Ang Kapangyarihan ng Gabay

1.7K 66 2
                                    


"MAY Dark Feeder na nasa Z. Sino siya?" tanong ni Irisha kay Vio nang matulin na ang takbo ng kotse. Mula sa Quezon City na kinaroroonan ng Z, patungo sila ng Antipolo. Alam ni Irisha na kung hindi man siya pumayag na ihatid, lihim siyang susundan ni Vio. Napaghandaan na niya ang lahat. Isa sa maraming bahay na inuuwian niya sa iba't-ibang lugar sa Pilipinas ang itinuro niya. Isa sa mga lantad niyang tirahan. Kilala siya ng mga kapitbahay bilang Rissa Ivañez, isang manang na staff sa Pawnshop—laging balot na balot manamit, makapal ang salamin sa mga mata at mailap sa mga kapitbahay. Bahay-opisina lang ang buhay.

"Si Az," tugon ni Vio, bahagyang bumaling sa kanya. Nakaupo na siya sa passenger seat. Hindi pumayag ang lalaki na sa backseat pa rin siya pumuwesto. "Nasa paligid lang siya, nagmamasid sa mga mortal na dinadala ko sa Z. May ilang mortal na hindi ko na nagawang lapitan pagkatapos naming magkape. Takot na takot na. Ang dahilan? May lihim daw akong katauhan—nasa itaas ng puno at humihitit ng malaking tabako sa hatinggabi. Nambibiktima ng magagandang babae, mula kay Az ang impormasyon." natatawa si Vio habang napapailing.

"Sino si Az?"

"Azir Bovann. Owner ng Z. Chef Az para sa mga staff ng Z. Isa siya sa mga Feeders na umuuwi sa lumang mansiyon."

"Marami kayo sa mansiyon?"

"Fifteen."

"Tatlo lang kayo ngayon?"

"Sa ngayon, oo."

"Ang artist sa Baguio at ang elusive na may-ari ng Zynch kasama ba sa labinglimang sinasabi mo?"

Tumango si Vio. Sinulyapan siya. "Ang dami mong alam, Rish."

"Gabay ako, hindi ba?" balik niya. "Ang isa pang prodigal grandchild ng prinsipe?"

"Si Pierce. Isa rin sa amin."

Tumango-tango siya. Kung pinagkatiwalaan ni Imang si Devon, dapat rin siyang magtiwala. Positibo rin ang nasasagap niyang enerhiya kay Vio. Dapat na niyang itigil ang mga pagdududa. At ang kaalamang nasa panig ng liwanag ang Darko ng Fedeus ay sapat para tumibay ang pag-asang pinanghahawakan ni Irisha.

"Isa na lang Vio," sabi ni Irisha pagkatapos ng katahimikan. "Hawak ba ni Devon ang Pulang Sumpa?"

"Ang Pulang Sumpa ang dahilan kaya pinili ni Dev ang Pilipinas, Rish. Ang mga pangitain ni Irama tungkol sa Huling Sikat, sa mga Treasures, sa Guardian at sa Chosen One, lahat pinahahalagahan ni Dev. Lahat ng bilin ni Irama ay sinusunod niya—sinusunod namin. Wala kaming ibang hangad kundi ang maibalik ang liwanag na nawala sa lahat ng Fedeo."

"Dapat ba kitang pagkatiwalaan?" nararamdaman na ni Irisha na isang Feeder na nasa panig ng liwanag si Vio. Gusto lang niyang marinig mula mismo sa bibig nito. Gusto rin niyang marinig kung paano siya nito kukumbinsihing magtiwala.

"Ikaw ang Gabay," sabi ni Vio at ngumiti. "Alam ng Gabay ang pagkakaiba ng kakampi sa kaaway."

Hindi na sumagot si Irisha. Itinuon na niya sa labas ang atensiyon. Mahabang sandaling sinakop na sila ng katahimikan. Sa minsang pagsulyap niya kay Vio ay nahuli nito ang mga mata niya. Ngumiti si Vio at ibinalik sa kalsada ang atensiyon.

May naisip siyang gawin.

Pumikit si Irisha at sumandal sa kinauupuan.

Hazel eyes?

Don't close your eyes, Rish. Look at me.

Those eyes...

Rish.

Hindi nagbago ang mga mata mo, Vio.

Hindi ba?

Nakilala kita dahil sa mga matang 'yan.

CLUB RED 3: VIO (Sunset And You) Published, 2015. COMPLETED.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon