"Iris, wala kang ibang dapat pagkatiwalaan kun’di ang sarili mo at ako." Kasama ko na naman ang babae sa panaginip ko.
"Ngayong nasa tunay na mundo ka na, maraming magbabago. Marami kang matutuklasan at maraming mawawala. Kailangan mo lang mag ingat at magtiwala sa ‘kin." sabi niya. Nandito kami ngayon sa eksaktong lugar kung saan niya ako dinala noong huli akong nanaginip. Hindi ko alam pero kontrolado ko ang panaginip ko, alam ko kung anong dapat kong isagot at kung ano ang dapat kong isipin.
"Hindi kita kilala, paano naman kita pagkakatiwalaan?" tanong ko sa kaniya. Bigla na lamang siyang sumulpot sa panaginip ko at dinala ako sa realidad. Ni hindi ko alam kung anong papel niya sa buhay ko at kahit ang pangalan niya ay hindi ko alam.
"Para ka na ring hindi nagtiwala sa sarili mo kung hindi mo ako pagkakatiwalaan." Medyo naguluhan ako sa sinabi niya. Bakit ba ayaw nalang niyang magpakilala?
"Kilala mo ba ako?" tanong ko sa kaniya. Bigla nalang kasi siyang sumulpot sa panaginip ko. Imposibleng hindi siya itinadhanang maging parte ng buhay ko.
"Kilalang kilala." Hindi na ako nagtanong pang muli. Nasagot na niya ang tanong ko. Tumayo siya at naglakad papalayo sa ‘kin. Tumigil din naman siya agad at sinabing, "Mag iingat ka, Iris. Sa totoo lang, walang mapagkakatiwalaan sa mundong ito. Kahit ang sarili mo, maaari ka ring traydorin."
"Hoy, Athena! Gumising ka na." Dinilat ko ang mga mata ko. Muling nanumbalik sa ‘kin ang mga sinabi ng babae sa panaginip ko bago ako tuluyang magising. Bakit ko naman tatraydorin ang sarili ko?
Lumabas na si Ion sa kwarto ko kaya't bumangon na ako at lumabas. Gusto ko na rin kasing kumain.
"Ion." Banggit ko sa pangalan niya upang makuha ko ang atensyon niya.
"Oh? Kumain ka na." Sabi niya habang tinatapik ang upuan sa tabi niya. Umupo ako sa tabi niya at pinaghandaan naman niya ako ng makakain.
"Athena, parte nga pala ng pamumuhay ng mga tao ang pagpasok sa school. Kaya't bukas, papasok ka na." Ibig ba nitong sabihin ay marami akong nilalang na makakasalumuha.
"Huwag mong ipapakita ang kakayahan mo sa mga tao. Tandaan mo, ikaw lang ang meron nito kaya dapat mo itong itago sa kanila." sabi niya. Paano ko naman maitatago ang bagay na hindi ko alam kung meron ako.
"Normal ba ang paglipad ng bato sa mundong ito?" tanong ko.
"Walang ganoon dito, isa ‘yon sa kakayahan mo." Sabi niya. Bakit nga ba hindi nalang nila sabihin sa ‘kin kung ano ang mga kaya kong gawin?
"Simula rin bukas, kuya mo na ako. Kuya Ion na ang itatawag mo sa ‘kin at dapat respetuhin mo ako. Finally, mararamdaman ko rin na mas mataas ako sa ‘yo." Wika niya habang tumatawa. Pinagpatuloy ko nalang ang pagkain ko. Nang matapos ako, tumayo ako pumunta muli sa kwarto ko. Gusto kong lumabas at libutin ang buong mundo ngunit mukhang imposible iyon dahil masyado atang malaki ang mundong ginagalawan ko.
"Oh? Saan ka naman pupunta, Athena?" Nakasalubong ko si Ion sa labas ng gate. Hindi ko siya pinansin at lumabas nalang ako nang tuluyan.
"Hoy! Ang sungit naman nito." Sigaw niya, huminto ako sa paglalakad at tiningnan siya ng masama, agad naman siyang napaiwas sa mata ko.
"Oo na. Mag ingat ka!" Sigaw niya bago siya pumasok sa loob ng bahay. Mukhang hindi naman ako mapapahamak. Pinagpatuloy ko ang aking paglalakad ngunit sa kasamaang palad, nakasalubong ko ang isang grupo ng mga nilalang. Masaya silang nagtatawanan at hindi ko namalayan na napahinto na pala ako sa harapan nila na naging dahilan ng paghinto nila sa pagtawa.
