SALAMAT sa makulit na si Mina—ang pasyenteng nasa pangangalaga ni Yshael—nawawala sa isip ni Vio ang oras na pakiramdam niya ay hindi gumagalaw. Sa mga nakalipas na araw ay madalas niyang mahuli ang sarili na nakatitig sa galaw ng orasan habang naghihintay na marinig sa isip ang boses ni Irisha.
Ngunit hindi nagparamdam ang Livin. Naging tahimik ang isip niya. Wala na ang babaeng naninira ng pamamahinga niya. Gusto niya iyon kaya dapat ay natutuwa siya. Hindi nga lang iyon ang nararamdaman ni Vio. Sa kung anong dahilan, gusto niyang marinig ang boses ng babae. At sa hindi nito pagpaparamdam sa mga nakalipas na araw ay natagpuan niya ang sariling nag-aalala na.
Hindi kaya may nangyari na sa babae? Hindi kaya tulad ni Irama ay nasa kamay na rin si Irisha ng kaaway?
Bihag ng Crow si Irama, iyon ang posibilidad na iniisip ni Yshael. Sa dalawang taong lumipas ay palihim na kumikilos ang Shadow para alamin ang kinaroroonan ng dating Gabay. Nag-iipon pa ng sapat na datos si Yshael para suportahan ang kutob, habang si Devon ay patuloy sa paghahanap sa mga Treasure.
At siya na taglay raw ang pinakamagaang aura, at pinakamabait na mukha sabi ng mga mortal sa paligid ay heto ang bago niyang role—maging babysitter ng mortal na si Mina habang nasa labas ang lahat. May mga pagkakataong natutukso siyang magpalit anyo at takutin si Mina para makaalpas sa 'trabahong' iyon. Hindi nga lang niya maaring gawin kung gusto pa niyang humaba ang paglalakbay niya sa mundo. Hindi gusto ni Vio na buhayin ang madilim na bahagi ni Yshael.
Ideya ni Devon ang pagtatago kay Mina habang si Christina, ang bestfriend nito ay dadalhin ni Devon sa mansiyon para mas kilalanin. May kakaiba sa babae na hindi nila maintindihan. Hindi nila mabasa ang isip ni Christina, hindi rin tinatablan ng alinman sa kakayahan nilang tatlo.
Kinidnap ng mga mortal si Mina. Mga mortal na may sariling pakay sa dalawang babae. Sumunod si Christina sa gubat. Isinagawa nila ang plano ni Devon. Si Mina ay itinuloy nila sa clinic ni Yshael habang si Christina ay sa lumang mansiyon.
Hindi kasama sa napag-usapan nilang tatlo na maiiwan siya bilang babysitter ni Mina. Alam na ni Vio kung bakit siya naman. Sa pagitan kasi nila ni Yshael, para sa mga mortal na gaya ni Mina ay siya ang harmless.
Harmless?
Gusto niyang humalakhak.
"Matang-pusa!" malakas na boses ni Mina mula sa kanan, sa mismong kama niya galing ang babae. Mula sa private clinic ay dinala niya si Mina sa mismong silid niya sa Red Hotel. Hindi halos namalayan ng babae na nasa ibang lugar na sila. "Nasaan si Doc Bu?" Doc Bu ang tawag nito kay Yshael, pinaikling Doctor Busangot. Walang pakialam si Mina sa paligid, nakatuon lang kay Yshael ang buong atensiyon nito. Para bang hindi nakakahinga kapag nawawala sa paningin ang doktor. "Umalis na agad?"
Sinadya ni Vio na hindi pansinin ang babae. Sa pagkakaupo na nakataas ang mga paa, pumikit pa siya at nagkunwaring natutulog. Hindi na siya nagulat na hinampas siya ni Mina ng magazine na hawak nito.
"'Wag mo akong tulugan!" balewalang naupo ang babae sa tabi niya. "Ang tahimik, eh. Hindi man lang nagpaalam si Doc Bu?"
"Sa 'yo?" susog niya, nakapikit pa rin, nagpipigil ng tawa. "Kailangan bang gawin ng doktor 'yon sa pasyenteng singkulit mo—" hinampas na naman siya ni Mina ng magazine.
"Pinapatay mo talaga lagi ang kilig ko! Bakit 'di mo man lang pinigilan? Nakita ko sana siya bago umalis..." sumimangot ang babae, para bang ikakamatay na hindi nakita ang doctor bago umalis. Hindi na nakakagulat ang ganoong epekto nila sa mga mortal pero pagdating kay Mina ay mas malala. Kung hindi lang kilala ni Vio ang kaibigang doctor, iisipin niyang may ginawa ito sa babae para mag-mistulang nasa impluwensiya si Mina ng kapangyarihan ni Yshael.
"Gusto mo siyang makita?"
"Bakit, masama ba?"
Natawa na si Vio. Ang mga mata ni Mina, ang pagkakalapat ng mga labi at ang nakaangat na kilay ay talaga namang nakakaaliw. Hindi niya alam kung paanong napagpapasensiyahan ni Yshael si Mina. Kung siya ay nagagawang makipagsabayan sa babae, si Yshael ay walang oras at pasensiya sa mga walang kuwentang usapan pero pagdating kay Mina ay nagagawa nitong kontrolin ang sarili.
"Masama talaga. May date si Doc Bu."
"Date!"
"Date."
Nalukot ang mukha ni Mina. Pinigil ni Vio ang nanunuksong ngisi. "Maganda ba 'yong girl niya?" si Mina na nagkalambong ang laging nangingislap na mga mata.
"Magandang maganda."
"Sobrang ganda?"
"Sobrang ganda."
"Single raw, nakikipag-date pala," bulong ni Mina na umabot sa pandinig ni Vio. Bumaling ang babae sa kanya. "Magiging sila kaya?"
"Hundred percent, sweetie!"
"Okay lang. Maghihiwalay rin sila!"
Hindi na napigilan ni Vio ang pagtawa. Inirapan siya ni Mina bago nagmartsa pabalik sa kama ang babae. Nahuli pa ng mga mata niya ang pagsubsob nito sa mga unan. Nag-ring ang cell phone ni Vio. Si Yshael ang tumatawag.
"Fox?" bungad niya.
Napapangiting dumako kay Mina ang mga mata ni Vio habang pinakikinggan ang mga instructions ng doktor tungkol kay Mina. Sa huli ay itatanong lang pala nito kung ano ang ginagawa ng babae at kung payapa na ang pagtulog nito.
Hindi naisip ni Vio na magugustuhan niya ang 'trabahong' iyon.
Nilapitan niya si Mina pagkatapos ng tawag. "Hey, jealous wench—"
"Tse!"
Ngumisi siya. "May emergency, hindi natuloy ang date ni Doc Bu."
Biglang bumangon si Mina. "Talaga?" naroon na naman ang kislap sa mga mata nito. Ngayon niya naiintindihan kung bakit mas pinili ni Yshael na gamitin ang kakayahan para burahin sa isip ni Mina ang hindi magandang karanasan nito. Mahabang panahon na pinigilan ng kaibigan ang paggamit sa kakayahang iyon sa pagnanais na mabuhay sila ng 'normal' gaya ng mga mortal sa paligid, at sa kabila ng katotohanang magkaiba ang mga mundo nila. Hindi naisip ni Vio na isang Mina lang pala ang kailangan para baliin ni Yshael ang mga panuntunan sa sarili.
Nang mga sumunod na sandali ay tinititigan na niya sa Mina, iniisip kung ano ang mayroon ang babae para matibag nito ang proteksiyong tila makapal na yelong patuloy sa pagtigas sa mga nakalipas na siglo. Yelong nakabalot sa kabuuan ng isang Dr. Yshael Vruenzhé.
"Marunong ka bang manligaw?" biglang tanong ni Mina, nakaupo na ang babae sa gitna ng kama, mahigpit na yakap ang unan.
"Hindi ako nanliligaw, Mina."
"Kung bigyan ko kaya ng flowers si Doc Bu?"
Napamaang si Vio kay Mina. Pigil na pigil na humalakhak.
"Roses ba? Tanggalin mo ng tinik, sweetie."
"Siyempre!" si Mina at bumungisngis. "Baka ibaon niya sa skin ko, eh!"
"Alam mo ba ang weakness ni Doc?"
"Ano?"
"Kiss."
"Kiss agad?" namimilog ang mga matang susog ni Mina. "Hindi ko kaya 'yon! Ni hindi ko nga magawang lumapit, eh. Ang sungit sungit kaya ng kaibigan mo!"
"Hindi mo naman iki-kiss ng gising," turo pa ni Vio. Gusto niyang makita ang magiging reaksiyon ni Yshael. "Hihintayin mong makatulog."
"Nanakawan ko ng halik?" nangislap lalo ang mga mata ni Mina.
Nakangising kinindatan niya ang babae bago iniwan. Nasisiguro niyang mas magiging interesante ang mga susunod na araw.
BINABASA MO ANG
CLUB RED 3: VIO (Sunset And You) Published, 2015. COMPLETED.
UpířiClub Red Book 3. NOTE TO READERS: UNEDITED version po ni Vio ang mababasa n'yo. 'Wag magulat sa mga typos and other error. :) Available in ebook: https://preciouspagesebookstore.com.ph/Product/Info/2460/Club-Red-Vio-(Sunset-And-You) Paperback: https...