Day 268

24 0 0
                                    




Hindi ko kayang kausapin nang harap harapan si MJ. Nag leave nalang ako ng message sa messenger. Ilang drafts ang nagawa ko bago ko isend sakanya yun. Kahit naman gaano pa kabango ang mga salitang isulat ko, alam kong makakaramdam sya ng sakit eh. Pero mas mabuti na yun kaysa patagalin pa namin. She needs to know the truth.

"Mary Jane, sorry. Please take time to read this. I liked you. I cherish the good times that we've had together. Thank you because you've helped me recover from pain and doubts. Sa totoo lang hindi ko alam kung paano ko ba to sasabihin sayo. In English ba, Tagalog, Mandarin o Fookien. But this had to be said. I think we should end this relationship that we have. Hindi naman sa tini-take advantage ko na hindi naman tayo committed or anything, I am completely aware na we had feelings for each other, pero I think this is for the best. I will be completely honest with you on this, mahal ko pa rin talaga si Coraline. And she admitted that she feels the same way. Hindi to madali para saken. Sorry for everything. Guilty ako sa ginawa ko. Hindi ako umaasang mapatawad mo ako pero sincere tong sorry ko. I hope that someday maging magkaibigan tayo ulit. Aantayin ko din ang araw na mapatawad mo ako. Sorry, MJ. Thanks for the memories."

Blinock ko sya sa messenger after that. Kabado talaga ako. Nagi-guilty ako. Ayokong isipin na umiyak sya nang dahil sa kagaguhan ko.

After an hour, naka receive ako ng text from her. Natakot ako kasi ang haba eh. Narealize ko din na walang sense yung ginawa kong pambblock sakanya kasi nga alam nya yung number ko. Ayoko sanang basahin, pero binasa ko pa din.

"Hey, Kim. You didn't have to block me. I understand. Aware naman ako kung ano ba ang meron sa ating dalawa. Ang pagkakamali ko lang siguro is mahulog sayo kahit na alam kong si Cora ang mahal mo. I am not mad at you. Naiintindihan kita. Masakit, pero inexpect ko na din talaga na mangyayari to. Gusto kitang tawagan, pero alam kong hindi mo naman sasagutin kaya text nalang. Anyway, thank you sa lahat, kahit pa napaka ikli lang ng panahon nating dalawa. I enjoyed every seconds. Thank you and goodbye."

Nagi-guilty talaga ako. It wasn't easy. I felt things from her, I could say na minahal ko din sya pero pansamantala lang. Naisip ko na mas mabuti na din 'to kesa magpanggap pa ako at pilitin ko ang sarili kong kalimutan ka.

Hindi ka din naman nagparamdam buong maghapon. Gusto ko din muna maging mag-isa ng araw na 'to. Nag-aral nalang ako at nagbasa ng libro. Tapos nitong bandang mga 4pm nagyayang tumambay sila Chito doon kela Teddy.

"Sayang naman si MJ, brodie." Sabi ni Chito. "Akin nalang yun."

Kinwento ko sakanila ang lahat. As usual inasar asar lang naman nila ako. Wala ako sa mood na makipag-biruan eh. Naiisip kita. Ano ba ang kahihinatnan nitong ginawa ko? Worth it ba to? Worth it ba na pakawalan ko si MJ?

"Alam mo tol, mas mabuti na yang ginawa mo. Stay single ka nalang muna if all else fails." Payo ni Teddy habang busy sa paglalaro sa iPad nya.

"Pero para saken brodie wag kang sumuko. Wag kang papayag na maging kaibigan mo lang si Cora. Lalo na sinabi naman nya sayo na parehas kayo ng nararamdaman. Nagkabistuhan na eh. After all that you've been through, susuko ka? Wag brodie. Ipaglaban mo sya. Wag kang papayag na maging talunan. Sumugal ka na nga eh. Binitawan mo na yung isa. Kung mahal mo talaga si Cora, wag kang sumuko." Payo naman ni Chito.

Pinag-isipan ko mabuti yung sinabi nya at narealize ko na tama sya. Bigla kong naisip na 'Ano ako gago? Di ako papayag na prends lang tayo.' Sabi ko sa sarili ko na di na'ko magiging torpe at ipapahayag ko na talaga ng malaya tong nararamdaman ko para sayo.

"Gusto ko syang ligawan. Yung traditional na ligaw." Sabi ko.

"Diba mahilig naman yun sa mga binteds?" Tanong ni Chito.

"Anong binteds?" Tanong ni Inggo.

"Yung mga luma. Yung mga sinauna. Bubu mu." Sagot naman ni Chito kay Inggo.

"Binteyj kasi tanga." Sabi naman ni Teddy.

Ayun nga, may point sila. Nabanggit mo noon na you prefer the old ways. Naisip ko nga na ligawan ka kagaya ng mga panliligaw ng mga lolo sa mga lola natin.

Susulatan kita ng mga romantikong tula, I will take you out to dinner in a formal way, pag-papaalam kita sa lola mo at sa parents mo, I will make sure na may maganda kang vintage dress na susuotin, with bouquet and everything na gusto mo.

Bago ako matulog, naisipan kong gumawa ng handwritten letter.

Dear Coraline,

Kumusta? Hindi ka ata nagparamdam. Sana ayos lang ang pakiramdam mo at sana naiisip mo ulit ako. Nagsulat ako ng isang liham upang ipahayag ang lahat ng gusto kong iparating saiyo. Sana hindi pa huli ang lahat para magsimulang muli. Balak ko sanang umakyat ng ligaw. Gusto kong humingi ng permiso sa lola at sa mga magulang mo.

Matagal ko na itong itinatago, pero ngayon lamang ako nakahugot ng lakas ng loob sabihin. Noon kasi, ayaw kong masira ang pagkakaibigan natin at ayaw kong may magbago sa atin. At dahil sinabi mo na din sa akin ang iyong tunay na nararamdaman, ibubuhos ko na sa papel na ito gamit ang itim na tinta ng Pilot G-Tec, ang lahat lahat ng gusto kong malaman mo.

Matagal tagal na din kitang mahal. Tila napakamanhid mo lamang, at ako naman, napakatorpe. Kung iisipin mo napakalabong magkrus ang ating mga linya. Pero totoo nga ang kapangyarihan ng tadhana, gagawa at gagawa talaga ng paraan para magsalubong ang buwan at ang araw.

Kakaiba ka sa lahat ng babaeng nakasalamuha ko. Tinuruan mo ako ng maraming bagay. Tinuruan mo akong maging matatag at lumaban, kahit pa lagi mo sa aking sinasabi na wala nang silbi ang buhay mo. Huwag mong iisipin yun, dahil ang buhay mo'y mahalaga. Hindi ka nabubuhay para sa ibang tao, nabubuhay ka para sa iyong sarili. Nakakabighani ang iyong pagkatao kaya huwang mong sasabihin na wala kang halaga. Hindi ako magsasawang sabihin sayo ang mga iyon hanggang sa maisip mo na tama ako.

Batid ko ding ipaalam na hindi ako susuko. Na hindi ako papayag na "Hindi" ang sagot mo. Lahat gagawin ko upang mapasaya ka. Napakahirap sabihin sa personal o maski sa liham, dahil alam mo naman na torpe ako. Pero, Cora, mahal kita. Te amo. J'taime. Wo ai ni. Gua Ai Di.

O, sya, hanggang dito na lamang ang liham ko para saiyo. Aantayin ko ang sagot mo.

PS. Pasensya ka na kung hindi maganda ang pagkakasulat.

Nagmamahal,
Kim Yu.

Will, You, Mary & Me Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon