"Natatawa talaga ako sa mga sinabi sa 'yo ni Dwighty. Masyado talagang seryoso 'yon," natatawang sabi ng babae sa tabi ko. Nandito na naman kami sa lugar kung saan kami laging napupunta tuwing mananaginip ako.
"Anong pangalan mo?" tanong ko sa kaniya, apat na beses ko na siyang napapanaginipan ngunit hindi ko pa rin alam ang pangalan niya.
"Thyra," sabi niya sa wakas. Alam ko na rin ang pangalan ng babae sa panaginip ko.
"Ang epic ng mukha mo, Athena!" Naluluha na kakatawa si Ion. Binitin niya ang panaginip ko. Nagising ako dahil sa lamig ng tubig na binuhos sa 'kin ni Ion. Hindi naman ako mahirap gisingin, sana tinapik nalang niya ako.
"Umalis ka dito." Sinamaan ko siya ng tingin. Nanginginig ako sa lamig dahil may yelo pa ang tubig na binuhos niya sa 'kin.
"Oy, Athena. Joke lang 'yon. Isuot mo 'yang contact lense!" Bakas sa mukha ni Ion ang pagkatakot. Ang ayoko sa lahat, pinaglalaruan ako.
Naipikit ko bigla ang mga mata ko nang may biglang enerhiya ang lumabas dito.
"Muntik mo na akong patayin, Athena!" humihingal na sigaw ni Ion. Unti unti kong binuksan ang mata ko. Anong nangyari?
Tiningnan ko ang kwarto ko. Tiningnan ko ang lugar kung saan napunta ang enerhiyang iyon. Nagkaroon ito ng isang malaking butas. Ako ba ang gumawa nito?
"Akala ko mamamatay na ako. Isuot mo na nga 'yang contact lense mo," sabi niya sa 'kin. Hawak hawak niya pa rin ang dibdib niya. Maski ako nagulat sa nangyari. Isa ba iyon sa mga bagay na kaya kong gawin?
"'Wag ka ngang magpadalos dalos sa emosyon mo, Athena!" sinigawan ako ni Ion. Damang dama ko na galit na galit siya sa 'kin. Hindi ko naman sinasadya ang ginawa ko.
Napayuko naman si Ion nang pumasok sa isipan niya ang kaniyang nagawa.
"Sorry..." Hindi ko na siya pinatapos, lumabas na ako sa kwarto at dumiretso sa banyo. Naiinis ako sa kaniya.
Nang bumalik ako sa kwarto ko, wala na si Ion. Mabuti naman dahil magbibihis na ako. Sinuot ko na ang isa ko pang uniporme at nag ayos ng kaunti. Ayoko siyang sabayan sa pagpasok. Wala siyang karapatang gawin sa 'kin iyon.
Maaga pa kaya't nagulat sa 'kin ang guwardiya. Wala naman siyang pakialam sa akin kaya't hindi ko nalang siya pinansin. Wala pang masyadong tao sa eskuwelahan, mabuti nalang.
Dumiretso ako doon sa lugar kung saan ako dinala ni Dwight kahapon. Tahimik kasi dito at paniguradong makakapag isip ako nang maayos. Simula nang tumapak ako sa mundong ito, nagkaroon ng maraming palaisipan ang isip ko. Hindi naman sa sinasabi kong nagsisisi ako, siguro nakatadhana na talaga ang pagpunta ko dito.
Saan ko naman kaya makikita ang librong sinasabi ni Dwight? Mukhang kailangan ko 'yon, hindi para makita ang hinaharap ko. Kun'di upang makita ang mga sagot sa mga bagay na gumugulo sa isipan ko.
Napahawak naman ako sa noo ko. Muli ko na namang naalala ang mga nangyari kanina. Mukhang isa sa mga kakayahan ko 'yon. Ngunit ano namang klase iyon? Nakaramdam ako ng inis kanina, naramdaman ko rin ang medyo pag init ng mata ko, matapos iyon may liwanag nalang na lumabas dito at binutas ang sahig ng kwarto ko.
Hindi din ako nasilaw sa liwanag na 'yon. Ano pa ba ang kaya kong gawin?
Bakit ba hindi nalang sabihin sa 'kin ng Mreine kung ano ano ang mga kakayahan ko upang hindi ako mapahamak? Bakit nila nililihim ito sa 'kin. Ang tanging bagay lang na sinabi nila sa 'kin ay ang mga katagang pinanghahawakan ko hanggang ngayon.
