Pagkatapos ng dalawang taon...
TUMUNOG ang cell phone ni Irisha ilang segundo matapos niyang imulat ang mga mata. Nilingon niya ang kanyang backpack, naroon ang gadget. Walang ibang tatawag sa kanya kundi ang isa sa 'rayos' ng araw.
Mga rayos na naging ganap na ang pagliliwanag. Nakatulong ang mga taong lumipas para mahubog niya ang mga kakampi.
Parehong abala ang apat nang iniwan niya. Sina Jadd at Xien ang magkasama sa parehong trabaho.
Si Redah ay nasa Baguio, nagmamasid sa isang lalaking ayon kay Jadd ay kumpirmadong Feeder.
Si Ruri ay madalas sa Zynch, bilang isang ordinaryong miyembro ng banda at palihim rin na inaalam kung totoo ang nakalap niyang impormasyon, na ang Zynch ay kasama sa mahabang listahan ng mga negosyong nasa ilalim ng TRI—o The Red Infinity, isang kilalang pangalan sa business world na sinimulan na niyang imbestigahan sa pagkabuo pa lang ng Liwanag. May kakaiba sa TRI. Lahat ng mga kompanyang nasa ilalim ng banner na iyon kung hindi elusive ang mga may ari ay mga Pilipinong pakiramdam niya ay dummy lang. Sa tatlong kompanyang sinubukan niyang pasukin, walang makapagbigay ng konkretong paglalarawan sa may-ari. At kung may humarap man sa kanya, mga Pilipino na animo ay robot—kumikilos ng ayon sa utos lang. Madali sa kanyang masagap kung ang mortal ay nasa ilalim ng manipulasyon ng isang Feeder.
Kung tama ang hinala ni Irisha, isang Feeder ang nasa likod ng kilalang Zynch.
Kinuha ni Irisha ang gadget mula sa backpack.
Si Jadd ang tumatawag.
"May balita na, Jadd?"
Sina Jadd at Xien ang iniwanan niya ng trabahong ipunin ang lahat ng impormasyon na maari nilang maipon tungkol sa Red Paradise, ang pribadong resort sa Laguna na naging laman ng pangitain niya.
"Walang available information, Rish," sabi ni Jadd. "May iilang website na konektado sa Resort, wala rin kaming nakuha ni Xien. Protektado, katulad ng mismong resort na hindi binubuksan sa publiko. Suicide ang kahulugan ng sapilitang pagpasok sa lugar."
"Gaya ng kutob ko," sabi niya, "Ano ang nakuha n'yo?" hindi siya nito tatawagan kung walang ibabalita.
"Isang babae ang natiyempuhan namin na galing sa resort—sigurado akong kinuhanan ng dugo pero walang matandaan."
Wala sa loob na kumuyom ang malayang kamay ni Irisha. Ang kutob niya ay pugad ng mga apo ng Orihinal ang resort. Hindi niya mapapatawad ang sinumang Feeder na nagsasamantala sa mga inosenteng mortal. Ang mga apo man ng Orihinal ang nagkukubli sa mataas na proteksiyon na nakabalot sa Red Paradise ay hindi siya uurong sa posibleng laban.
"Saan ang sugat?"
"Sa braso," tugon ni Jadd. "Regular daw niyang ginagawa iyon, ang mag-donate ng dugo para sa mga pasyenteng nangangailangan. May binanggit na Ospital na pinanggalingan niya pero hindi siya doon nanggaling. Galing siya sa loob ng Red Paradise."
"Ano ang nalaman ni Xien?" tanong niya. Sina Jadd at Xien ang pinagsama ni Irisha sa iisang trabaho dahil makukuha ni Xien gamit ang kakayahan ang impormasyon na hindi masasagap ni Jadd sa isip ng isang mortal kung ang mortal na iyon ay napasailalim ng kapangyarihan ng isang Feeder. Transformed Mortal Feeder si Jadd, mas mahina kompara sa mga Feeder na isinilang. Lalong walang laban si Jadd sa kapangyarihan ng mga apo ng Orihinal, siya lang ang kayang humarap sa mga iyon.
"Nag-donate nga ng dugo ang babae. Naiguhit ni Xien ang dalawang mukhang nakita ng babae sa lugar na pinanggalingan niya. Na-email ko na ang mga sketches ni Xien."
"May pangalang nakuha si Xien?"
"Doc V."
"Umalis na kayo ng Laguna," utos ni Irisha. "Imposibleng hindi nila malaman na kinausap n'yo ang 'donor' na 'yon. Bumalik muna kayo sa Owl Village, mas ligtas. Para maiwasan na rin natin ang mga hinalang hindi malayong mabuo ng mga kasamahan mo. Ang impormasyon na nakolekta ng Liwanag ay dapat manatili lang sa loob ng Liwanag, Jadd, malinaw sa ating lahat 'yan."
"Naintindihan ko," sabi ni Jadd at nagpaalam na. Tinapos na ni Irisha ang tawag. Ang cell phone rin ang ginamit niya para buksan ang email mula kay Jadd. Litrato ng pahina ng sketch pad ang nilalaman ng email. Litrato kung saan ay iginuhit ni Xien ang mga mukhang—napasinghap si Irisha. Hindi siya maaring magkamali sa nakikita...
Darko!
Animo ay tumugon ang puso ni Irisha sa pag-usal niya ng pangalan sa isip. Bumaba sa dalawang salitang nasa ibaba ang tingin ni Irisha—Doc V. Ang kilala ng babaeng donor na tinutukoy ni Jadd na Doc V ay kasama sa listahang iniingatan niya.
Ang Darko ng Fedeus!
Kinailangan ni Irisha na hagurin ang sariling dibdib. Hindi niya naisip ang bigat ng kanyang misyon hanggang nang mga sandaling iyon.
Ang pinakamalakas at mapanganib na Asenir ng Fedeus ay nasa Pilipinas sa ibang katauhan?
Lumipat sa isa pang larawan ang tingin ni Irisha—isang nakangiting mukha na pamilyar na pamilyar ang kulay ng mga mata. Mga mata ng espiyang si Alezandro...
Mas dumiin ang hagod ni Irisha sa dibdib. Naramdaman niya ang ibang ritmo. Paano niyang makakalimutan ang lapastangang batang iyon sa lugar ng mga Livin? Ang ubod ng sinungaling na walong taong gulang na batang iyon na may pinakamagandang mapanlinlang na ngiti?
Kilalang kilala pa rin niya ang kulay ng mga mata ng bata at ang ngiting hindi nagbago.
Ang apo ng matinik na espiyang Laya na si Alezandro, isa sa mga haligi ng Fedeus na kakampi ni Imang noon.
Hazel eyes...
Kumuyom ang mga palad ni Irisha kasabay ng pagpayapa ng kanyang puso. Hindi siya maaring umupo lang. Kailangan niyang personal na kumilos para matiyak kung kakampi o kalaban ang mga Feeders na nagtatago sa seguridad ng Red Paradise na alam niyang sinadyang idisenyo para pagtakpan ang lihim ng mga nilalang na naroon.
BINABASA MO ANG
CLUB RED 3: VIO (Sunset And You) Published, 2015. COMPLETED.
VampirosClub Red Book 3. NOTE TO READERS: UNEDITED version po ni Vio ang mababasa n'yo. 'Wag magulat sa mga typos and other error. :) Available in ebook: https://preciouspagesebookstore.com.ph/Product/Info/2460/Club-Red-Vio-(Sunset-And-You) Paperback: https...