sa akin?"
"Pinalaya ko lang ang puso mo sa bigat na hindi mo magawang bitawan, Jadd." sagot niya kasunod ang pagtalikod. "Magkita tayo sa Village!"
"Hindi mo pa rin ba sasabihin ang totoo mong pangalan?" habol ni Jadd. Tulad ng inaasahan ni Irisha, bigo ang lalaki na makakalap ng totoong impormasyon tungkol sa kanya.
"Irisha," sagot niya. "Dugong Livin. Taglay ang sumpang nasa dugo mo rin." at itinuloy niya ang mabilis na paglayo.
BINABASA MO ANG
CLUB RED 3: VIO (Sunset And You) Published, 2015. COMPLETED.
VampirClub Red Book 3. NOTE TO READERS: UNEDITED version po ni Vio ang mababasa n'yo. 'Wag magulat sa mga typos and other error. :) Available in ebook: https://preciouspagesebookstore.com.ph/Product/Info/2460/Club-Red-Vio-(Sunset-And-You) Paperback: https...