CHAPTER 39

2.2K 36 0
                                    

CHAPTER 39

MATAPOS ang mga nangyari, mabilis ding lumipas ang isang linggo. Isang linggo na akong nananatili sa mga magulang ko ngayon, hindi na rin ako nagtatagal pa sa clinic ko lalo na kapag wala naman gaanong pasiyente na naka-schedule sa akin sa isang araw. Sa isang araw, mas pinipili ko na nga lang na manatili sa loob ng kuwarto, eh. Ewan ko, gusto ko na lagi na lang natutulog dahil 'yon ang pakiramdam ko. May iilang pagkain na lang din akong gustong kainin ngayon, at kapag natakham ako, dapat talaga makain ko 'yon. Nakakahiya nga dahil sina Mama at Papa pa ang nasasabihan ko kapag kailangan ko ng kung ano. Siguro ganito talaga kapag buntis ka.

Sa buong isang linggo rin ay ramdam na ramdam ko ang lungkot pati na rin ang bigat sa pakiramdam na wala 'yong taong kailangan mo sa mga ganitong sitwasyon. Meron ngang ilang gabi na umiiyak na lang ako sa sobrang lungkot at pagka-miss kapag naiisip ko siya, pero hindi ko naman siya matawagan dahil ayoko pa. Hindi ko kayang magkusa. Hindi ko maintindihan ang sarili ko, itinaboy ko siya pero sa loob-loob ko ay siya lang ang kailangan ko.

Nakakalungkot din dahil hindi rin siya nagkukusang magpakita sa akin, ni mangumusta man lang. Naiinis ako! Nagawa niya akong matiis. Bakit? Nakalimutan na kaya niya kaagad ako? Ayaw na ba niya kaagad sa akin dahil pinagtabuyan ko siya? O baka nagkabalikan na talaga sila ni Nadia at muli na silang nabuo katulad na lang ng pagpupumilit ko sa kaniya?

Gusto ko na naman tuloy maiyak habang narito ako at nag-iisa na naman sa balkonahe. Napahinga na lang ako ng malalim upang paluwagin ang aking dibdib. Ganito na rin ako ka-emosyonal ngayon, hindi ako sanay ng ganito. Nawawala ang pagiging masiyahin sa pagkatao ko. Ayoko ng ganito.

Isa pa, hindi lang din si Homer ang na-mi-miss ko, pati na rin si Garrett. Ang pagiging malambing at makuwento nito sa akin sa tuwing magkikita kami, kapag patutulugin ko ito at pakakainin, lahat 'yon na-mi-miss ko na kahit na sandaling panahon ko pa lang naman itong nakakasama. Pero alam kong hindi na ako ang hahanapin pa nito dahil nandoon na ang tunay niyang ina, 'yon ang tunay na kailangan niya. Kumpleto na sila ngayon, 'yon naman talaga ang importante sa mga anak.

Tama lang ang ginawa ko, pero bakit napakasakit pa rin nitong isipin?

Hindi ko namalayan na hindi ko na naman pala napigilan ang pagpatak ng luha sa mga mata ko. Dali-dali ko naman 'yong pinunasan.

"Anak," Kaagad akong napaayos ng upo nang marinig ko ang boses ni Mama sa aking likuran. Lilingunin ko pa lang sana ito nang bigla na lang itong sumulpot sa harap ko at naupo sa kaharrap ko ring upuan. "Nagmumukmok ka na naman mag-isa. Sinabi ko na sa 'yo na libangin mo man lang ang sarili mo, 'di ba? Ini-stress mo lang ang sarili mo, eh. Buntis ka, hindi maganda sa 'yo ang ma-stress. Dapat alam mo 'yon dahil ikaw 'tong doktor." Paalala pa nito sa akin.

"Alam ko naman po 'yon, Ma." Saka ako bahagyang napayuko. "Hindi ko lang talaga maiwasan ang maging emosyonal ngayon. Hindi ko lang po maiwasan ang pagpasok ng kung anu-ano sa isip ko kahit pinipigilan ko naman."

Inilapit nito sa akin ang inuupuan at hinawakan ang kamay ko. "Naiintindihan kita, anak. Alam ko na natural lang sa isang buntis ang maging emosyonal, tapos sumabay pa 'yong sitwasyon niyo ngayon ni Homer. Sin-uggest din naman sa 'yo ng Ate mo na roon ka muna sa kanila para kahit papaano ay malibang ka kay baby Gavren pero tinanggihan mo dahil ayaw mo kamong maabala pa sila. Nag-aalala na ako sa 'yo, anak, kami ng Papa mo."

Muli kong sinalubong ang paningin nito at bakas nga roon ang emosyon ng pag-aalala para sa akin. Hindi ko tuloy maiwasang maapektuhan. "Ayos pa naman po ako, Mama. Siyempre, iniisip ko rin naman po ang baby ko, hindi ko siya pwedeng pabayaan. Sorry po kung pati kayo ay napag-aalala ko ngayon dahil sa akin."

Umiling ito sa sinabi ko. "No, hindi mo naman kailangang mag-sorry. Tulad nga ng sabi ko, naiintindihan ka namin, hindi lang talaga namin maiwasan ng Papa mo na mag-alala sa 'yo dahil mga magulang mo kami."

Upon My FallTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon