Bitag

1.3K 43 5
                                    

"Bitag," bulong ni Zefro. "Hindi tayo makararating sa lugar na binanggit ni Aeisha. Makakalabas lang tayo sa gubat na ito nang ligtas kung papatayin natin lahat ng hayup na nag-aabang."

Tama si Zefro.

Ramdam na rin ni Irisha ang malakas na negatibong enerhiya. Ang uri ng enerhiyang sumasalungat sa enerhiya niya. Sabay-sabay rin na nagkikislapan ang mga bato sa Araw. Nagkamali siyang isipin na pahahalagahan ni Aeisha kahit katiting lang ang pagiging magkapatid nila. Umasa siya sa salita nito. Naniwala siyang magpapakita si Aeisha na nag-iisa para bigyan siya ng pagkakataong magkausap sila. Nag-iisa lang itong darating--ang sinabi ng babae na pinaniwalaan niya. 

Na isang malaking pagkakamali.

Ibang gubat ang binanggit ni Aeisha na kinaroroonan ng kubo nito. Na nagbago rin sa huling sandali at sa gubat na iyon na ang huling sinabi nito. Pagbaba pa lang nila ni Zefro ng sasakyan ay naramdaman na ni Irisha ang panganib. Pinili niyang ituloy ang plano. Mabigo man silang makuha si Aeisha, hindi niya pagsisisihan ang sandaling hindi siya sumuko. Na ginawa niya ang lahat para iligtas ang kapatid. Hindi darating ang isang umaga na iisipin niya ang maraming tanong na hindi niya masasagot dahil hindi siya sumubok at wala siyang ginawang paraan. Nagtitiwala siya kina Zefro at Catarina.

Si Catarina na sinadyang hindi sumabay sa kanila. Bilang Chosen One, ang amoy at enerhiya nito ang pinakamabilis na masasagap ng mga Feeders. Alam ni Catarina kung nasaan sila at may sarili raw itong plano. May sariling paraan para tumulong. Wala siyang ideya kung anong tulong iyon pero pinili ni Irisha na magtiwala.

"Ang talahibang ito," sabi ni Zefro, "Ang parehong talahiban na dinaanan ko para tumakas."

"Malapit rito ang kuta ni Drake?"

"Kung mismong kuta ni Drake ang lugar kung saan ako ikinulong, hindi lang basta malapit, Rish. Kuta ni Drake ang mismong pinasok natin."

 Agad huinto ng mga paa niya. Pakiramdam ni Irisha ay nanlamig ang buong katawan niya. Nilinlang siya ni Aeisha. Walang plano ang kapatid na makipag-usap. Ang nais nito ay ihatid siya sa hayup na si Drake.

Mas lumakas ang naramdaman niyang mga enerhiya. Huminga si Irisha nang malalim. Itinuon ang isip sa isang Bulong para sa lakas. Mayamaya pa ay naramdaman niya ang nagbabalik niyang enerhiya. Mabilis niyang binunot ang dalawang patalim mula sa case na nasa kanyang baywang. Bawat bahagi ng katawan niya ay may mga nakakabit na armas. Pinakamarami ang maliliit na patalim.

"Malapit na sila," bulong niya kay Zefro na humarap sa kabilang direksiyon. Nakalikod na sila sa isa't-isa.

"Sa kaliwa ka, Rish," si Zefro. "Sa kanan ako. Protektahan natin ang likod ng bawat isa."

Tumango siya. Humigpit ang hawak sa mga patalim. Pumikit siya at umusal ng pagsamo sa mga diwatang tagapangalaga. Eksakto natapos niya ang pagsambit sa huling salita ay nahawi ang mga sanga ng puno sa iba't-ibang bahagi ng gubat. Parang malalaking mga paniki ang sabay-sabay na lumapag para paligiran sila.

"Babalik tayo sa mansiyon," sabi ni Zefro at umabot sa pandinig niya ang mahinang ungol nito. "Hindi natin bibiguin ang mga naghihintay sa atin."

Mas humigpit ang hawak niya sa mga patalim. "Babalik tayo," ulit ni Irisha kasabay ng sabay-sabay na pag-atake ng mga kaaway nilang hindi niya na nabilang ng tama. Marami. Mas marami sa inasaahan niya.

Tulad ng napag-usapan, lahat ng kaaway na umatake mula sa kaliwa ay siya ang humarang. Ang mga mula sa kanan naman ay tinapos ni Zefro.

Animo ay kislap ng mga walang tunog na paputok sa Bagong Taon ng mga mortal ang pagliliyab ng mga Feeder na tinamaan ng patalim nila ni Zefro sa sentro ng kahinaan ng mga ito. Ilang minuto lang na nagtagal ang laban at silang dalawa na lang ang nakatayo sa lugar.

CLUB RED 3: VIO (Sunset And You) Published, 2015. COMPLETED.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon