Ashtine Mae Sanchez
Nagpanggap kaming okay ni Myco nang humarap kami sa magulang niya at kay mama. Pinagalitan kami ng sobra at halos magsalitan silang tatlo sa pagsigaw sa amin... o kay Myco. Kay Myco nila ibinunton ang sisi at galit at dahil katabi ko lang siya ay nararamdaman ko ang inis niya. Sa loob ko ay natutuwa ako, pakiramdam ko kahit sa ganitong paraan man lang ay nakakabawi ako mula sa pananakit niya sa akin.
Pareho kaming may kasalanan pero lamang ang kanya, kung hindi niya ako ginamit ay hindi kami mauuwi sa ganitong sitwasyon. Ang kasalanan ko lang ay ang rupok ko nang oras na 'yon, nasa matino akong pag-iisip pero hinayaan kong may mangyari.
Sa lugar namin ay hindi na bago sa paningin na nagsasama sa iisang bahay ang magkasintahan kapag nabuntis ang babae kahit hindi pa sila kasal kaya sa gano'ng desisyon din nauwi ang parents namin. Magsasama kami sa iisang bahay ni Myco. Ang ipinagkaiba lang namin sa iba ay, sila nagsasama para maging buo ang pamilya nila habang kami bubukod sa magulang para hindi nila makita na may problema sa pagitan naming dalawa.
Linatag nila sa aming dalawa ang gusto nilang mangyari at wala kaming nagawa kung hindi ang pumayag, at ilang linggo lang ang lumipas ay nakalipat na kami sa bago naming titirhan.
Mabilis na lumipas ang mga araw, hindi ko namalayan na nangangalahati na ang March, huling buwan ng highschool life namin.
Sunday morning, usually nagja-jogging ako kapag ganitong araw. Pero natigil na 'yon weeks ago dahil hindi ko na kayang bumangon ng maaga.
Pagkagising ay hindi pa muna ako bumangon, pinakiramdaman ko muna ang labas ng kwarto, inaalam kung gising na si Myco.
May dalawang kwarto ang apartment na kinuha ng magulang namin para sa amin. Medyo may kalakihan iyon ng kaunti para sa aming dalawa. Magkahiwalay kami ng kwarto at bukod pa roon kanya kanya rin kaming kilos sa loob ng bahay, halos walang usapan o pakialamanan sa isa't isa. Pumapasok kami nang magkahiwalay at umuuwi nang magkahiwalay, tuloy ay bukod sa mga kaibigan namin ay walang ibang nakakaalam sa sitwasyon namin.
Hindi naman kasi masayang balita iyon para ipakalat pa sa iba.
Nang wala akong marinig na pagkilos mula sa labas ay bumangon na ako at nagtali ng buhok saka lumabas ng kwarto. Dumiretso ako sa banyo para gawin ang daily routine ko at mabilis ding lumabas matapos no'n. Papunta na sana ako sa kusina nang mapahinto ako dahil sandaling umikot ang paningin ko.
Sanay na ako sa ganito dahil sa mga nagdaang araw ay naging parte na rin ata ng daily routine ko ang pagkahilo, sunod ay magduduwal. Parang ngayon, bigla akong napatakbo sa kitchen sink dahil pakiramdam ko may umaangat mula sa tiyan ko. Araw araw kong nararanasan ito pero bawat umaatake ang pagduduwal ko ay parang bago pa rin sa'kin. Nahihirapan ako, nagpapanic dahil halos hindi ako makahinga habang pinipilit ilabas ang bagay na wala naman talaga, at napapagod pagkatapos.
"Okay ka lang?" biglang nangibabaw ang tanong na 'yon mula sa likuran ko at sa iisang tao lang namang posibleng manggaling iyon.
Imbis na sagutin si Myco ay nagmumog muna uli ako saka naghanap ng tuwalya na maipapamunas sa mukha ko.
BINABASA MO ANG
Fouled Love
Chick-LitComplete. In Ashtine's young heart, she treasures the Amethyst's basketball player, Myco-- who treasures another girl in his heart. [ Season 1: Ash and Myco's story.]