Madali sanang tanggapin kung natural na pagkamatay, pero masakit pag alam mong may kakaiba sa pagkamatay ng mahal mo sa buhay. Kailan lang ba yung huling pagsend ko ng confession? Iilang linggo pa lang ata, pero parang antagal na.
October 31, 2016. Tinext ako ni Dean na pumunta kami ni nanay sa kanila. Naabutan naming nagsisigawan sila ni kuya jon. Pinaglayo sila ni nanay, si Kuya Jon niyaya akong pumunta ng palengke, bibili ng ulam, darating kasi mga kamag anak ni Dean. Habang naglalakad kami ni kuya sa may gulayan tinanong ko sya kung bakit sila nag away ni Dean.
'Nag-aagawan kami dun sa icepop, ayaw kong kumain sya nun eh alam mo naman pag kumana tonsilitis nun kawawa, tapos natulala sya. Bigla na lang nag iiyak tapos hindi ako pinapaalis'
Pag natulala si Dean alam ko ng may nakita sya. Natakot ako kasi si Kuya Jon nahawakan nya, madalas pang makita ni Dean masama, natakot ako para kay kuya.
'Namatay daw ako Kevin'
Tinignan ko lang si kuya kasi natakot talaga ako. Lahat kasi ng nakita ni Dean totoo o kaya magkakatotoo. Naintindihan ko kaya pala ganon na lang yung pag atungal nya nung lumabas kami ni kuya sa gate. Para syang bata na iniwan ng nanay.
'Pero kuya diba alam mo naman yung tungkol sa ability nya. Wag ka na muna kayang pumasok sa trabaho, sa a tres na lang ulit'
'Kaya ayaw kong ine entertain nya yung mga nakikita nya, natatakot lang sya, nagrarush kami nila Kuya Pyoks, dapat bago december matapos yung building'
'Pero kuya alam kong alam mo na totoo lahat yung nakikita ni Dean'
Hindi nya ako sinagot. Tahimik lang kami pauwi sa kanila, nung ibaba nya ako sa may gate sinabihan nya ako na ako na magluto, sigurado daw kasing magmumukmok si Dean. Hindi makakausap. Papasok na ako sa gate nung tawagin nya ako ulit.
'Ikaw na muna bahala sa kanila. Wala na akong ibang maasahan, ikaw lang'
Di ko alam mga brad pero naiyak ako pagkasabi nya nun. Pati si nanay umiiyak nung naabutan ko, si Dean nakahiga sa kama nila nakatakip ng unan ang mukha pero rinig yung pagngawa nya. Nagluluto ako umiiyak ako, ansakit sa dibdib. Saktong parehas kami ng off ni Dean kaya inaya na lang namin silang mag-iina na dun muna samin. Pinarating lang namin mga kamag anak nya saka ipinaalam sila. Pero si Dean lang pinayagan, yung dalawang bata pinaiwan ng mama nya. Buong araw ang tahi tahimik nya. Maghahapon na nung lapitan nya ako mugtong mugto mata nya, inaya nya ako sa may labas, gulat ako nung bumili sya tapos may yosi sya, naggaganon lang naman sya pag tensyonado.
'Hindi naman siguro magkakatotoo yun Dean. Puyat ka lang siguro kaya ganon'
'Sana nga. Sana nga Kevin. Sana kahit ngayon pumalya, kasi hindi ko alam gagawin ko kung magkakatotoo'
'Ano bang nakita mo? Ibig kong sabihin paano'
'Nakahiga sya, natulog tapos hindi na sya magising nila Mike. Yung damit na suot nya ngayon, yun yung suot nya nung nakita ko syang namatay'
'Bangungot?'
'Naririnig ko yung boses nya na umuungol, may nakasakal sa kanya, itim pero hulmang babae sinasakal sya. Natatakot ako Kevin, gusto ko syang puntahan sa site, gusto ko syang bantayan pero ayaw nya. Ayaw nya ring hindi pumasok. Iniisip nya si Kuya Raphael baka daw magalit Sabi ko naman ako kakausap tinawagan ko na nga eh, pumayag na pero si daddy ang may ayaw'
Hindi ko alam kung saan ako natakot, dun ba sa sinabi nyang may sumasakal na itim kay kuya o dahil may number sya ni Raphael, siguro parehas. Umiyak na naman sya, pumasok na kami sa bahay tapos pinatulog sya ni nanay kasi pagod na pagod ng umiyak. Pasado alas otso, nakachat ko si Sam, sinabi ko lahat sa kanya. Mejo naiinis sya kay Dean kasi di sinabi sa kanya puro lang daw seen, tapos sinabi ni nanay na may bisita ako.
Lumabas ako, wala namang tao sa harap ng bahay. Papasok na ako ulit tapos may sumitsit. Nangapal batok ko nung makita si Raphael nasa labas ng gate. Sinenyasan nya akong lumapit, kahit ayaw ko, yung katawan ko kusang gumagalaw.