***Kaye's POV***
Ang sarap sa pakiramdam yung yakap mo siya, yakap ka niya, magkayakap lang kaming dalawa. Pero........ Hindi ko alam kung romantic moment ba ito o sadyang malas ang gabing ito. Biglang umulan ng malakas at namatay ang mga ilaw. Mas napahawak ako nang mahigpit sa kanya."Check mo, baka pinatay na naman ni manong." Bulong ko.
Bigla niya akong hinampas sa balikat.
"Bakit ako? " naiinis na tanong niya.
"Dahil mahal mo ako" seryosong sagot ko.
Napansin niya na nagpipigil ako ng tawa kaya hinampas niya uli ako sa balikat.
"Wow. Ang sweet mo talaga. Kung lalabas ako, bahala ka ditong mag isa. Kantahan mo ang mga kasama mo dito." Sabi niya.
Tatalikod na sana siya nang niyakap ko siya mula sa likuran. Dahil mas mataas ako sa kanya, Sinandal ko ang aking ulo sa kanya. Napangiti ako kasi mas malaya kong maamoy ang shampoo sa buhok niya, mas mararamdaman ko ang pagdampi ng pisnge ko sa kanya.
"Alam mo, takot ako sa dilim. Alam mo yun di ba? Kahit iwan man tayo nila at hindi makalabas, okay na ako sa ganito. Basta yakapin mo lang ako." Bulong ko malapit sa tenga niya.
Naramdaman kong gumagalaw ang balikat niya, yung pinipilit niyang huwag tumawa. Grabe. Akala ko romantic na yung sinabi ko tapos tinawanan ako.
"Uuuy grabe naman tong babaeng to. Romantic kaya yun" naiinis na sabi ko
Bigla niyang kinurot ang dalawang pisnge ko.
"Anong sabi mo?" Napataas ang boses niya
"Sabi ko... Napakasweet mo. Kaya nahulog ang puso ko sa yo" pabirong sagot ko at hinawakan ang magkabilang kamay niya baka sakaling kurutin uli ako.
"Kapag hindi ka tumigil, literal na may malalaglag na puso" sabi niya
"Nakakatakot kaya yan. Pero, hindi siya magtatagumpay. Kasi paano niya kukunin ang puso ko para ilaglag kung nakatago ito sa yo. " dagdag ko.
Sasagot pa sana siya nang bigla kong hinawakan ang bibig niya.
" kapag magsasalita ka pa, hahalikan na kita." Banta ko sa kanya
Hindi nga siya nagsalita. Mukhang matatalo ako. Itulak ko kaya siya baka sakaling magulat siya. Biglang kumulog nang malakas at sumigaw siya. Ako naman ay biglang tumawa. Kahit madilim at medyo may space na sa aming dalawa, dahan dahan ko siyang nilapitan. Siya naman ay nakataas ang dalawang kamay.
"Hindi yun counted. " paliwanag niya.
"Hindi nga. Pero nagsalita ka na kaya" mahinang sabi ko
Mabilis ko siyang nahuli bago pa siya makatakbo. Pero nasira na naman ang moment ko dahil may ilaw na nakatutok sa mukha ko.
"Anong ginagawa niyo dito?" Biglang pumasok sa eksena si manong guard.
Magkasalubong ang mga kilay niya at nakatutok pa rin sa mukha ko ang flashlight. Bakit sa mukha ko? Wala bang mas magandang view para doon niya iharap ang flashlight? Bigla siyang nilapitan ni Hazel at may binulong.