Ang Kasalukuyan

3.8K 103 0
                                    

SA pinakasulok na mesa sa kainan na iyon ay makikita ang isang babaeng sing-itim ng gabi ang buhok. Mula sa balikat lamang ang makikita sa buhok ng babae dahil sa puting sombrerong suot, na sa pagkakayuko ay tinatakpan ang mismong mukha. Nakasuot ang babae ng dark shades na sing-itim ng buhok nito. Tinatakpan niyon ang mga mata na nagtatago sa ginagawang matamang pagmamasid sa paligid.

Isang misteryo ang babae. Isang dalagang nagkaisip sa islang iyon ngunit hindi nakilala bilang mamamayan ng isang partikular na lugar doon. Marami siyang pangalan. Maraming mukha. Paiba-iba ng katauhan. Walang pagkakakilanlan.

Irisha Vanletoire, iyon ang kanyang totoong pangalan. Ngunit sa bansang ito, siya ay si Rissa, Richie, Shasha, Iris, Irine, Isha, Sarah—at marami pang ibang pangalan na madali rin namang nakakalimutan sa pag-alis niya sa mga lugar na mabilis rin niyang iniiwan pagkatapos makuha ang pakay.

At nang sandaling iyon ay nagbabalik siya sa lugar kung saan niya unang nakita ang ganda ng kalikasan. Nagbabalik siya para sa isa na namang misyon.

Tumuwid ng upo si Irisha at bahagyang ipinaling ang mukha sa direksiyon kung saan naupo ang isang petite na babaeng napakaamo ang anyo. Shorts at sleeveless lang ang suot ng babae. Tinatangay ng hangin ang nakalugay na buhok. Umiikot ang tingin nito sa paligid na parang may hinihintay. Huminga nang malalim ang babae, naglabas ng kung ano mula sa maliit na bag nito at sinipat iyon. Sa distansiya nila ay hindi niya makikita iyon pero nahulaan na niyang mga larawan iyon.

Ilang minuto pa ang lumipas ay dumating ang isang matangkad na lalaking itim ang lahat ng suot. Naramdaman niya ang enerhiya mula rito—kilala niya ang lalaki. Nauna na niyang 'kinilala' iyon. Nakasuot rin ng itim na itim na sunglasses ang lalaking manipis ang buhok at may makulay na tattoo sa kabilang pisngi. Makulay na tattoo ng ligaw na bulaklak na nagkubli sa pilat na krus sa pisngi ng lalaki.

Tama ang hinala niya. May pakay rin si Jadd sa babaeng sinusubaybayan niya ngayon. Nauna na niyang nakuha ang kompletong profile ni Jadd. Hindi pa niya ito hinaharap pero alam na niya ang lahat ng tungkol kay Jadd. Sa tamang panahon ay 'susunduin' niya ito. Sa ngayon ay hahayaan niya muna si Jadd sa anumang binabalak nito sa babae. Si Jadd ang gagamitin niyang daan para mahanap ang iba pang mortal na karapat-dapat na maging miyembro ng itatatag niyang Samahan. Ang mga miyembro ng samahan na iyon ay tatawagin niyang 'rayos ng araw'. Makakasama niya ang mga rayos ng araw sa kanyang misyon. Hindi man siya ordinaryo at magagawa niyang lumaban mag-isa ay kailangan niya ng mga kasama. Hindi niya nais mag-isang harapin ang lahat. Malaking bahagi ni Irisha ay mortal, dahil iyon ang kinagisnan niyang buhay. Taglay man niya ang kakayahang katibayan ng pagiging iba ay hindi pa niya lubusang natatanggap na hindi siya kauri ng mga taong nasaksihan niya ang pagdating at pagkawala sa mundo. Sa mundong huminto na ang takbo ng oras para sa kanya.

Inihanda ni Irisha ang sarili para pakinggan ang usapan ni Jadd at ng babaeng nilapitan nito.

"Kumikilos na ang mga kasama ko, Xien," sabi ni Jadd sa mahinang boses, umupo sa katapat na silya at diretsong tinitigan ang babaeng tinawag nitong Xien. "Anumang oras mula ngayon, maaring matagpuan na natin ang isa sa mga kapatid mo."

Xien, ulit ni Irisha sa isip. Kung ganoon, hindi ginagamit ng babae ang totoo nitong pangalan.

Tahimik na tumango si Xien, nakatitig pa rin sa larawan na hawak. "Thanks, Jadd. Sana hindi pa huli ang lahat. Sana wala pa sa kanila ang napasakamay ng grupong naghahangad makuha ang dugo namin para sa pinaniniwalaan nilang katapusan ng sumpa."

"Gagawin namin ang lahat para makatulong," sabi ni Jadd. "Sa Village ka na muna tumuloy. Hindi ka pababayaan ng grupo."

"Tatlong beses mo na akong inalok," sabi ni Xien. "Wala talaga akong balak sumama sa Village," nag-angat ng tingin si Xien at marahang ngumiti kay Jadd. "Kailangan ko lang sumugal na ngayon o isa-isa kaming mawawala na wala man lang maghahanap."

"Mga pagdududa," sabi ni Jadd "Hindi ko hihilingin na alisin mo 'yan, Xien. Pero puwede mo rin akong pagkatiwalaan."

Matagal na katahimikan bago narinig ni Irisha na nagsalita uli si Xien.

"Hindi madaling gawin ang sinasabi mo, Jadd," sabi ng babae. "Iba ka. Iba ka sa amin, hindi ba? Alam ba nila?"

Walang sagot.

"Sasama ako dahil wala akong pagpipilian," patuloy ni Xien. "Hindi ibig sabihin na pinagkakatiwalaan kita. Hindi ko pa napapatunayan pero isang uri mo ang kutob kong tumangay kay Dream."

"Hindi ko ugaling sumira sa pangako, Xien. Tutuparin ko ang ipinangako kong proteksiyon basta manatili ka sa Village."

"Isang tanong pa," sabi ni Xien, hindi pa rin inaalis ang titig kay Jadd. "Ano ba talaga ang kailangan mo sa akin? Hindi mo ako pag-aaksayahan ng panahong sundan nang sundan kung wala kang kailangan. Balak mo akong gamitin?"

"Girlfriend. Kailangan ko ng girlfriend."

Narinig ni Irisha ang matunog na tawa ni Xien. Sa pagmamanman niya sa babae ay mas madalas na tahimik ito at malungkot. Hindi niya naisip na si Jadd lang pala ang magpapatawa sa babae—ang ideya na maging girlfriend ng isang Mortal Feeder na may makulay na tattoo sa pisngi.

"Ang sakit ah," sabi ni Jadd, mas magaan na ang tono. "Nakakatawa ang ideya na maging girlfriend ko?"

"Sakit?" ulit ni Xien. "Wala ka namang puso, bampira." Sinadyang hinaan ng babae ang huling salita. "'Wag kang magpanggap na nasasaktan ka gaya naming mga mortal—"

"Shhh," saway ni Jadd. "Don't judge me, I'm a vampire not a book."

Muling narinig ni Irisha ang tawa ni Xien, na sinabayan ng maikli at buong tawa ni Jadd.

"Ikaw lang ang nakakaalam kung ano ako, Xien," mayamaya ay boses ni Jadd, pantay na ang tono. "Sa ating dalawa lang ang alam mong 'yan. Walang alam ang grupo. Hindi rin nila alam na ang dugong pinagmulan ng dugo mo ay kilala namin. Ingatan natin ang lihim ng isa't-isa."

"Ano'ng alam ng grupo mo tungkol sa dugong pinagmulan ko?"

"Sumama ka sa Village," tugon ni Jadd. "Lahat ng tanong mo, sasagutin ko."

"Ano'ng kapalit?"

"Titira ka sa kubo ko."

"Para isipin nilang girlfriend mo ako?"

"Gusto ko rin ng kasamang alam ang totoong uri ko at tanggap ako, Xien. Ikaw ang unang mortal na hindi natakot sa akin."

"Nagkaisip kami ng mga kapatid ko sa takot, Jadd. Nakakapagod na. Manhid na ang puso ko sa ganoong pakiramdam." Pantay rin ang tono ni Xien, seryoso. "Papayag akong magpagamit sa kung anuman ang silbi ko sa 'yo. Katawan at dugo ko lang ang hindi ko ibinibigay sa 'yo ng kusa kaya 'wag mong pakialaman kung ayaw mong ako mismo ang magtarak ng wooden stake diyan sa dibdib mo."

Napatikhim si Jadd. "Malinaw ang mensahe mo, Xien, nakuha ko."

"Mabuti kung ganoon," si Xien at tumayo na sa kinauupuan.

"Umalis na tayo," si Jadd at pasimpleng inikot ang tingin sa paligid. Sa anyo ay naghahahanap ng mga kahina-hinalang mukha. Sinadya ni Irisha na hindi maglagay ng proteksiyon kaya naramdaman siya nito. Isang kauri si Jadd na namumuhay kasalamuha ang mga mortal na lumalaban sa uri nila. Hinahangaan niya ang galing ng lalaki sa pamumuno at pagtatago ng lihim. Nagawa nitong pag-isahin at pamunuan ang isang grupo ng mga mortal sa kabila ng totoong uri nito.

Nahuhulaan na niya kung saan magtutungo ang dalawa—sa Owl's Village, na nauna na niyang nalaman na kanlungan ng mga beast hunters na nagpapanggap na mga ordinaryong sibilyan. Si Jadd ang lider ng Owl, lihim na grupo na binubuo ng apat na mortal, pang-lima si Jadd na isang kauri. Isa lang ang bampira sa mga nilalang na nasa listahan ng mga ito. Sa mga narinig niya ay walang ideya ang grupo sa tunay na uri ni Jadd. Sa pagmamanman ni Irisha sa lalaki ay nasundan niya kung paanong napaugnay rito si Xien, na ikinukubli naman sa maamong anyo ang tunay na kakayahan.

Pagdating ng tamang panahon, magiging kaisa niya ang dalawang ito na lalaban para sa Liwanag.

Sinapo niya ang Araw, ang kanyang kuwintas at maingat na itinago iyon sa ilalim ng kanyang damit.

Nagsisimula pa lang siya at hindi siya titigil hangga't hindi niya naisasakatuparan ang misyon na nakaatang sa kanyang mga balikat.

Tumalikod na siya para bumalik sa maliit na bahay na kanyang tinutuluyan.


CLUB RED 3: VIO (Sunset And You) Published, 2015. COMPLETED.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon