Mula sa mga palad ay naramdaman ni Irisha ang init sa buo niyang katawan, niyakap siya. May bigat na sumakop sa kanyang puso. Bigat na bumuhay nang malalim na lungkot at pangungulila. Kumalat ang pakiramdam na iyon sa sistema niya. Nang sumunod na sandali ay bumabalong na ang luha sa kanyang mga mata.
Mahigpit na yakap mula kay Imang ang naramdaman niya.
Dumilat si Irisha kasabay ang pagbawi ng kamay. Pakiramdam niya ay nawalan ng lakas ang kanyang mga tuhod. Gumiwang ang tayo niya. Naramdaman niya ang pag-alalay ng mga braso mula sa kanyang likuran.
"It's okay, Rish," boses ni Vio ang narinig niya. Natatandaan ni Irisha na kahit minsan ay hindi siya nangailangan ng kahit sino. Kasama sa mga sinanay sa kanya ay ang katatagan sa pag-iisa. Ngunit nang mga sandaling iyon, ramdam ni Irisha na kailangan niya ng lakas mula sa iba para maging matatag. At si Vio ang naroon para magbigay ng eksaktong kailangan niya, hindi pa man niya iyon hinihingi.
Hinayaan na ni Irisha ang sariling maging mahina. Ilang segundo lang naman. Mas humilig siya sa katawan ni Vio. Naramdaman naman nito ang pagpapaubaya niya, ang kaswal na pag-alalay ay naging maingat na yakap.
Pumikit siya at hinintay na magbalik ang dating lakas. Naramdaman niya ang paglapit ni Devon sa libro.
"Hahagkan ng abuhing ulap ang langit. Susubukang sakupin ng dilim ang liwanag. Mangingibabaw ang kahinaan. Kahinaang lakas naman ng kaaway. Huwag magpasakop sa dilim. Lumaban nang buo ang loob. Ang liwanag ay magagawang talunin ang dilim na dala ng parehong dugo. Ang kahinaan ay maaring maging lakas. Ang lakas ng kaaway ay maaring maging kahinaan. Magpasya at magtagumpay..." narinig ni Irisha na malinaw ang boses ni Devon. Pagdilat niya ay nakatuon pa rin ang mga mata ng lalaki sa pahina ng libro. Nanahimik ito nang ilang segundo na para bang iniintindi ang nabasa sa pahina. Mayamaya ay itinuon sa kanya ang tingin.
"Ano'ng ibig sabihin ng mga impormasyong napalabas mo sa Pulang Sumpa?"
Umiling si Irisha. "Hindi ko alam," mababang sabi niya. "Ang mga impormasyong 'yan, bahagi ng mensahe sa akin ni Imang. Alam niyang mahahawakan ko ang libro. Hindi siya nagsisisi sa ginawa niyang pag-iiwan sa 'yo ng Pulang Sumpa. Sinadya niyang iwan nang magkahiwalay ang dalawang importanteng libro, Devon—sa ating dalawa. Nagawa mo ang dapat mong gawin, ganoon rin ako pero hindi pa tapos ang lahat."
"Para kanino ang mga impormasyon ito?" tukoy ni Devon sa pahinang katatapos lang basahin.
"Ang unang tatlong blangkong pahina ay tumutukoy sa tatlong bato, hindi ba? Ang pang-apat na pahina ay tumutukoy sa batong Topaz—sa akin."
Matagal na napatitig si Devon sa kanya. Si Vio ay tahimik lang sa likuran niya pero ang mga kamay ay marahang humahagod sa braso niya na para bang sa paraang iyon ay magagawa nitong payapain ang kanyang kalooban.
"Hahagkan ng abuhing ulap ang langit," ulit ni Devon. "Ang kahinaan mo ay lakas ng kaaway," bumalik sa kanya ang mga ito. "Sa tingin ko, dapat nating tutukan ang tungkol dito, Irisha."
"Naramdaman ko na ang nakaambang mangyayari," sabi ni Irisha, naalala ang nangyari noong nasa Owl village siya. Hindi pamilyar ang pagtugon ng pintig ng puso niya habang nagmamasid siya sa kalangitan na tinatakpan ng mga abuhing ulap. "Pero hindi ko pa matukoy kung anong uri ng panganib ang parating."
"Mas kailangan mong manatiling kasama namin, Rish," mula sa mahabang pananahimik ay nagsalita na rin si Vio. "Mas mapanganib para sa 'yo kung nag-iisa ka."
"Tama," sang-ayon ni Devon. "Gamitin natin ang mga oras na nandito ka para sa pagsasanay ng Treasures. Bukas ang resort para sa grupo mo."
Tumango siya pero hindi na umimik. Marahang dumistansiya siya kay Vio. Hinayaan siya ng lalaki na kumawala pero hindi siya tuluyang binitiwan. "Ihahatid kita sa silid mo." Hindi na umangal si Irisha. Sinulyapan niya si Devon na marahang tumango.
"Bumalik ka anumang sandali na kailangang mong basahin ang libro," sabi ni Devon. "Laging bukas ang silid na ito para sa 'yo."
Tumango si Irisha at nagpagiya kay Vio palabas ng silid. Hindi na niya nilingon si Devon na nakatayo sa isang bahagi ng silid at ibinabalik sa dati ang lahat ng nasa silid nang hindi nito hinahawakan.
BINABASA MO ANG
CLUB RED 3: VIO (Sunset And You) Published, 2015. COMPLETED.
VampirosClub Red Book 3. NOTE TO READERS: UNEDITED version po ni Vio ang mababasa n'yo. 'Wag magulat sa mga typos and other error. :) Available in ebook: https://preciouspagesebookstore.com.ph/Product/Info/2460/Club-Red-Vio-(Sunset-And-You) Paperback: https...