Kabanata 9

2.1K 34 1
                                    

KABANATA 9 — Why Bermudez? Not Martinez?

“'Tay, aalis po ako.” Sabi ko kay tatay habang pababa ng hagdan. Inipon ko ang maalon kong buhok at tinaas iyon sa isang tali.

Nakatayo si tatay sa tapat ng aming pintuan. Napansin kong madalas niya iyong gawin tuwing umaga.

“Saan ka pupunta?” tanong niya nang lumingon. Isang saklay naman ngayon ang gamit niya. Naupo siya sa mahabang kahoy na upuan namin.

“Sa mall lang po. Bibili ako ng damit ko pangtrabaho.” Napahinto ako sa aking pagsasalita. Kinagat ko ang labi ko at nagkunyari na lang na pupunta ng ref para uminom ng tubig.

Hindi pa nga pala alam ni tatay ang trabahong pinasok ko. Kagabi ko lang din naman kasi ito nalaman. At sa tingin ko ay hindi ko pwedeng sabihin sa kanya dahil kay Terrence. Baka kung anong isipin ni tatay sa akin. Lalo na’t bar iyon.

“Nakahanap ka na ng trabaho?” Naramdaman ko ang kanyang paglapit. Nang lumingon ako ay nakatungkod ang kamay niya sa mesa.

Tumango ako at ngumiti. “Opo.” Naghalungkat ako ng klase ng trabahong pwede kong sabihin kay tatay na panggabi at maaaring inuumaga ng uwi. “Sa call center po.” Sambit ko sa pinakamalapit na trabahong pasok sa deskripsyon na naisip ko.

Ngumiti siya at natuwa ang kanyang mga mata. “Aba’t maswerte ka talaga, Therese.” Aniya. Nilapitan niya ako at tinapik ang aking balikat. “Anong oras ang pasok mo?” Kumunot ang noo niya. “Hindi ba 'yan 'yong mga panggabi?” Tanong niya at um-oo ako.

Ngumuso si tatay.

“Hindi ka naman ba mapapahamak sa pag-uwi niyan?” tanong niya.

Umiling agad ako. Ito na nga ang sinasabi ko. Kapag nalaman lalo ni tatay na sa bar ako magtatrabaho, mas lalong hindi ito makakali at baka hindi ako payagan nito.

Ngumiti ako. “Hindi naman po, 'tay. Kaya ko naman po ang sarili ko.” Ngumiwi ako sa aking palusot. Sana ay gumana ito.

Bumuntong hinga siya. “Ayaw kitang pabayaan sa ganyang trabahong panggabi, anak.”

Bumagsak ang balikat ko.

“Pero kung sa tingin mo ay makakatulong sa atin 'yan at basta ipangako mong kaya mo ang sarili mo…” Napapangiti na ako kahit hindi pa siya natatapos magsalita. “Osiya. May tiwala naman ako sa kakayanan mo.”

Tumalon ako sa tuwa at napayakap sa kanya. Hinalikan ko ang pisngi ni tatay at humalakhak siya roon.

“Salamat, 'tay. Hayaan niyo po. Hindi naman ata akong gagabihin masyado. At mag-iingat po ako.” Pangako ko. “Malaki ang sweldo rito 'tay. Sayang.”

Nagpunta ako sa pinakamalapit na mall dito sa amin. Agad akong tumungo sa department store at tumingin ng mga murang damit na pwede kong suotin. Kailangan ko ito dahil nang naghahanap ako kagabi ng damit na maaari kong gamitin para sa bar ay wala akong makita. Kung hindi sobrang pormal ay sobrang kaswal naman ng mga damit ko. Naalala ko kung paano ako tiningnan ng mga tao kagabi sa restaurant na kinainan namin ni Terrence. Ang mga mata nilang nakakababa ng sarili. Hindi ko gustong maulit iyon.

Hiram Na Pag-ibig (Formosa Series #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon