***Kaye's POV***
Lumipas ang ilang mga araw na hindi ko na madalas nakikita o nakakausap si Hazel. Hindi naman yun dahil may bumalik na, iiwan ko na siya. Alam kong may dahilan kung bakit nakilala ko si Hazel. Sa ngayon, halos sunod sunod lang talaga ang schedule namin at sa ayaw ko o gusto ko man, kailangan kong samahan lagi si Trisha.
Nakaupo ako sa studio namin habang ang iba ay nag uusap. Kinuha ko ang cellphone ko at tinawagan si Hazel. Nakailang ring na bago niya masagot. Almost 5am na pala. Ibaba ko na lang sana nang bigla niyang sinagot.
"Hello. Good evening. What do you want to order?" Sabi niya.
Hindi ko maiwasang tumawa sa narinig ko. Ang boses niya ay parang antok na antok na.
"Available po ba si Hazel? Namimiss ko na kasi siya. " binubulong ko kasi baka marinig ng iba.
"Ahhh. Out of stock na po. Iba na lang muna." Sagot niya.
Hindi ko napigilang tumawa nang malakas. Si Hazel ang tipo ng tao na kapag tatawagan mo habang natutulog siya at sasagutin niya, magugulat ka na lang sa mga pinagsasabi niya. Lumingon ako sa kabilang upuan at nakita kong nakatingin si Trisha.
"paano kung ayaw ko ng iba? Kaya mo bang ipaglaban pa rin kahit magiging komplikado na?" Pasimpleng tanong ko.
"Ayoko ng komplikado." Halos nawawala na ang boses niya.
"Mahal na mahal kita. Goodnight Hazel Lou." Sabi ko habang nakatitig sa singsing ko.
"Hmm. Goodnight"
Binaba ko na lang ng tawag at tinitigan uli ang singsing ko. Tumayo ako at sinamahan ang mga kaibigan ko. Hindi ko pa rin pinapansin si Trisha, maliban sa kung kailangan ko.
"Si Kaye, nagparagliding, helmet scuba diving at kung ano ano pa yan." Sabi ni Mark.
Tumango lang ako kahit hindi ko naman alam kung ano ang pinag uusapan nila.
"So, adventurous ka na pala. Sabi ko sa yo noon, kaya mo yan at mag eenjoy ka. " sabi ni Trisha.
"Hindi yun dahil sa yo." Sagot ko.
Biglang silang naging tahimik.
"Dahil sa kanya? Ang swerte naman ni Hazel. Alam na ba niya? About me.?" Tanong ni Trisha.
"Sa pagkakaalam niya, patay na ang taong nagmamay ari ng puso niya. Ang taong iniyakan niya at pinasalamatan niya ay sinungaling pala. Practice na tayo." Sabi ko.
Tumayo ako agad at kinuha ang gitara ko. Hindi ko na pinansin kung nasaktan man siya sa sinabi ko. Dahil ang totoo, hindi lang si Trisha at ako ang mga nasaktan dito. Alam kong mas masasaktan si Hazel. Dahil ang puso niyang natutunan pa lang niyang tanggapin ay pag aari pala ng iba. Paano ka ba uli magsisimula sa pagtanggap ng puso mo kung hindi pala yun nanggaling sa taong minahal ko noon?
Nang sumunod na araw ay halos hindi ko rin nakausap si Hazel. Magkasama kami buong araw ng band ko at ni Trisha. Kalahati pa lang ang naisulat namin. Dahil maaga kaming natapos, naisip kong puntahan si Hazel. Si Trisha ay nakatayo sa labas ng studio at hinihintay na ako.
"Kaye, pwede mo akong samahan? Gusto kong uminom." Sabi niya.
"May pupuntahan pa ako." Sabi ko habang naglalakad.