"Anong pinagsasabi mo?" Hindi ko inaasahang sisigawan ako ni Charlotte. Ano bang meron sa labas?
"Nahihibang ka na ba Iris? Paano ka mabubuhay doon? Hindi ka sanay doon dahil dito ka nararapat!" Hindi pa rin nagbabago ang tono ng pananalita niya.
"Wala ba akong karapatang magdesisyon para sa sarili ko, Charlotte?" Iniba ko na ang tono ng pananalita ko. Baka nakakalimutan niyang mas mataas pa rin ako sa kaniya.
"Iris, mag-isip ka muna bago ka humingi ng ganiyan. Alam mo ba kung ano ang meron sa labas? Alam mo ba kung ano ang tunay na mundo? Hindi ka namin ikukulong dito para sa wala lang!" galit na sigaw niya. Mukhang hindi siya nasindak sa sinabi ko.
"Ano nga bang tunay na dahilan kung bakit ako nandito? 'Di ba, para pageksperementuhan at laruan niyo?" Hindi ko inaasahang masasabi ko ang tungkol sa bagay na ito.
"Nagkakamali ka, Iris. Pinoprotektahan ka lang namin." Pagpoprotekta ba ang tawag sa ginagawa nila?
"Hindi ako masaya." Tiningnan ko siya sa mata. Umiwas naman agad siya ng tingin sa 'kin.
"Hindi importante ang kasayahan, Iris." Malungkot na sabi ni Charlotte. Hindi man niya ipahalata iyon, kitang kita ko sa mga mata niya ang emosyon niya.
"Lalabas ako." Pinal na sabi ko.
"Ipagpapaalam ko lang ito kay Master." Sa wakas, sumuko na rin siya. Ano bang masama sa pag-alis sa lugar na ito? Sawang sawa na ako sa pangyayari sa buhay ko. Gusto ko nang makita ang mga lugar na napuntahan namin ng babae sa panaginip ko. Nasasabik na akong maramdaman ang kasiyahan. Gusto ko ring tumawa at kumain ng walang alinlangan.
"Bukas ng umaga. Bukas ka aalis." May naramdaman akong kakaiba nang sabihin iyon ni Charlotte. Sa wakas makikita ko na rin ang mundo.
"Iris, huwag kang magpapakita ng kahit na anong kakaiba doon. Alam kong kahit ikaw ay walang ideya sa kung ano ka nga talaga ngunit pigilan mo ang sarili mo." Pagpapaalala sa 'kin ni Charlotte. Paano nga ba kumilos ng normal?
"Isuot mo rin ang bagay na 'to." sabi niya sabay abot sa 'kin ng isang bagay. Binigyan niya ako ng isang contact lense. Bakit naman kailangan ko pang itago ang mata ko? Ano bang meron dito? Sa totoo lang, hindi ko pa kailanman nakita ang repleksyon ko. Wala akong ideya sa kung ano ang itsura ko. Hindi ko alam kung ano bang kakaiba sa katawan ko. Gaano ba ako kakaiba sa mga tao? Bakit kailangan ko pang ibahin ang sarili ko?
"Athena." Lumingon ako sa kaniya nang bigla niyang banggitin ang unang pangalan ko.
"Simula bukas, Athena na ang iyong pangalan. Hindi ka na si Iris." Pati ba naman ang pangalan ko kailangan kong ibahin.
"Isa pa, huwag na huwag kang magkakamaling magmahal." Napatigtig ako sa kaniya nang sabihin niya iyan. Pareho lang ang sinabi niya at sinabi ng babae sa panaginip ko.
"Parang awa mo na, huwag kang magmamahal. Dahil 'yon ang ikapapahamak mo." Hindi nga siguro ako puwedeng maging masaya.
"Tandaan mo, sa amin ka lang magtitiwala. Wala kang ibang dapat pagkatiwalaan kung hindi ang sarili mo at ang Mreine." Alam ko, wala naman talaga akong ibang pinagkakatiwalaan kun'di ang sarili ko lang. Sarili ko lang ang kakampi ko sa lahat ng bagay.
"Ang daldal mo." sabi ko sa kaniya. Senyales iyon na ayoko na siyang kausap, kaya tumalikod na siya at naglakad palayo.
"Iris, mag-iingat ka." Turan niya bago siya umalis nang tuluyan. Bukas magsisimula ang panibagong yugto ng buhay ko.
Nasa tapat na ako ng pintuan patungo sa tunay na mundo. Ngayon magsisimula ang bagong kuwento ng buhay ko. Binuksan ko ang pintuan ngunit agad akong napatalikod at napapikit dahil sa isang nakakasilaw na liwanag na sumalubong sa 'kin. Napakasakit sa mata. Para akong isang bampira na takot sa sinag ng araw. Hindi niyo ako masisisi, kung ikaw ang nabuhay sa kadiliman sa loob ng dalawampung taon, ganito rin ang magiging takot mo sa liwanag.
"Hindi ka makakaalis kung sa liwanag lang takot na takot ka na." Nainsulto ako sa sinabi ni Ion. Napakayabang talaga ng lalaking ito.
Idinilat ko ang mga mata ko at unti unting lumingon sa pinanggagalingan ng araw. Sa loob ng ilang minute sinanay ko ang sarili ko sa liwanag. Medyo hindi pa rin ako sanay ngunit mukhang makakayanan ko nang lumabas.
Huminga ako nang malalim at lumakad palabas sa lugar na ito. Sumalubong sa aking pag labas ang malamig na simoy ng hangin. Ano na nga bang buwan ngayon? Hindi ko alam sapagkat wala naman akong pakialam sa paglipas ng araw.
"Nobyembre na ngayon." Hindi ko pinansin ang sinabi ni Ion. Masyado na naman siyang pabida.
"Ion, ano bang itsura ko?" Ito ang kauna unahang pagkakataon na itinanong ko sa kaniya ito.
"Mukha ka namang tao, walang pagkakaiba sa mukha ko." Sabi niya. Lagi akong inaasar ni Ion kaya rin siguro malapit ang loob ko sa kaniya. Madali kasi siyang maging kaibigan.
Tiningnan ko sa huling pagkakataon ang lugar kung saan ako lumaki. Hindi ako makapaniwala na ganito pala iyon kalaki. Paniguradong hahanap hanapin ko ang lugar na ito."Miss Athena, aalis na po tayo." Sumakay na ako at hindi ko na lamang kinausap si Ion. Tuluyan nang umalis ang sinasakyan namin. Makalipas ang ilang oras, nakakita na ako ng iba't ibang gusali. Ilang oras pa ang nakalipas, huminto kami sa isang lugar.
"Nandito ka na sa iyong tahanan, Iris." turan sa akin ni Ion. Ito? Ito ang magiging tahanan ko? 'Di hamak na mas malaki pa ang kwarto na pinaglagian ko sa loob ng 20 na taon. Pumasok kami sa loob. Hindi ako pamilyar sa ibang bagay na nandito.
"Umalis ka na." sabi ko kay Ion.
"Ayoko nga." Hindi ko na siya pinilit pang muli. Pumasok na ako sa isang pintuan nakakita ako ng isang kama na kulay itim. Buti naman at alam nila ang gusto ko. Pumasok na ako at tiningnan ang paligid na halos mapuno ng kulay itim. Matapos kong libutin ang buong bahay ay napagdesisyonan kong lumabas upang mas makita ang kabuuan ng mundo.
"Aray!" Sinamaan ko ng tingin ang isang babae na napasalampak ngayon sa sahig.
"Bakit mo ko binangga?" pagalit na sinabi niya. Nilagpasan ko na lamang siya. Wala akong panahon sa mga bagay na wala namang pakinabang.
Ito na ba ang realidad? Kung ganoon, tama nga ang nasa paligid ko napaka ganda nga nito. Umupo ako sa damuhan at tumitig sa isang bato. Nagulat ako nang makita ko na nasa harapan na ito ng mga mata ko at nakalutang. Ganito ba talaga ang mga bato sa mundo? May kakayahang lumilipad? Kinuha ko ang bato at nilayo sa mata ko.Gusto kong mapag isa na lamang. Sana habang buhay nalang akong nandito sa lugar na 'to. Ayokong makisalumuha sa mga nilalang. Ayoko sa kanila dahil sinabi sa 'kin ni Papa na ang mga nilalang daw ang pinaka walang kwentang bagay sa mundo.
Tumagal ako nang halos dalawang oras sa lugar na iyon. Nagbabakasakali ako na sana sa pag uwi ko ay wala ng kahit na sinong nilalang sa daigdig na ito. Sana ako nalang ang matira at mamuhay dito."Ano pang ginagawa mo dito, Ion? Bumalik ka na sa Mreine." utos ko sa kaniya ngunit masaya lamang siyang tumingin sa akin.
"Ako ang makakasama mong tumira dito sa mundo, Athena."
