Trenta'y Otso

70 8 5
                                    

Tahimik ang buong paligid at tanging huni lamang ng mga kuliglig ang naririnig ni Miracle. Taimtim siyang nakamasid sa isang malaking bahay, isang lugar kung saan niya nakilala ang kakaibang lalake, na para sa kaniya ay espesyal.

Napabuntong-hininga siya ng subukan niyang ilakad pa abante ang kaniyang mga paa. Tila kinain ng lupa ang mga binti niya dahil sa hindi paggalaw nito. "Hindi ko kaya," sambit niya nang subukan muling ilakad ang mga paa.

"Dapat hindi na ako pumunta dito," sambit niya pa saka tinalikuran ang malaking bahay.

Napaatras nalang siya bigla nang pagharap niya ay nandoon ang kapatid ng lalakeng espesyal sa kaniya. "Amorie?"

Ngumiti ang dalaga sa kaniya saka nagtanong. "Anong ginagawa mo rito, Miracle? Ba't di ka pumasok?"

Ngumiti muna siya nang bahagya saka sumagot, "Hindi na kailangan, paalis na rin ako. Atsaka gabi na rin."

"Nako, pagbigyan mo na ako. Panigurado matutuwa si Kuya kapag nakita ka. Nitong mga nakaraan kasi ay puro alak ang hawak niya, nag-aalala na ako sa kaniya," paliwanag ni Amorie.

"Tama ba ang pagkakarinig ko? Alak?"

"Oo, alak. Tara, pasok kana."

Hindi nakakatanggi si Miracle kaya't pumasok na rin siya. Pagtapak niya pa lang ay nakita na niya ang mga nakakalat na plastik ng chichirya at bote ng alak. Nakita niya rin ang hinahanap ng mata niya, si Drake. Bagsak ito at halatang dulot ito ng alak.

Sa tulong ng liwanag na nagmumula sa ilaw. Unti-unti siyang naglakad patungo sa binata. Kita niya ang maamong mukha nito at ang maiitim na marka sa ilalim ng mata nito. "Napabayaan niya na ang kaniyang sarili," sambit niya.

Lumuhod siya para mapantayan ang mukha ng binata. Tinitigan niya lang ito. Hinayaan naman siya ni Amorie. Habang tinititigan niya ang binata, bigla itong naalipungatan. Unti-unti niya pang binuksan ang kaniyang mga mata, nagulat ito nang makita ang dalaga.

"Nananaginip ba ako?" mahinang bulong ng binata.

Nginitian niya lang si Drake at saka tinitigan pa rin ito. "Sana nga panaginip lang," pahabol na sambit ng binata.

Ang kaninang ngiting nakapaskil sa mukha ng dalaga ay parang bula na biglang naglaho. "Sana panaginip lang, dahil kung totoo, hindi ko kakayanin," sambit ng binata saka bumalik sa pagkakatulog.

Sakit, iyon ang nahihimigan ng dalaga sa boses ni Drake. Puno ng sakit, hindi niya maiwasan na maluha. Unti-unting bumagsak ang kaniyang mga luha. Tumayo siya at bumaling kay Amorie. "Mauuna na 'ko," paalam niya saka nagsimulang maglakad palabas ng pintuan.

Pero bago siya makalabas ng pinto ay nahabol siya ni Amorie, tila may nais sabihin ang babae. Ang mga mata nito ay tila nagsusumamo.

"May kailangan ka pa ba, Amorie?" Tanong ni Miracle.

"A-alam kong may hindi kayo pagkakaunawaan ni Kuya. Sana maayos niyo iyon, at sana... kung maari lamang sa'yo, magtagal ka pa rito ng isang araw."

Kita sa mukha ni Miracle ang pagkagulat. Hindi niya ito inaasahan. Nais niyang magtagal, iyon ang tunay niyang nararamdaman pero may isang tinig na umaapila, 'Huwag' 'Hindi puwede'. Iyon ang palagi niyang naririnig. Gusto ngunit hindi maaari.

Ilang segundo muna ang lumipas bago niya nasagot ang pabor. Sa bandang huli ay nakita niya ang sarili na nakatitig sa mala-anghel na mukha ng binata. Sinunod niya kaniyang puso, sa unang pagkakataon.

Habang nakasilay siya sa mukha ng binata. Naalala niya ang kuwento na binanggit sa kaniya ni Jay. Ang isa sa mga taong kasama sa nailigtas ni Mavis.

Scratches (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon