Si Maestro at ang Livin

1.5K 54 0
                                    


SA MULING pagtuntong ni Zefro sa parehong lugar kung saan sila huling nagkita ng Livin may dalawang taon na ang nakaraan ay mabilis na bumalik sa isip niya ang eksena mula sa nakaraan...doon sa bahaging nakaharap niya sa unang pagkakataon ang Livin na sumusubaybay sa pamumuhay niya sa gubat, at pati na kay Crissa.

Madaling-araw na nang sandaling iyon, bago pa man tuluyang maghiwalay ang dilim at liwanag ay naroon si Zefro sa bahaging iyon ng gubat kung saan siya laging nag-iiwan ng mensahe para sa Livin na iyon na nasa paligid lang. Nararamdaman niyang iyon na ang sandaling hinihintay niya. Sa wakas ay naroon at buhay na buhay ang enerhiya nito... na palapit nang palapit sa kanya.

Paglingon niya ay nasa likuran na ang isang napakagandang babae. Sumikdo ang puso niya nang magtama ang mga mata nila sa unang pagkakataon. Taliwas sa inaasahan niyang anyo ng isang Livin—na puti ang kasuotan, mahaba ang alon-along buhok at tila sumasabay sa mabining hangin ang pinong kilos—ang sumalubong sa mga mata niya.

Ang Livin na nasa likuran niya at titig na titig sa kanya ay nakaitim na jeans, gray T-shirt na hapit sa katawan, tulad ng abuhin ding kulay ng mga mata nito. Nakatali ang mahabang buhok, nakaitim na backpack at boots, at sa baywang ay nakapaikot ang maliiit na patalim.

"Evi um esnei, Ogor," pagbati nito, titig na titig sa kanya. "Ogor" ang tawag sa mga mamamayan ng Ogoda, ang lahing pinagmulan niya, lahi ng mga Mandirigma at Asenir ng Fedeus. Kilala sila bilang "Taga-Silangan."

Isang pagkakamali ang pagsalubong ni Zefro sa tingin ng babae na ngumiti nang makahulugan. Isang kisapmata lang ay napaungol na siya sa sakit—nakabaon na kanang balikat niya ang isa sa maliliit na patalim na sinisipat lang niya sa baywang nito kanina. Nalinlang siya nito tulad ng inaasahan niya. Hindi ito gumawa ng kahit munting kilos. Isip lang ang ginamit para saktan siya—ang tatak ng isang makapangyarihang Livin.

"Ligtas ang patalim na 'yan. Maghihilom din ang sugat mo," anang babae.

Gustong malaman ni Zefro kung ano ang pakay ng babae. Kung ang buhay niya ay sigurado siyang ginawa na nito sa ilang pagkakataong naramdaman niyang nasa paligid ito. Pinalampas nito iyon kaya naisip niyang may ibang sadya ito sa kanila ni Crissa. Ngunit kung buhay ni Crissa ang kailangan nito, dapat lang na tapusin muna nito ang kanyang buhay bago niya hayaang masaling kahit dulo lang ng daliri ng dalagang pinangangalagaan.

Binunot niya ang patalim at marahas na ibinato sa katabi nilang puno. Ngunit bago pa man iyon bumaon sa katawan ng puno ay tumigil na sa ere, bumalik sa nakalahad na palad ng babae.

"Ano'ng kailangan mo, Livin?" pantay na tanong ni Zefro. "Mei un entari sui mi anve ti?"

"Hindi ako nagmamatyag para saktan ka o ang babaeng alam kong pinangangalagaan mo."

Hindi na siya nagulat sa galing nito sa salitang Tagalog. Tulad niya, alam niyang hindi ito tumigil sa pag-aaral hanggang naging tunog-Pilipino itong gaya niya. At natitiyak niyang bukod sa Fedi, Tagalog, at English ay marami pang lengguwahe ang kayang bigkasin nito tulad ng isang purong mamamayan ng isang bansa.

"Nandito ako para tiyakin kung tama ang kutob ko. Ang sagot mo lang ang kailangan ko at hindi ko na kayo gagambalain pa."

"Magsalita ka. Nakikinig ako."

Pinagdaop ng Livin ang mga palad, iglap ay pinalibutan ito ng puting usok. Bahagyang yumukod. Iyon ang pormal na pagbati ng isang Livin sa isang kauring nagmula sa ibang dugo. "Balutin sana ng liwanag ang puso mo ngayon at hanggang wakas, Taga-Silangan. Isa akong Livin mula sa dugo ni Irama. Nasa harap mo ako ngayon para tuparin ang misyong iniatas sa akin ni Imang—ang ipunin ang liwanag at supilin ang dilim. Isa ka sa mga mabuting pusong nasumpunagn ko sa aking paghahanap. Gusto kong matiyak kung para kanino ka nabubuhay sa kasalukuyan at kung ano ang relasyon mo sa espesyal na dalagang kasama mo ngayon."

Pinagdaop din ni Zefro ang mga palad at yumukod. "At manatili ka sanang nababalot ng liwanag, Livin. Zefro ang pangalan ko. Isang Dark Feeder na walang malinaw na nakaraan. Si Xapiro ang nag-iisa at kinikilala kong pamilya. Nabubuhay ako para pangalagaan ang dalagang sinasabi mo. Hindi ako magdadalawang-isip na ibuwis ang buhay ko manatili lang siyang ligtas."

"Kaninong dugo nagmula ang dalagang iyon?"

"Anak siya ni Xapiro."

"May marka ba siya?"

"Isang asul na balat sa tapat ng puso."

"Ang Mez Infinita?"

"Wala sa kanya ang marka ng Chosen One."

"Kung ganoon, hindi siya nag-iisa. Hindi iisa ang anak ni Xapiro, hindi ba?"

"Tatlo ang sanggol, Livin. Naiwan kay Breeve ang unang sanggol, itinakas namin ni Xapiro ang dalawa. Pinaghiwalay kami ng nagngangalit na unos sa karagatan may dalawang dekada na ang lumipas. Hindi ko alam kung nasaan na ang iba pang sanggol sa kasalukuyan."

"Sa tamang panahon ay malalaman mo ang lahat," sabi ng Livin. "Ituloy mo ang pagtatago sa tunay na pagkatao ng dalagang iyon. Pangalagaan mo siya. Sa tamang panahon ay masusumpungan din niya ang itinakda niyang tadhana." Marahan itong pumikit, itinaas ang nakakuyom na kanang kamay bago marahang ibinuka. Nasa palad na nito ang mga puting petals ng rosas. Hinipan nito iyon hanggang sa umangat ang mga puting petals at lumapit sa kanya.

"Hindi ko na kayo gagambalain pa. Kung sakaling kailanganin mo ang tulong ko, ibulong mo sa mga talulot ang hiling mo at pakikinggan kita."

Nagkumpol-kumpol sa ere ang mga talulot. Inilahad ni Zefro ang kanyang palad. Sabay-sabay na nahulog ang mga talulot sa palad niya.

"Hindi ka na babalik, Livin?"

"Babalik ako kung kinakailangan. Patuloy sana kayong pangalagaan ng liwanag sa inyong mga puso. Paalam, Taga-Silangan."

"Hindi ko man lang ba malalaman ang pangalan mo?"

"Irisha."

Nang mga sumunod na sandali ay puting usok na lang ang kasama niya sa bahaging iyon ng gubat...

Pagkatapos ng pag-uusap nilang iyon ni Irisha ay napanatag na si Zefro na iwan si Crissa sa siyudad. Muli siyang nagbalik sa kubo at namuhay nang tahimik gaya ng dati.

At ngayon, nagbabalik siya sa dating lugar kung saan sila nagkita ni Irisha. Kaninang hatinggabi lang ay narinig niya ang isang Pagtawag. Isang pagtawag na mga Livin lang ang nakakaunawa, at mga gaya niyang nahasa ang kakayahang pakinggan ang tunog ng kalikasan at ang mensaheng kalakip ng tunog na iyon. Utang niya kay Xapiro ang pagkahasa ng kakayahang iyon.

Itinuon niya sa Silangan ang mga mata, nag-uumpisa pa lang gumuhit ang kulay dilaw sa kalangitan...

Ilang segundong nagmasid si Zefro sa paligid bago mabilis na tinungo ang lugar kung saan niya inaasahang makita si Irisha.


CLUB RED 3: VIO (Sunset And You) Published, 2015. COMPLETED.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon