Chapter 49
The Reason Why
Second Monster War is coming to its end..
~
Hindi na halos magkanda-ugaga pa si Rai sa paglibot sa buong computer room. Patuloy pa rin siya sa pagbibigay ng instruksyon sa bawat sundalong nakikipaglaban sa labas. Mas pinabilis niya ang kanyang galaw, pagkat patuloy sa pagsugod at pagdoble ang bilang ng kanilang kalaban.
Pagkatapos ng isang round ng pag-ikot, bumalik ang kanyang atensyon sa pinakamalaking computer kung saan nakapaloob ang microchip na 'regalo' ng Master ng Sirenade. Nakakonekta ito sa main computer sa loob mismo ng palasyo ng kalaban.
Limang video screens ang lumabas rito, pawang ipinapakita ang isa pang labanang nagaganap sa loob ng palasyo. Walang magawa si Rai kundi sulyapan ang kanyang mga kaibigan kasalukuyang kaharap ang isa sa pinakamalalakas na halimaw--ang Dark Reapers.
Hindi alam ni Rai kung gaano katagal simula nang magsimula ang labanan sa pagitan ng kanyang mga kaibigan at ng limang Dark Reaper. Nasa magkaka-hiwalay na lugar ang mga ito, ngunit parang halos pare-pareho lang ang disenyo ng kwarto.
Napangiwi si Rai nang makita ang estado ng mga kasamahan. Halos hindi na makilala ang mga ito sa sobrang dami ng galos at sugat sa katawan. Naghalong dugo at pawis ang tumutulo mula sa kanilang ulo, pababa sa katawang natatakpan ng unipormeng sira-sira na.
Kahit gustong-gusto niyang puntahan ang mga ito at tumulong, alam niyang mas kailangan ang kanyang kakayahan sa loob ng palasyo. Maraming sundalo ang dumidepende sa kanya, ngayong kaunti na lang ang bilang nito at patuloy na dumadami ang kalaban, kailangan nila ng madaliang stratehiya kung paano malulusutan ang mga ito.
Muling sinulyapan ni Rai ang mga kaibigan sa maliit na video screens. Said na said na ang kanilang kapangyarihan, halos wala na silang lakas pa. Parang kahit anong oras, handang-handa na silang bumigay. Kanina pa kasi nila nalagpasan ang kanilang limitasyon. Pero alam ni Rai na hindi titigil ang mga ito, na hindi sila basta-basta mapapatumba. Kung patuloy na lalakas ang Dark Reapers, patuloy pa rin silang tatayo at lalaban. Kung kinakailangang itaya ang kanilang buhay, gagawin nila.
Kahit na umabot na sila sa kanilang limitasyon at hindi na makakagamit pa ng kapangyarihan, patuloy nilang po-protektahan ang bawat isa, ang mundong nagsilbing tahanan nila. Panghahawakan ang rason kung bakit sila lumalaban, ang katiting na pag-asa na maisasa-ayos ang lahat. Alam nila na hindi magtatapos ang lahat sa ganito. Hindi nila hahayaang mapunta sa wala ang kamatayan ng libo-libong sundalo at halimaw na ipinaglaban ang tama.
Malayo na ang kanilang narating at wala silang balak umatras at bumalik. Sama-sama silang kakapit hanggang dulo. Walang bibitaw. Walang susuko.
Sapagkat may kanya-kanya silang dahilan kung bakit ayaw nilang bitawan ang isang bagay na matagal na nilang pinanghahawakan.
~
"Ms. Skye!"
Umalingawngaw sa buong kwarto ang sigaw ni Tabitha. Nanlaki ang kanyang mga mata nang makita kung paano hilahin pataas ng isang pakpak ni Mephisto ang kanang paa ng kanyang amo, at malakas itong ibinagsak sa sahig.
Naikuyom ni Tabitha ang kanyang mga kamay. Bagay na bagay kay Mephisto ang kanyang pangalan, isang pangalan ng demonyo, pero ang kanyang kapangyarihan ay kaibang-kaiba sa kanya.
Isang anghel.
Mayroon siyang puting pakpak na nagagawa niyang kontrolin sa kahit anong paraan na gusto niya. Para itong may sariling buhay, ang nagsisilbing armas para protektahan ang kanyang sarili. Kung titignan, gawa ito sa malalambot na feather, ngunit nagiging matulis ito at nagmimistulang pakpak na gawa sa daan-daang espada.
