Ang Itim Na Usok Sa Katawan ng Gabay

1.3K 48 4
                                    

NAPATIGIL si Vio sa may pintuan nang magtama ang mga mata nila ni Irisha—darker gray ang kulay ng mga mata ng babae.

"Rish—aahh!" hindi na niya naituloy ang paghakbang papasok. Pakiramdam niya ay libong karayom ang tumusok sa ulo niya. Mga karayom na naging patalim na binibiyak ang ulo niya. At mayamaya pa ay tila libong martilyo na ang umaatake sa ulo niya. Napasandal si Vio sa pintong hindi pa niya nagawang isara.

Nang mga sumunod na sandali ay humihiyaw na si Vio sa matinding sakit ng ulo, mayamaya pa ay nasa sahig na siya at hinihingal. Isa pang masidhing atake ng kirot ang naramdaman niya bago biglang nawala ang lahat. Sunod-sunod ang pagsagap niya ng hangin, nakasandal na sa malamig na pader.

Pag-angat ni Vio ng tingin kay Irisha ay galit pa rin ang nabasa niya sa mga mata ng babae. Pinagdaop nito ang mga palad at pumikit. Nanlaki ang mga mata ni Vio nang makita niyang umiikot ang puting usok mula sa katawan ni Irisha at pumapaitaas. Sinasalubong ang puting usok na iyon ng itim na usok na umiikot naman pabalik sa katawan ng babae.

Pamilyar si Vio sa ganoong eksena—ritwal ng mga makapangyarihang Livin na bihasa sa paggamit ng pinagsamang enerhiya at mahika. Ang pagtataboy sa puting usok ng isang Livin para hayaan ang sariling masakop ng itim na usok ay senyales na isang malupit na parusa ang nais nitong ipataw sa sinumang nagkasala rito.

Hindi na hinintay ni Vio ang susunod na mangyayari, iglap ay nasa kama na siya at mahigpit na niyakap si Irisha. Inangkin niya ang mga labi ng babae. Mariing hinagkan hanggang sa naramdaman niyang naghiwalay ang magkadaop na mga palad nito.

Hinapit ni Vio nang mahigpit ang baywang ng babae, sapat na higpit para hindi siya nito magawang itulak. Kapag hinayaan niyang makaalpas si Irisha sa yakap niya, siguradong hindi lang sakit ng ulo ang ibibigay nito sa kanya. Wala siyang maalalang kalokohang nagawa sa mga oras na magkasama sila. Huling natatandaan niya ay pumasok si Irisha sa silid habang siya ay naiwan sa sofa at inuubos ang may kalahating bote pa ng alak na natira.

Wala siyang nagawang kasalanan para gustuhin ni Irisha na saktan na naman siya!

Nagpumiglas si Irisha. May palagay si Vio na hindi ibinigay ng babae lahat ng lakas nito sa pagpiglas. May pinoprotektahan rin si Irisha—ang sariling katawan na hindi niya napansin kaagad na kumot lang ang proteksiyon. Gusto ni Vio na magtanong pero hindi iyon ang tamang oras. Kailangang kumalma muna si Irisha o mamamatay siya sa mga kamay nito.

Mahaba ang sandaling lumipas bago naramdaman ni Vio na bumaba na ang enerhiya ni Irisha. Nang mga sumunod na sandali ay tumigil na sa panlalaban ang babae, nagpaubaya na lang sa halik niya.

Unti-unti, marahan niyang pinalaya ang mga labi nito. "Ano'ng ginawa ko?" anas niya, niyuko si Irisha. "Gusto mo na naman akong patayin?"

"Napakadali para sa 'yong sirain ang tiwala—"

"Wait," putol agad niya. "I don't remember I've done wrong, Rish," agaw niya. "At least for the last twenty-four hours. Wala akong ginawa para sirain ang tiwalang sinabi mo. Nakatulog ka. Nakatulog rin ako sa labas. Hindi ako pumasok dito mula nang pumasok ka."

Saka pa lang nag-angat ng mukha si Irisha. "Ano'ng wala?" naningkit ang mga mata nito. "Hubad ako!"

Nagmura si Vio bago natawa. "Gusto mo akong patayin sa sakit ng ulo dahil hubad kang nagising? For blood sake, Rish! 'Wag mo akong pagbintangan. Kung may gagawin man ako sa 'yo, hindi sa mga oras na wala kang malay!"

Ang mga labi naman ni Irisha ang umawang. Nagsasalubong ang kilay na tumiim ang titig sa kanya.

"May kakayahan ang isang Livin na alamin ang totoo hindi ba?" kinuha niya ang isang kamay nito at inilapat sa sariling noo. Pumikit siya. Binuksan ang isip. Mayamaya ay may bahagyang init na naramdama si Vio sa balat niya. Init na nawala rin nang bawiin ni Irisha ang kamay.

CLUB RED 3: VIO (Sunset And You) Published, 2015. COMPLETED.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon