PROLOGO
Malalim na ang gabi ngunit parehas pa ring gising ang magpinsan na sila Miracle at Mavis. Kapwa't nagkakasiyahan ang dalawa, puno ng biruan at halakhakan ang kuwarto ng dalaga. Hindi nila namalayan ang mabilis na pagtakbo ng oras, lagpas na ng alas-dose ng umaga pero gising at mulat pa rin ang dalawa. Nang mapansin sila ng ama ni Miracle ay nagpasiya ang dalawa na matulog na.
Inihanda na ni Mavis ang kaniyang hihigaan, handa na sa pagtulog samantalang si Miracle ay nakatitig naman sa bintana't pinagmamasdan ang bilog na buwan. Naisipan niya na ring mahiga ngunit nakatingin pa rin sa liwanag ng buwan. Itinalukbong niya ang kaniyang kumot sa kaniyang katawan hanggang sa umabot ito sa kaniyang balikat. Hindi siya makadama ng antok, parang hindi pa pagod ang kaniyang mga mata. Hanggang napataas ang kaniyang hawak sa kaniyang kumot nang makadama siya nang malakas na hangin.
Ang ihip nito ay hindi katulad ng kinasanayan niya. Malamig at nakakakilabot ang hatid nito. Hindi naman ganoon kalakas ang bentilador na gamit nila kaya't sobrang nagtaka siya. Napabulong nalang siya sa kaniyang sarili't niyakap nang mahigpit ang dalawang braso habang ibinaluktot ang mga binti sa pagkakahiga, "Parang may kakaiba," naiusal niya.
Naramdaman niyang tila tama ang kaniyang naiusal kaya't mas itinalukbong niyang mabuti ang kaniyang kumot at hinayaan ang nagsisimulang kaba't takot na nararamdaman niya. Pinikit niya ang kaniyang mga mata at pinilit ang kaniyang sarili na makatulog ngunit kahit anong gawin niyang likot at pagbabago ng posisyon sa kaniyang higaan ay binabagabag pa rin siya sa kaniyang nararamdaman.
Hanggang sa may naulanigan siyang kaluskos, palakas ito ng palakas. Bumaluktot muli sa pagkakahiga si Miracle at inisip na guni-guni niya lang iyon hanggang sa napansin niyang mas naging agresibo't sobrang lakas ng naririnig niya.
Pinakinggan ng dalaga nang mabuti ang ingay na iyon. Pansin niyang mula iyon sa baba, at mukhang sa kusina pa ito nanggaling. Naisipan niyang bumangon at ibaba ang kaniyang mga paa kahit ito'y nangangatog sa takot. Pinilit niyang huwag mabuwal sa pagkakatayo't nagpatuloy sa paglalakad palabas ng kuwarto. Hindi na siya napansin ng kaniyang pinsan sa bilis nitong nakatulog.
Sa paglabas niya sa kaniyang kuwarto, ang madilim na pasilyo ng ikalawang palapag ang bumungad sa kaniya. Mas rinig ang malalakas na kaluskos mula sa kinatatayuan niya kaya't kahit nangangapa sa dilim ay nagpatuloy siyang maglakad hanggang sa mapunta na siya sa hagdanan pababa.
Bababa na sana siya nang biglang may kumulbit sa kaniya na naging dahilan nang pagsigaw niya. "Ay butiki!"
Nangunot-noo naman ang kaniyang ama sa inasta niya't tinignan siyang mabuti saka tinanong. "Hindi ba't sinabi ko na sa inyong matulog na kayo? Ano na naman 'tong kalokohan niyo at ang iingay niyo?" tanong sa kaniya.
"Hindi ako 'yon!" pagtanggi ng dalaga.
"Kung hindi ikaw 'yon, e'di sino 'yon?" tanong ng kaniyang ama saka napatingin sa ibaba, "Galing ba 'yon sa kusina? May magnanakaw ba?" tanong pa muli nito.
"Hindi ko po alam," kibit-balikat na sagot ni Miracle.
Naging kampante ang pakiramdam ng dalaga nang kasama niyang bumaba papuntang kusina ang kaniyang ama. Pero hindi mawaglit ang kaba sa kaniya. Malinaw at malakas ang kabog ng kaniyang dibdib nang unti-unti silang lumalapit sa pintuan ng kusina. Mas naging malakas ang kaluskos, tila galit, tila may nais sabihin. Hanggang sa binuksan ng kaniyang ama ang pintuan at tumambad sa kanila ang isang kulay itim na pusa, maliit ito na may itim din na mga mata.
"Pusa lang pala," panatag na loob na komento ng kaniyang ama.
Pero si Miracle, mas hindi siya napanatag sa kaniyang nakita. Hindi makapaniwala dahil maliit lang ang katawan ng pusang iyon. Hindi niya inaasahan na magagawa iyon ng isang maliit na pusa lamang. Inutos ng kaniyang ama na umakyat na siya at matulog na kaniya namang sinang-ayunan pero bago siya umalis ay binigyan niya ng pahuling sulyap ang pusang iyon, nagulat siya nang makita niyang nanlisik ang mata niyon at mataman na tumitig sa kaniya. Nakakakilabot..
BINABASA MO ANG
Scratches (Completed)
Mystery / ThrillerRank #34 in Paranormal (Revision Soon) In the midst of deep night, two young adult crossed their paths but with unexpected and chilling way. The girl with a boring life started to seek for their fate, and struggles to survive as they started to lif...