MGA Ji'ehria na isinasayaw ng mabining simoy ng hangin ang unang nakita ni Irisha nang unti-unti niyang idilat ang namimigat na talukap ng mga mata. Napangiti siya. Mas naging buhay ang kulay ng bulaklak dahil sa naninilaw na kanluran.
Sunset...
May sumikdong bigat sa dibdib niya. Si Vio na naman ang bumalik sa isip. Sa gahibla na lang na pagitan ng kamatayan at buhay ay hindi na naisip ni Irisha na magagawa pa siyang itawid ng mga kasama sa silid nang sandaling iyon...
Ngunit nagawa ng mga ito. Naitawid siya pabalik sa buhay. At heto siya ngayon, muling nakikita ang mga bulaklak ng Ji'ehria.
Pakiramdam ni Irisha ay hindi pa siya handang gumising. Nag-iimbita pa ang antok. At ramdam niya ang panghihina ng buong katawan.
"Hmmn," ungol niya nang may mainit na bagay na lumapat sa mga labi niya. Basa ang bagay na iyon at may mainit na likidong humalik sa labi at dila niya. Nagustuhan niya ang likido, pakiramdam niya ay iyon ang eksaktong hinahanap ng panlasa niya. Nagpatuloy ang pag-agos ng likido sa kanyang bibig. Nagpatuloy rin siya sa paglunok, sa pagtanggap.
Nagugutom pala siya at nauuhaw. At ang likidong dumidilig sa tuyo niyang bibig at dila ay tila siya binibigyan ng bagong buhay.
Naramdaman ni Irisha ang papalakas na pintig ng kanyang puso. Ang pintig na iyon ay tila nagbubuga ng bagong enerhiya sa katawan niya. Enerhiya na kumakalat at pinupukaw ang bagong lakas niya.
Napaungol si Irisha sa pagtutol nang maramdaman niyang lumayo ang pinagkukunan niya ng likidong nagbigay sa kanya ng bagong lakas, ng bagong buhay...
Maingat siyang ibinagon ng matatag na mga braso. At bago pa man niya nagawang dumilat ay sinakop na ng mainit na mga labi ang mga labi niya. Sa halip na dumilat ay nanatili siyang nakapikit. Napakapamilyar ng halik na pakiramdam ni Irisha ay naligaw siya at nang sandaling iyon lang nakabalik sa lugar na kanyang pinanggalingan. Natagpuan na lang niya ang sariling yumayakap sa may ari ng mga labing iyon na lumilikha ng masarap na sensasyon sa katawan niya.
Mas humigpit pa ang mga braso sa katawan niya, lumalim ang halik na tila nilulunod siya. Nilulunod siya pero hindi gustong umahon ni Irisha. Nais niyang pagpakalunod pa sa pamilyar na halik...
Natigilan si Irisha. Tumigil sa pagtugon.
"Vio?" anas niya kasunod ang marahang pagdilat. Tumambad sa mga mata niya ang nakangiting mukha ni Vio na tinatamaan ng sinag ng papalubog na araw. Sa mga mata nito huminto ang titig niya. "Hazel eyes..." pakiramdam ni Irisha ay sasabog ang puso niya sa sidhi ng emosyon.
"Missed me?" anas rin ni Vio, magaang hinaplos ang pisngi niya. "Ang haba ng tulog mo, Rish."
Nanatiling nakaawang lang ang mga labi ni Irisha, titig na titig sa mga mata ni Vio. Hindi niya gustong kumurap. Hindi niya gustong maputol ang sandaling iyon. Nagbalik na si Vio. At heto siya, nagising mula sa mahabang pagtulog na bunga ng pagsampa niya sa bingit ng kamatayan. Nalampasan niya ang sakit at panganib sa tulong mga mga kaibigan. Heto siya ngayon, buhay.
Heto siya ngayon, buhay at kasama ang lalaking hinihintay niyang bumalik. Ang lalaking hindi niya gustong mang-iwan sa kabila ng hatid nitong kahinaan sa kanya.
Malakas ang emosyong sumikdo sa puso ni Irisha. Hindi niya namalayan, at hindi niya inaasahan na may mga butil ng luha na babasa sa kanyang pisngi.
Umiiyak siya?
Walong taong gulang siya nang huli siyang umiyak. Noon iyon, noong maganda pa ang mundo sa mga mata niya...
Mas naging mainit ang titig ni Vio nang makita ang mga luhang iyon. Tahimik na ibinaba nito ang sarili, tinuyo ang mga luha niya gamit ang mga labi. "Cu etsu nuri," anas ni Vio bago hinanap ang mga labi niya sa isang napakaingat na halik. "Hindi ka na muling manghihina, etsu ni." Bulong nito. Ang maingat na halik ay naging malalim at mapag-angkin. Muling pumikit si Irisha at tumugon.
BINABASA MO ANG
CLUB RED 3: VIO (Sunset And You) Published, 2015. COMPLETED.
VampirgeschichtenClub Red Book 3. NOTE TO READERS: UNEDITED version po ni Vio ang mababasa n'yo. 'Wag magulat sa mga typos and other error. :) Available in ebook: https://preciouspagesebookstore.com.ph/Product/Info/2460/Club-Red-Vio-(Sunset-And-You) Paperback: https...