***Hazel's POV***
Hindi ko pa rin kayang alisin sa isipan ko na si Kaye yung nakita ko sa campus. Pero bakit siya umalis agad? Wala siyang sinabi o paramdam. Naupo ako at tinawagan si Kaye pero hindi niya sinasagot. Nahiga uli ako at nakatitig lang sa screen ng cellphone ko. Pinikit ko ang mga mata at nakinig sa mga kanta niya. Nang minulat ko ang mga mata ko, halos dalawang oras na pala ang lumipas. Wala pa ring text galing sa kanya, kaya naisipan kong mag iwan ng message baka sakaling sasagot siya.
"Okay ka lang ba? Pumunta ka ba kanina sa campus? Akala ko kasi nakita kita. Siguro, namiss lang kita. Namiss mo ba ako?"
Namiss mo ba ako? Kasi namimiss kita ng sobra sobra. Namimiss kong kinukulit mo ako, namimiss ko kahit na ang mga hugot mo. Hindi siya nagreply kaya naisipan kong matulog na lang. Pero kahit na pinipilit kong makatulog, sadyang gising pa rin ang isip ko. Minulat ko agad ang mga mata ko nang maring ang cellphone ko at agad na naupo.
"Natutulog na si Kaye. Hindi siya pumunta sa yo kasi kasama ko siya buong araw. "
Natutulog? Medyo naguluhan ako sa sagot niya. Wala namang kasama si Kaye sa condo niya. Pero, naalala ko ang sabi niyang may sakit ang mommy niya. Siya kaya to?
"Sino to?" Tanong ko
Ang lakas ng tibok ng puso ko habang hinihintay ang sagot sa tanong ko. Possible bang may kasama siyang iba at pareho na pala kaming nagsisinungaling? Nang dumating ang reply, hindi ko agad binasa. Huminga muna ako nang ilang beses bago ko ito binuksan.
"Trisha"
Nalaglag ang mga balikat ko at halos hindi makapagsalita sa nabasa ko. Kung multo siya pero hindi siya umaalis sa tabi ni Kaye, baka maiintindihan ko pa ang dahilan. Pero alam kong buhay siya at humihinga, kung magkasama man sila ngayon, iisa lang ang dahilan. Ang dating "tayo" ay naging mas malabo .
Hindi ko alam ang dapat kong isasagot sa kanya hanggang sa isang salita na lang ang kaya kong bitawan.
"Okay."
Yan lang ang nakayanan kong isagot sa kanya. Bago bumagsak ang mga luha sa aking mga mata. Tumayo ako at naupo malapit sa bintana habang nakatingin lang sa buwan at pilit na binabalikan ang nakaraan sa aking isipan.
Hanggang sa sumikat na ang araw ay hindi pa rin nawawala ang sakit ang puso ko. Nasanay ako noon na may butas sa puso ko, na baka bukas, hihinto na lang ang pagtibok nito. Pero ngayon, pakiramdam ko, hindi lang nagkabutas ang puso ko. Pakiramdam ko, nawawala ang buong puso ko, ang dahilan kung bakit lumalaban ako.
Naghilamos muna ako at inayos ang buhok ko bago ako bumaba. Naupo ako sa hapagkainan, hindi man lang tiningnan ang laman ng Plato at basta ko na lang kinain ang mga ito. Naupo si mommy sa tabi ko at nakatitig habang kumakain ako.
"Bakit po?" Tanong ko
Bigla niyang pinatong sa noo ko ang kamay niya.
"May sakit ka ba? " seryosong tanong niya
Sinubo ko uli ang pagkain nang hindi man lang nalasahan.
"Bakit niyo naman biglang naitanong yan?"
Hindi niya ako sinagot hanggang sa naubos ko na ang kinakain ko.