Ang Mga Bisita

1.2K 47 1
                                    

Ang parehong motorsiklo na pamilyar kay Mina ang ginamit ni Irisha nang magtungo sa lumang mansiyon dalawang araw pagkatapos ng pag-uusap nila nina Zefro at Vio. Tahimik ang buong paligid pero ramdam ni Irisha ang naghahalong enerhiya. Mataas na ang sikat ng araw nang dumating siya, inaasahan niyang sa loob na makikita si Vio. Si Mina ang nagbukas ng gate para sa kanya. Ang babae rin ang nakangiting sumalubong kay Irisha matapos niyang igarahe ang motorsiklo kahilera ng ilang sasakyang naroon.

"Rish!" galak na bulalas ni Mina nang palapit na siya. Sinalubong siya ng babae at niyakap na para bang malapit silang magkaibigan. "Wala si Devon at si Doc Bu. Si Vo lang ang kasama namin ngayon plus the visitors."

"Marami kayong bisita?" balik ni Irisha kahit alam na niya kung sino ang mga bisitang tinutukoy ni Mina.

"Apat lang," sagot ni Mina na sinabayan ang mga hakbang niya patungo sa bahay. "Pero parang wala rin. Nasa room lang sila lagi, eh. Ako lang ang madalas gumala sa paligid." Napangiti si Irisha. Alam na niya ngayon kung bakit madaling natangay si Mina ng grupo ni Drake.

"Sino-sino sila?"

"Sina Crystal at Crissa 'tapos si Chase at Zefro. Wala akong powers gaya ninyo kaya hindi ko alam kung sino sa kanila ang mortal at ang Feeders."

"Hindi ka na natatakot makasama sila?"

"Ang mga Feeders?" balik ni Mina at ngumiti. "Hindi na. Naging okay na ako. Tanggap ko na ang kaibahan namin ni Doc Bu. Tama naman si Tin, eh, mas ligtas akong kasama nila kaysa kung pipiliin kong mag-isa. 'Sabi ni Doc, subukan ko lang at least a month, kung hindi pa rin ako maging comfortable tumira rito kasama nila, free naman akong umalis. Hindi naman daw niya ako ikinukulong sa bahay na ito at hindi rin niya ipipilit na mag-stay ako kung hindi ko talaga gusto."

"Balak mo bang magtagal dito, Mina?"

Huminga nang malalim si Mina, tumingala at nakangiti nang bumaling sa kanya. "Na-fall na ako dati pa, mas lalo na ngayon," sabi nito, may kislap sa mga mata. "Dapat hindi na lang ako sumama kay Doc El. Dapat hindi na lang ako pumayag sa gusto niyang mas kilalanin ko sila para mas maintindihan kong walang basehan ang nararamdaman kong takot. Ngayon kasi, ang hirap nang bumalik sa dati, Rish. Ang bilis kong nasanay na panoorin si Doc El tuwing aalis sa umaga at hihintaying umuwi sa gabi. Ang bilis kong nasanay na kasama ko na siya. Ayoko na ng ibang buhay...sa kabila ng kaibahan namin."

"Masaya ka ba, Mina?"

"Ngayon?" si Mina at mas lumapad ang ngiti. "Sobra. Hindi ko maalalang naging ganito ako kasaya dati. Hindi ko lang sure kung masaya rin si Doc El," at bumungisngis ito. "Napipikon pa rin, eh."

Nahawa si Irisha sa gaan ng mood ni Mina. Napangiti na rin siya. Hanggang ngayon, hindi pa rin siya makapaniwala na isang mortal na gaya ni Mina ang magpapaamo sa Darko ng Fedeus. Base sa mga nalalaman niya tungkol kay Yshael at sa mga katangiang nakita niya kay Mina noong nakasama niya ang babae sa maikling panahong nasa farmhouse sila, walang pagkakasunduan ang dalawa. Guguluhin lang ni Mina ang organisadong mundo ni Yshael. Ngunit sa palagay niya, ang 'panggugulong' iyon ang eksaktong kailangan ng doktor. Marahil ay pagod na rin si Yshael sa mundo nila at naghahangad na ng pagbabago. Pagbabagong nasisiguro ni Irisha na nagbibigay ng bagong kahulugan sa mundo ng doktor sa kasalukuyan.

"Naniniwala ka na bang mahal ka ni Doc El?"

"Na-convinced na niya ako," si Mina at kinikilig pa na bumungisngis. Hinila na siya nito papasok sa kabahayan. "Vo!" sigaw nito nang nasa loob na sila. "Matang-pusa! 'Andito na si Rish!" bumaling uli si Mina sa kanya. "Nasa room lang ako kung gusto mo ng kausap, ah?"

Tumango si Irisha at ngumiti kay Mina. Iniwan na siya ng babae sa sala. Umakyat ito sa ikalawang palapag ng mansiyon. Si Vio ang inaasahan niyang makita pero iba ang enerhiya na naramdaman niyang malapit sa kanya.

CLUB RED 3: VIO (Sunset And You) Published, 2015. COMPLETED.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon