Case 46

24.8K 562 40
                                    

Tumunog ang bell. Binitawan ako ni JM nang marinig kong bumukas ang pintuan ng canteen. 

"Yung sinabi ko sayo, Zaira, huwag mong kalilimutan... Mamayang uwian... Hihintayin kita sa tulay... Kapag hindi ka dumating doon pagsapit ng alas-singko, magpaalam ka na kay Frank..." Sabi niya at sumabay sa mga estudyanteng naglalakad..

Napalunok ako.

Punong-puno ang puso ko ng takot na baka gawin nga ni JM ang sinabi niya. Natatakot ako sa mangyayari kay Frank. Okay lang na ako yung magdusa, huwag lang si Frank.

Pinanood ko lang si JM habang naglalakad palayo sakin. Hindi ko magawang makalakad o makagalaw man lang dahil sa takot ko. Kulang na lang ay maihi ako sa palda ko sa sobrang takot.

"Zaira..." Narinig ko ang boses ni Frank sa likuran ko. Hindi ko magawang lingunin siya dahil naaalala ko ang sinabi ni JM. Napapikit ako at napahigpit ang hawak ko sa palda ko.

"Zaira, okay ka lang ba talaga?"

Dumilat ako. Nakita ko ang mukha ni Frank. Naiiyak ako. 

Shit. Hindi ko kayang mawala siya. Hindi ko kaya!

Dahil sa takot na nararamdaman ko, bigla ko na lang siyang niyakap. Alam kong magugulat siya dahil kahit kailan, hindi ako ang nagpoprovoke na yumakap. Ngayon lang.

"Zai-"

"Mahal kita, Frank." Sabi ko. Pumikit ako. "P-pero kailangan kong layuan ka..." At dun na bumagsak ang luha ko. 

Hinigpitan ko ang pagkakayakap ko sa kanya dahil ramdam kong kakalas dapat siya Kahit na nakatingkayad ako. Ayos lang basta ayokong makita niyang umiiyak ako. Mas mahihirapan lang kami.

"I love you, Frank." Sabi ko at hinalikan siya sa pisngi. Isang matagal na halik sa pisngi ang pinaramdam ko sa kanya bago ako tumakbo palayo sa kanya. Akala ko ay mahihirapan ako dahil sa susundan niya pa ako pero nagkamali ako. Walang Frank na humahabol sakin.

Napatigil ako sa pagtakbo ng makaramdam ako ng pagkakapos sa paghinga. Nasa isang corridor ako. Palagay ko ay sa pre-elementary at Grade 1 to 3 ang building na ito. Wala kasing tao.

Naupo ako sa gutter na katapat nung unang room. Pinagdikit ko ang dalawa kong binti atsaka tumuon doon. Binuhos ko ang lahat ng iyak na tutulo sa mga mata ko. 

Ang sakit. Ang sakit sakit magpaalam sa isang taong mahal na mahal mo at hindi mo kayang iwan.

Mga ilang minuto rin ako umiyak. Napatigil lang ako ng maalala ko na nag-cutting pala ako. Napapadalas yata ang pag-cutting classes ko. Hindi na maganda 'to para sa pag-aaral ko. Naaapektuhan ng pagiging emosyonal ko ang aking pag-aaral at kinabukasan.

Nag-angat ako ng tingin. Kinuha ko mula sa bulsa ko ang panyo ko. Nang idampi ko ang panyo saking pisngi sa pangatlong beses ay nakarinig ako ng dalawang boses na nag-uusap. Nanggagaling ang boses sa room na katapat ko. 

Dahan-dahan akong tumayo at sumilip sa salamin sa may pintuan. Nanlaki ang mga mata ko ng makita ko si Popoy at Nymph. Nakakakita na naman ako ng mga bagay-bagay na hindi ko dapat makita. Pero anong ibig sabihin nito? Bakit nakikita ko si Popoy? Hindi ba dapat si Nymph lang dahil siya ang namatay? Ibig bang sabihin nito, patay na rin si Popoy? Kaya ba hindi pumapasok si Popoy? Kung patay na nga si Popoy, nasaan ang bangkay niya? Sino ang pumatay sa kanya at kay Nymph?

Binuksan ko ang pintuan ng marahan. Maliit lang ang bukas ko. Sapat na para marinig ko ang pinag-uusapan nila.

Nagpupunas si Popoy ng blackboard habang si Nymph ay nakatayo sa likuran ni Popoy habang hawak-hawak ang walis. Naalala kong magkagrupo nga pala sila sa paglilinis ng classroom namin.

"P-popoy..." Malambing na tawag ni Nymph. Pero hindi man lang nag-abalang lumingon si Popoy. Patuloy lang ito sa kanyang ginagawa. 

"P-poy, mahal kita..." Sabi ni Nymph. Napatigil sa pagpupunas ng blackboard si Popoy. Dahan-dahan niyang nilingon si Nymph. Humigpit ang hawak ni Nymph sa walis.

"H-hindi mo pa rin ba ako magawang mahalin?" Nangingiyak na tanong ni Nymph. "Hanggang ngayon ba... Hanggang ngayon ba siya pa rin?"

Nilapag ni Popoy ang pinampupunas niya sa blackboard sa may lamesa sa harapan niya. 

"Hanggang ngayon si Mary pa rin ba?" Pag-uulit ni Nymph. Ikinagulat ko ang sinabi ni Nymph. Alam niyang si Mary ang gusto ni Popoy?

Lumapit si Popoy kay Nymph. "Ano ngayon kung sabihin kong si Mary pa rin ang mahal ko at hindi na yun magbabago? May magagawa ka pa ba?" 

Mahal pala talaga ni Popoy ang kaibigan ko?

Lumapit si Nymph kay Popoy at sinampal ito sa pisngi sabay pinagpapalo sa dibdib ng paulit-ulit. Nakita ko kung paano manggigil si Popoy. Hinawakan niya ang dalawang kamay ni Nymph. 

"Minahal kita... Ginawa ko lahat... Ginaya ko si Mary... Naging tahimik ako... Ginaya ko siya dahil nagbabaka sakali ako na baka kapag naging ako si Mary, mahalin mo din ako! Pero hindi pala!" Sigaw ni Nymph at patuloy pa rin sa piglas. 

Nakita ko ang todong pagkainis ni Popoy kaya tinulak niya ng malakas si Nymph pero hindi niya binitawan sa mga kamay. "Sinabi ko na naman sa'yo noon, di ba? Hindi kita mahal at hindi kita kailanman mamahalin! Pero umaasa ka, gumawa ka ng paraan! Hindi ko na kasalanan yun!" Sabi ni Popoy.

Nanghina si Nymph. Binitawan siya ni Popoy. 

"Ang daya naman, Poy. Mahal kita. Hindi mo ba pwedeng suklian yun?"

"I'm sorry pero hindi ko kaya, Nymph." Sabi ni Popoy. Nakita ko ang pagpikit ng mariin ni Nymph. "Si Mary. Mahal ko siya. At kaya kong gawin ang lahat para sa kanya."

Dumilat si Nymph. Nun ko lang nakita ang mga luha na tumutulo mula sa mga mata niya. "Kaya mong gawin ang lahat para kay Mary. Kaya ba puma-" Naputol ang sinasabi ni Nymph nang dumapo sa kanyang tiyan ang balisong na hawak ni Popoy. 

Shit. Si Popoy ang pumapatay kay Nymph? Pero bakit? Dahil ba may hinala o napatunayan niyang si Nymph ang pumatay kay Mary? Bakit hindi niya muna sinabi sakin?

Hinawakan ni Nymph ang kamay ni Popoy na mas diniin pa ang balisong sa kanyang tiyan.

"Alam mo yung ayaw ko sa gusto ko. At alam mong ayaw ko sayo." Sabi ni Popoy at tinanggal ang balisong sa tiyan ni Nymph. Napahawak ako sa bibig ko ng bumagsak si Nymph sa sahig. Nanlaki ang mga mata ko nang mapatingin dito sa direksyon ko si Popoy kaya naman nagmadali akong umalis doon.

Tumakbo ako ng tumakbo. Hindi ko alam kung saan ako pupunta. Wala na akong ibang alam na pwede kong puntahan. 

Mary (Published Under Viva Psicom)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon