Hello spookifiers! First time kong magshare ng story dito, actually it happened almost 15 years ago na pero sobrang linaw pa sa alaala ko lahat ng nangyari so here it goes.
Dalawa lang kaming magkapatid, ako at si ate Monica. Nakatira kami noon sa Manila kasama ang parents namin pero nung maaksidente sila sa sinasakyan nilang bus, napagpasyahan ni ate Monica na umuwi na lang kami sa probinsya namin sa Samar at doon na lang kay Lola makitira. 7 years old ako nun at 17 years old sya, sobrang laki ng age gap namin kaya parang naging nanay na ang turing ko sa kanya. Kami na lang kasing dalawa ang magkaramay nun. So pag uwi namin sa probinsya naging ok naman kahit papano pero dahil matanda na si lola at di na makapagtrabaho, nagsacrifice na lang muna si ate Monica. Huminto muna sya sa pag aaral para sya ang magtinda sa bayan ng mga gulay na tinatanim namin at para rin mapag aral nya ako,
Sobrang bait ni Ate Monica, responsable at maalaga. Hindi ko naramdaman na namatayan kami ng magulang dahil sa pag aaruga na ginawa nya saken. Sya ang the best na ate. Hindi sya nagboyfriend o nabarkada man lang, puro trabaho lang. Basta ang bilin nya saken, ako na ang mag aral ng mabuti. Pero, may napansin ako, isang lalaki. Tuwing naglalaba si Ate Monica sa ilog, lagi syang nandun. Hindi naman namin sya kapitbahay dahil kilala ko mga kapitbahay namin. Pansin ko rin na tuwing maglalako si Ate, lagi rin syang nakaaligid. Akala ko dati may crush lang sya sa ate ko dahil di naman maipagkakaila na maganda si ate dahil maputi ito, matangos ilong at matangkad. Bakas na bakas na may lahi kaming kastila.
Hanggang sa isang gabi, nagulat na lang ako nang makita ko yung lalaki na nakaupo sa higaan ni ate habang natutulog ang ate ko. Hinalikan nya ito sa noo. Napasigaw ako nun ng malakas na naging dahilan para magising si ate, pero biglang nawala yung lalaki. Simula nun di ko na iniwan si ate, pagkagaling ko sa school, sinasamahan ko sya magtinda. Masama talaga ang kutob ko sa lalaking yun. Isang araw, sa may taniman namin ng gulay, nakita ko si ate na nakikipag usap sa lalaking yon, tumakbo ako ng mabilis para ilayo sya doon. Sabi ni ate ang OA ko daw pero iba talaga kutob ko, sabi ng lalaki saken ""Wag ka mag alala, may ipapakita lang ako sa ate mo, yung malaki naming hardin, gusto mo sumama ka rin?"" Para makasiguro ay sumama rin ako, ayokong iwan si ate magisa.
Naglakad kami sa masukal na kagubatan hanggang sa mapunta kami sa bahay nung lalaki, sobrang laki at ganda. Nakakagulat dahil sa gitna ng ganung gubat may ganung bahay, yung design nya parang modern contemporary ganun. Napakaraming sasakyan, at ang lawak nga ng garden, puro bulaklak. Pero lalong sumama ang kutob ko pero si ate tuwang tuwa. ""Masaya akong nakikita kang masaya"" sabi nung lalaki. Pumasok kami sa loob at may painting dun na malaki, si ate ang nasa larawan. ""Regalo ko yan sayo, matagal na kitang pinagmamasdan simula nung lumipat kayo dito. Pwede bang dito ka na lang tumira kasama ko?"" pagkasabi nya nun, hinawakan ko ang kamay ni ate at nagpauwi na ako. ""Naku, hinahanap na ata kami ni lola, kailangan na namin umuwi"" Sabi ni ate sabay hila sakin palabas. Lumabas kami at naglakad, halos isang oras din kami nun naglakad. Di ko alam bat ako naiiyak pero sabi ko ""Ate promise mo, di ka sasama sa kanya"" ""Oo naman, di kita iiwan""
Mula non di na kami bumalik sa bahay na yun, di na rin ni ate kinakausap yung lalaki pero patuloy pa rin sya sa pagmamatyag sa ate ko. Hanggang isang araw, marahil nakulitan na si ate sa kanya kaya kinausap nya ito sa may ilog habang naglalaba sya. Nagtago ako para pakinggan ko ang usapan nila. ""Di nga ako sasama sayo, wag mo na akong kulitin"" ""Bat ba ayaw mo? Kaya kita bigyan ng kahit anong gusto mo"" parang pagalit na sya nun nang mapansin ko. Walang reflection yung lalaki sa ilog, yung kay ate lang. Napalabas ako nun sa pagkakatago at tumakbo papunta kay ate, sumama ang tingin ng lalaki samin ""Kung sasama ka sakin, mabibigay ko lahat ng gusto mo, magiging marangya ang buhay ng pamilya mo dito sa lupa pero kung di ka sasama, mawawala ang lola mo, pati ang iba mo pang mahal sa buhay"".
Kinilabutan kami pagsabi nya nun, umalis sya at tumakbo kami ni ate papunta sa bahay. Pag uwi namin, si lola na natutulog sa duyan ay di na humihinga. Lalo kaming natakot. Tumakbo si ate palabas, sinamahan ko sya. Balak nya pumunta sa bahay nung lalaki pero... wala.. .wala na ito... ang nandun lang ay malaking puno. Naiyak nun si ate. ""Dapat ba sumama na ako?"" tanong nya saken. Umiiyak na rin ako nun. ""HINDI! NAGPROMISE KA SAKEN DI BA NA DI MO KO IIWAN?"" Niyakap nya ako ng mahigpit. ""Parang awa mo na, wag mo lang ako ilayo sa kapatid ko, gawin mo lahat pero wag mo lang ako kukunin sa kanya at wag mo sya sasaktan"" sabi nya habang umiiyak.
Pagkatapos ng libing ni lola, di na bumalik ang lalaki. Akala ko magiging ok na lahat pero, si ate, di nagtagal ay nawawala na sya sa sarili. Unti unting nawala sya sa tamang pag iisip, di na sya nakapagtrabaho. Halos nagpagala gala na lang sya at masakit yun para sakin, naging madungis at tuluyang nabaliw. Yun ba yung kapalit ng pagpili nya na wag kami magkahiwalay? Pero kahit ganun di ko sya iniwan dahil ganun din ang ginawa nya saken, di nya ako iniwan. Naiinis ako sa mga taong hinusgahan sya. Hindi nyo alam pinagdaanan nya nun. Alam kong mahal na mahal ako ng ate ko at mahal na mahal ko rin sya. Handa nyang isakripisyo lahat para di ako maiwan mag isa.
PS: Namatay si Ate Monica nung 18 yrs old ako dahil sa sakit. 22 years old na ako ngayon. Kahit anong mangyari hindi hindi ko makakalimutan si Ate Monica :'( Mahal na mahal ko sya pero at least di na ko matatakot na may masamang kukuha sa kanya dahil alam kong si Lord ang kasama nya ngayon at nasa mabuting kamay na sya.
-Marco