13. Bawiin ang mga kaluluwa

2.8K 117 10
                                    

"Bawiin ang mga Kaluluwa"

"Daddy, payagan mo naman na akong manghuli ng gagamba mamayang gabi. Kasama ko naman ang mga kaibigan ko. Sa may ilog lang naman kami, hindi na kami pupunta sa bundok ng Maulo." ungot ni Conrad sa kanyang Daddy.

"Hindi." mariing tanggi ni Leon sa anak.

"Daddy naman! Junior mo ako, tapos... Ginaganyan mo ako. Hindi mo na lang sana ipinamana sa akin ang mabantot mong pangalan. Leoncio Conrado, ambanget na pangalan!" maktol ni Conrad. (ambanget-mabaho)

Lumapit sa kanya ang kanyang Daddy at saka ngumisi.

"Kaya nga hindi kita pinapayagan dahil ayaw kong mapahamak ang aking junior. Paano na lang ako? Paano na kung wala na ang nag-iisang tagapagmana ng maganda kong pangalan?!" ginulo nito ang buhok niya.

"Asar ka naman, Daddy! Asar ka..." unti-unting tumulo ang mga luha ni Conrad.

Hanggang sa umatungal na ito ng iyak at tumakbo na palabas ng library. Napailing na lang ang Daddy nito at napangiti.

Kalalabas lang ni Rane sa kanyang kuwarto ng makita niya si Conrad na tumatakbo at umiiyak. Galing ito sa library at dumiretso sa kuwarto nito. Naaawa siya kay Conrad kaya naman pinuntahan niya. Bukas naman ang pinto kaya naman tumuloy lang siya sa pagpasok. Nadatnan niya ang kanyang kapatid na nagmumukmok, nakadapa ito at nakasubsob ang mukha sa unan. Mukhang napagod na ito sa pag-iyak. Marahan siyang lumapit dito at umupo sa gilid ng kama.

"Conrad, bakit ka umiiyak?" tanong niya sa kanyang kapatid.

Marahan itong bumangon at naupo. Pinunasan din nito ang mga luha sa magkabilang-gilid ng mga mata.

"Ayaw kasi akong payagan ni Daddy na sumama sa mga kaibigan ko mamayang gabi eh." sumbong nito.

"Saan ba kayo pupunta ng mga kaibigan mo mamayang gabi?"

"Sa may ilog, mangunguha kami ng mga gagamba. Iyong mga kaibigan ko nga, may mga alaga na silang gagamba na hinuli nila... Ako na lang ang wala." humihikbi nitong wika.

"Hindi ka talaga papayagan ni Daddy dahil delekado. Isa pa, huwag ka ngang nag-aalaga ng mga gagamba. Paano kung makatsamba ka ng may lason at makagat ka?"

"Eh di ako na si Spiderman!" masiglang wika ni Conrad.

"Hindi naman galing sa kung saan lang iyong nakakagat kay Peter Parker kaya siya naging si Spiderman. Huwag ka nang magtampo kay Daddy. Gusto ka lang niyang protektahan."

Napasimangot si Conrad.

"Nakakainis ka naman ate eh. Kinakampihan mo si Daddy." maktol nito.

"Ayaw lang kitang mapahamak, hindi ko siya kinakampihan. Tara, meryenda tayo. Pumunta tayo sa kusina, tapos... Pumasyal tayo sa may garden. Tingnan natin kung may mahuhuli tayong mga gagamba doon. Ayos ba?"

Sumigla si Conrad.

"Sige, sige!"

Tumayo na siya at ganoon din ito.

Kinagabihan, nakikiramdam si Conrad kung natutulog na ba ang lahat. Kung hindi siya pinayagan, tatakas na lang siya! Tinext na niya ang mga kaibigan niya, sina Paulo, Dexter, Ivan at Jeff. Maghihintayan sila sa may bakanteng lote na palagi nilang pinaglalaruan kapag walang pasok. Pare-pareho lang pala silang tatakas ngayong gabi. Bumangon na siya at kinuha niya ang kanyang bag. Binuksan niya iyon at tiningnan ang mga laman. Flashlight, check! Posporong walang laman, check! Pagkain, check! Tirador, check! Mga holen, check!

Isinuot niya ang paborito niyang sumbrero na kulay asul. Kinuha niya ang flashlight sa bag at ini-on iyon. Isinuot na niya ang kanyang backpack. Dahan-dahan siyang lumabas sa kanyang silid at maingat na naglakad upang hindi makagawa ng anumang ingay. Mabilis siyang bumaba ng hagdan at agad na dumiretso sa may kusina. Sa likod ng bahay siya dadaan. Nakahanda na doon ang bike niya.

Sir BladeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon