Chapter 30

3.5K 52 6
                                    


Ashtine Mae Sanchez


Nagising ako nang mabigat ang ulo, hindi ko pa halos maibuka ang mga mata ko dahil parang ang bigat din no'n. Nang magmulat ako ng mata ay una kong napansin na madilim na. Nang ikilos ko ang katawan ay nagulat pa ako... nakatulog ako nang nakayukod sa mga tuhod ko.


Biglang pumasok ang nangyari kanina. Biglaan ang pagtayo ko dahilan para mahilo ako sandali, pero hindi tulad kanina ay hindi ko na hinayaan ang sariling magpaapekto doon at agad akong tumakbo palabas ng kwarto. Pinakiramdaman ko ang bahay at sobrang tahimik dito, sobrang tahimik na pakiramdam ko naririnig ko ang tibok ng puso ko sa tainga ko. 


Kinabahan ako ng matindi. Wala rito sina mama at Gail!


Una kong hinanap ang phone ko at nang mahanap ay sinubukan kong tawagan si Gail. Nanginginig ang mga tuhod ko habang hinihintay siyang sagutin iyon.


[Hello, ate--]


"Gail, nasaan kayo?!"


Kontrolado ang boses na sumagot siya.


[Nandito kina Myco...]


Mas lalong tumindi ang kaba ko sa narinig. Hindi ko na nagawang magpaalam sa kanya. Pinatay ko kaagad ang tawag. Ni hindi ko na rin naayos ang sarili. Mabilis akong naghilamos at nagpunas ng mukha para mabawasan ang pamumugto ng mata ko. Uniform pa rin ang suot ko dahil iyon ang nakatulugan ko at hindi na ako nag-abalang magpalit pa ng damit. Hindi ko alam kung anong nasa isip ko pero alam kong kailangan kong sumunod kina Gail kahit alam kong wala na akong magagawa dahil sa mga oras na ito sigurado akong nakarating na sa pamilya ni Myco, at siguro maging sa kanya, ang balita. 


Nanlulumo ako habang naglalakad takbo papunta sa bahay nina Myco. Hindi naman sobrang layo no'n at kayang lakarin pero dahil nagmamadali ako ay pakiramdam ko ang layo layo ng pupuntahan ko.


Malapit na ako nang bigla akong mapahawak sa tagiliran ko, malapit sa puson. Hindi ko alam pero parang may kumirot doon banda. Gusto ko sanang indahin pero hindi ko nagawa nang bigla akong mapatigil sa paglalakad.


Malapit sa bahay nila ay nakita ko si Myco, nakatayo sa isang gilid sa tabi at parang may iniisip. May sumikdo sa dibdib ko nang masulyapan siya at halos mapatalon ako nang bigla siyang lumingon sa kinatatayuan ko. Nagsalubong ang tingin namin at naningkit ang mata niya habang nakatingin sa'kin.


"M-Myco." Usal ko nang maglakad siya palapit sa akin. Nang huminto siya sa harap ko ay halos hindi ko na siya matignan sa mata. Nangapa ako bigla at sobra sobra ang tibok ng puso ko.


"Totoo ba?" Tanong niya sa malamig na boses. 


Pilit kong sinalubong ang mata niya. At kung malamig ang boses niya, mas lalo naman ang tingin niya sa akin.


"H-Ha?"


"Magmamaang maangan ka pa ba sa harap ko, Ash? Nasa bahay ngayon ang nanay at kapatid mo!" asik niya at bigla kong naintindihan na kaya ganyan siya kung tumingin sa akin dahil alam na niya.

Fouled LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon