ISANG maaliwalas na silid ang nagisnan ni Irisha nang muli siyang magmulat ng nga mata. Ilang segundo siyang napatitig muna sa kisame. "Z-Zefro?" ang lalaki ang agad naisip ni Irisha nang maging malinaw ang kanyang isip.
"Rish," boses ni Zefro mula sa isang bahagi ng silid. Nagtangkang bumangon si Irisha—na hindi naituloy nang maramdaman niya ang hapdi sa mga bisig.
Naka-posas siya! At base sa hapdi na sumusugat sa kanyang balat, pilak ang mga posas na iyon!
Nanlalaki ang mga matang hinanap ng tingin ni Irisha ang pinagmulan ng boses ni Zefro. Hindi pala ito nag-iisa. Nasa silid rin sina Devon at Yshael, tatlong Feeders na sa mansiyon rin tumutuloy, isa sa tatlo si Azir. Huminto sa tatlong babae sa silid ang mga mata niya— sina Catarina, Christina at Crissa. Kumabog ang dibdib ni Irisha nang makita niyang hawak ni Catarina ang Jedum dagger!
"Zefro!" Nalilitong tawag niya sa atensiyon ng nag-iisang kadugo sa silid na iyon. Sinubukan niyang hilahin ang mga bisig niya. Naramdaman niya ang pagkagat ng posas na para bang nagpaparusa.
Mula sa tahimik na pagkakasandal sa dingding ay lumapit si Zefro. "Wala nang ibang paraan, Rish. Ito na lang ang magagawa natin para putulin ang koneksiyon sa pagitan n'yo ni Aeisha—o mamamatay kayo nang sabay pagsapit ng hatinggabi."
"M-Mamamatay?" ulit niya. "Ano'ng...ano'ng ibig mong sabihin?"
"Tatapusin ni Gricko si Aiesha sa utos ni Drake," si Devon ang sumagot. "Kailangan nating silang unahan bago ang oras na ibinigay ni Gricko. Kasama niya ngayon si Drake. Siguradong panonoorin ng hayup ang pagpatay sa kapatid mo, Rish. Walang pagpipilian si Gricko kundi sumunod o malalantad ang pagpapanggap niya." Patuloy ni Devon. "Kung hindi mapuputol ang koneksiyon sa pagitan n'yo bago ang takdang oras, lahat ng mararamdaman ni Aeisha ay mararamdaman mo. Wala sa kondisyon ang katawan mo ngayon para itaas ang proteksiyon."
Umiling si Irisha. Paulit-ulit. Hindi. May ibang paraan pa. Hindi maaring doon na magtatapos ang ugnayan nila ni Aeisha.
"We're wasting precious time," si Catarina at hinagod ng hintuturo ang talim ng Jedum dagger. "Itutuloy pa ba natin ito o hindi na?" balewalang tanong ng babae, sa pagkakangiti ay para bang sabik na sugatan siya. Kung hindi lang dahil kay Catarina at sa mga kasama nitong dahilan kung bakit umabot sila ni Zefro sa silid na iyon nang walang pinsala ay pagduduhan ni Catarina ang intensiyon ng dating Chosen One.
Tumingin si Yshael sa relong suot. "Oras na," sabi nito, lumapit sa kama. Sinulyapan siya bago ang relo sa bisig. "Crissa, Tin, sa akin lang kayo makikinig." Baling ni Yshael sa dalawang Treasure na base paghawak sa kamay ng isa't-isa ay kinakabahan rin. Si Crissa ay nakita niyang nag-aalalang tumingin kay Zefro. Lumapit naman si Zefro kay Crissa at mariing hinagkan sa noo ang babae. "You can do it," bulong ni Zefro kay Crissa at tumingin rin kay Christina. "Magagawa n'yong dalawa nang tama."
"Rish," narinig niyang tawag ni Christina. "Huwag kang kakabahan," sabi nito na bakas sa anyo ang tensiyon. "Kinakabahan din ako, eh. Trust me, please, so I can trust myself too."
Matagal na nagtama ang mga mata nila ni Christina.
Lumapit si Catarina. "Susugatan kita ng dagger, Irisha," sabi nito, "Ilang sentimetro lang ang layo sa puso mo. Sa kalagayan ni Aeisha ngayon, walang laban ang katawan niya sa hapdi at kirot. Patuloy siyang manghihina. At manghihina hanggang tumigil na lang ang pintig ng puso niya."
"At...at ang puso ko?"
"Hihinto ang oras dito sa atin—mismo sa sandaling unti-unti nang humihina ang tibok ng puso mo, si Crissa ang bahala sa oras. Gagamutin ka ni Tin habang si Aeisha ay tuluyang hihinto ang tibok ng puso. Kapag nasunod natin ang oras, patay na si Aeisha bago pa siya 'patayin' ni Gricko. Iisipin ni Drake na wala lang malay ang kawawang babae. Hugutin man ni Gricko ang puso ni Aeisha at ialay kay Drake, nasagip na natin ang buhay mo. Ligtas rin ang lihim ni Gricko." Paglalahad pa ni Catarina. "Bukas kana magigising, Irisha—na malaya sa sumpang koneksiyon n'yo ng kambal mong hangal." Sumampa sa kama si Catarina, bumaling kay Yshael.
Nag-umpisang magbilang ang doktor habang nakatingin sa suot na relo sa bisig.
"Catarina." si Yshael.
Inilihis ni Catarina ang mga mata sa kanya. Walang pag-aalinlangan na ibinaon ang dagger sa kanyang dibdib. Kumawala sa bibig ni Irisha ang nasasaktang ungol. Mabilis ang reaksiyon ng katawan niya nang magsimulang umagos ang dugo. Ramdam niya ang ritmo ng puso niya na unti-unting humina kasabay ng tila pagtakas ng lahat ng lakas niya. Mayamaya pa ay nagsimula nang maging-blurred ang tingin niya sa paligid. May mga naaaninag pa siyang pigura na unti-unting lumabo hanggang nagdilim na ang lahat.
"Crissa? Now!" ang boses ni Yshael ang huling narinig ni Irisha bago ang isang nakakatakot na katahimikan sa gitna ng karimlan.
Sa diwa ay nakangiting mukha ni Vio ang huli niyang nakita.
BINABASA MO ANG
CLUB RED 3: VIO (Sunset And You) Published, 2015. COMPLETED.
VampirgeschichtenClub Red Book 3. NOTE TO READERS: UNEDITED version po ni Vio ang mababasa n'yo. 'Wag magulat sa mga typos and other error. :) Available in ebook: https://preciouspagesebookstore.com.ph/Product/Info/2460/Club-Red-Vio-(Sunset-And-You) Paperback: https...