Minulat ko ang mga mata ko. Kadiliman ang sumasalubong sa akin sa tuwing imumulat ko ang aking mata. Nakakasawa.
"Iris. Kailangan mo nang bumangon." Napapikit ako nang bigla nilang buksan ang ilaw. Hindi ako sanay sa liwanag. Masakit sa mata.
"Alam ko. Patayin niyo ang ilaw." utos ko sa kanila. Agad naman nila itong sinunod kaya't dumilat na ako.
"Umalis na kayo." dagdag ko. Tumango sila at umalis din kaagad. Naligo na ako at agad ding nagbihis.
Hindi ako bulag ngunit wala akong makita. Buong buhay ko, sa tuwing gigising ako, puro dilim lamang ang nakikita ko. Ngunit sanay na ako sa ganito. Simula sanggol pa lamang ako, ang kwartong ito na ang naging tahanan ko. Sa dalawampung taon na nabubuhay ako sa mundo, kadiliman na ang bumabalot sa akin. Kaya't natatakot ako tuwing makakakita ako ng liwanag.
"Iris. Handa ka na ba?" Tumitig ako sa mga mata niya. Bakit ba tuwing gagawin nila ito sa akin, 'yan ang lagi nilang tinatanong. Hindi ko nalang 'yon sinagot at dumiretso nalang ako sa laboratoryo ng gusaling ito.
"Gawin niyo na ang gusto niyong gawin," sabi ko sa mga scientist na nakapalibot sa pinto upang salubungin ako.
"Patutulugin ka muna namin, Iris." sabi ni Dr. Willow. Tumitig ako sa kaniya pero umiwas lang siya ng tingin sa 'kin. Sanay na ako, wala namang nakikipagtitigan sa 'kin.
"Ayoko. Magsimula na kayo. May klase pa ako." simpleng wika ko sa kanila.
Kukuha sila ng kaunting piraso sa utak ko. Alam ko namang hindi ako mamamatay kaya't wala akong pakialam sa gagawin nila. Sanay na sanay na rin ako sa ginagawa nila. Buong buhay ko, 'yan lang ang nangyayari, ang pagkuha ng piraso sa bawat bahagi ng katawan ko upang mapagaralan.
"Ngunit masyadong delikado ang gagawin naming ito, Iris. Utak mo ang kukunin namin, hindi ito basta basta." Tiningnan ko ulit siya, kagaya ng inaasahan ko, sa ibang direksyon siya nakatingin.
"Just proceed." Narinig ko ang pagbuntong hininga nila. Bakit ba sila ang kinakabahan? Hindi naman sila ang kukunan ng piraso ng utak 'di ba?
Napapikit ako nang maramdaman ko na tinurukan nila ako ng pampakalma. Mas masakit ito kumpara sa ibang operasyong ginawa sa 'kin. Napakagat labi ako sa sakit nang tusukin nila ang sentido ko. Naramdaman ko ang malamig na bakal na dumampi sa utak ko. Hindi na masyadong masakit ang ginagawa nilang pagkalkal dito.
"The operation is successful, Master." Dumilat ako nang marinig ko iyon ngunit agad naman akong napapikit dahil sa liwanag.
"Patayin niyo ang ilaw," utos ko. Dumilat na ako nang wala na akong maramdamang ilaw.
"Kamusta siya?" Rinig kong tanong ng lalaking kausap ni Dr. Willow sa telepono.
"Ayaw niya pong saksakan namin siya ng pampatulog kaya't gising po siya, Master" sagot ni Dr. Willow.
"Gusto ko siyang makausap." Muntik na akong mapangiti nang marinig ko iyon. Halos dalawang buwan na rin noong huli ko siyang makausap.
"Iris, gusto ka raw makausap ni Master." Inilahad sa akin ni Dr. Willow ang teleponong hawak.
"Papa," tawag ko sa kabilang linya.
"Kamusta ang operasyon, Iris?" malambing na tanong niya sa 'kin.
Tuwing magkakaroon ako ng operasyon, lagi siyang tumatawag at kinakamusta ako. Kaya nga, gusto ko lagi akong may operasyon upang makausap ko siya. Isang beses ko pa lang din siyang nakikita kaya't sabik ako tuwing tumatawag siya.
"Ayos naman po. Kailan niyo po ba ako bibisitahin dito?" tanong ko sa kaniya.
Hindi man ako normal pero may emosyon at damdamin pa rin ako. Kahit papaano, nakakaramdam pa rin ako ng pagkangulila.
"Masyado akong busy kaya't hindi kita mapuntahan. Sige na, ibaba ko na ito." Nalungkot ako nang sabihin niya 'yon. Buti nalang hindi ako umasa kaya hindi ako sobrang nasasaktan ngayon.
"Sige po..." Bago ko pa matapos ang sasabihin ko, naputol na agad ang linya.
"Iris, tara na, bumalik ka na sa kwarto mo para makapagpahinga ka na." Sumunod na ako kay Ion, siya lang ang maituturing kong kaibigan dahil siya lang naman ang nakakausap ko nang matagal.
"Iwanan mo na ako, magpapahinga lang ako," sabi ko kay Ion, tumango siya sa 'kin at umalis na sa kwarto ko. Sa hindi malamang dahilan, biglang kumirot ang ulo ko kaya't napahawak ako rito hanggang sa naging sobrang sakit na ang naidudulot sa 'kin nito. Napahiga ako sa sahig.
"Nasaan ako?" Napatingin ako sa paligid ko, bigla itong nag iba. Ngunit isa ang sobrang pinagtataka ko. Bakit hindi ako nasisilaw sa liwanag?
Tinignan kong mabuti ang lugar kung nasaan ako. Hindi ko maintindihan ang ibang detalye nito ngunit may mga matataas na gusali, maraming sasakyan at napakaraming katulad ko - mali, napakaraming tao. Nakalimutan kong iba ako sa mga nilalang na tinatawag nilang tao.
"Athena?" Lumingon ako sa nilalang na humawak sa 'kin. Lubos akong naguluhan sa sinabi niya. Sino ang nilalang na ito at bakit alam niya ang pangalan ko?
"Sino ka?" tanong ko sa kaniya. Tinignan ko siya mula ulo hanggang paa.
"Halika, may nais akong ipakita sa iyo." Hindi niya sinagot ang tanong ko sa kaniya at hinila ako sa kung saan.
"Ang ganda." Hindi ko namalayang nabigkas ko ang mga salitang 'yan. Hindi ako makapaniwala na nasasaksihan ko ang ganito kagandang tanawin.
"Oo, maganda talaga dito." sabi niya habang humahalakhak. Lubha akong namangha sa ginawa niya. Ito ang kauna unahang pagkakataon na makarinig ako ng isang tawa. Hindi ko alam na maganda pala sa pandinig ito.
"Nasaan ba ako?" tanong ko sa kaniya. Naguguluhan pa ako sa nangyayari ngunit parang inaakit ako ng tanawing tinitingnan ko ngayon.
"Nandito ka sa realidad," kaswal na sagot niya sa 'kin. Realidad? Anong ibig niyang sabihin? Realidad ba ang tawag sa lugar na ito? Kung ganoon, napaka ganda naman pala ng realidad. Laging sinasabi sa 'kin nila Ion na ang realidad ay ang bagay na pilit tinatakasan ng lahat ngunit, sa nakikita ko ngayon walang dahilan para takasan ito.
"Halika, meron pa akong ipakikita sa iyo." Hinila na naman niya ako sa kung saan. Nagpadala na ako sa kaniya dahil lubha talaga akong napahanga ng lugar na pinakita niya sa 'kin.
"Nasaan naman tayo ngayon?" nagtatakhang tanong ko muli sa kaniya. Maraming tao ang nandito ngunit ang karamihan sa kanila ay mga bata. Maraming pagkain ngunit nagtataka ako sapagkat may ibinibigay silang papel upang makakuha ng pagkain. Masaya silang kumakain ng isang bagay na kulay rosas na nakatusok sa isang stick. Hindi ko inaasahang mapapangiti ako dahil sa mga tawanan ng mga nilalang na nasa harapan ko. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na napangiti ako. Hindi ko napigilan ang labi ko.
"Bakit sila masaya?" Bigla akong nakaramdam ng lungkot sa tinanong ko. Kahit kailan hindi ko naranasang maging masaya. Hindi ko alam kung paano maging masaya.
"Dahil nasa realidad sila." Talaga bang nakakapagpasaya ang realidad? Kung gayo'y nais kong makapunta rito.
"Ito na, last na talaga." Hinila na naman niya ako sa kung saan. Tumingin ako sa patutunguhan naming isa itong malaking gusali na may krus sa itaas. Nakakita na naman ako ng kumpol ng mga tao. Tumingin ako sa pintuan ng gusali, may isang babae na nakaputing damit na mahaba at may hawak na bulaklak. Biglang bumukas ang pintuan at dahan dahan siyang pumasok. Kasabay ng pagpasok ng babae, pumasok na rin kami.
"Kinakasal sila." sabi ng katabi ko.
"Ang isang lalaki at babae ay pinag-iisang dibdib. Isa itong seremonyas na kung saan nangangako ka na ikaw ay magiging mabuting kabiyak sa iyong mapapangasawa." Kumunot ang noo ko sa isang salitang binanggit niya.
"Bakit nga pala kinakasal ang dalawang nilalang?" tanong ko.
"Dahil sa pagmamahal. Ang pagmamahal ay isang bagay na nararamdaman mo sa iyong puso. Ang pagmamahal ay isang napakamakapangyarihang bagay. Nakakapagpasaya ito ng mga tao ngunit hindi mo dapat ito maramdaman." Napalingon akong muli sa kaniya. Akala ko ba nakapagpapasaya ito ng tao? Bakit hindi ko ito maaaring maramdaman? Wala ba akong karapatang maging masaya?
"Bakit naman hindi?" Nagtatakhang tanong ko.
"Kasi ito ang tatraydor sa 'yo."
"Iris, hindi ka dapat d'yan natutulog!" Napabangon ako sa sigaw ni Ion. Teka? Imposible! Hindi maaaring panaginip lang iyon. Totoong totoo ang naramdaman ko.
"Gusto kong makausap si Charlotte." sabi ko kay Ion.
"Bakit mo naman gustong makausap si Head?" Si Charlotte ang namamahala sa lugar na ito.
"Gawin mo nalang," Dumila muna siya sa 'kin at umalis na. Maya maya lang, dumating na si Charlotte.
"Anong kailangan mo sakin, Iris?" Tanong niya. Ngayon ko lamang siya pinatawag.
"Gusto kong tumira sa tunay mundo."