Umpisa
HINDI NA GIGISING si Lolo sabi ni Mama.
Sabi niya, hindi ko na ulit siya makikita.
Mas lalong lumakas ang pag-iyak ko nang maalala ulit ang mga 'yon. Gusto kong makita si Lolo! Gusto kong marinig 'yong tugtog niya.
Miss ko na si Lolo. Si Lola nga natulog na, ngayon pati na rin si Lolo. Ang daya nila!
Kinusot ko ang mata at mas lalong napalakas ang iyak.
"Bakit ka umiiyak?"
Tumaas ang tingin ko sa nagtanong. Pagkakita ko, iyon palang kalaro kong lalaki.
Nag-squat siya sa harap ko kahit pa mainit dito, nasa likod ako ng bahay namin kaya sobrang init. Okay lang naman, ayaw ko kasi sa bahay, ayaw kong nakikita akong umiiyak nila Papa.
"'Kay ka lang?" tanong niya ulit.
Umiling ako. "Iyak nga ako e!"
"Anong nangyari?" inosente niya pang dagdag, titig na titig ang bilugin niyang mata sa akin.
Suminghot ako at tinakpan ang mata, napahikbi ng mas malakas. "'Di na raw gigising si Lolo ko."
Hindi ko siya narinig na nagsalita, imbes ay linapitan niya ako at niyakap. Nagulat ako sa ginawa niya, pero mas lalo akong naiyak dahil kayakap niya si Lolo.
"Shh, 'wag ka ng iiyak," sabi niya at hinagod-hagod ang likod ko. Humiwalay siya at tinanggal ang kamay na nakatakip sa mata ko. May binulong pa siya pero hindi ko na narinig. "Gusto mong makakita ng magic?"
"Gusto ko Lolo."
Ang kinis ng mukha niya, bilog tapos kulay chocolate iyong mata niya 'tsaka matangos ang ilong. Siya iyong lagi kong kalaro, kasi magkapit bahay sila ni Lolo, kaso nakalimutan ko na ang pangalan niya.
Tumayo siya tapos iniabot ang kamay niya. "Tara papakita akong magic sa 'yo."
Kumunot ang noo ko, nagtataka kung bakit pinipilit niya pa rin ako kahit pa ayaw ko ng magic. Gusto ko si Lolo! Gusto kong magising si Lolo.
"Tapos, kwento ko Tatang ko, matagal na rin siyang natutulog."
Hindi ko alam kung paano niya ako napapayag, nakita ko na lang ang sarili kong nakasalampak sa garden nila, pinapanood ang halaman. Iba't ibang bulaklak ang meron sila, tapos may estatwa ng babae sa gitna. Lagi kaming pumupunta ni Lolo rito noon, dito siya huling tumugtog ng cello na hiniram niya rito sa kalaro ko.
"Paano natulog Tatang mo?" tanong ko, nakapatong ang kamay ko sa baba, nakatingin sa kaniya.
"Tingnan mo, magic!" hindi niya ako sinagot at nakangiting tinuro iyong halaman sa harap namin habang lumilitaw ang dimples niya sa magkabilang pisnge. Hinawakan niya iyong dahon tapos biglang nagsara iyong kaninang nakabukang mga dahon. "Magic! Makahiya tawag diyan."
"Hindi mo miss Tatang mo?" tanong ko ulit.
Doon pa lang siya humarap sa akin. Kagaya ko ay nakapatong din ang baba niya sa kamay, hinahangin ang magulo niyang buhok. "Miss ko. Kaso hindi na raw siya gigising."
"Sabi ni Mama, napagod si Lolo no'ng nag-cello siya. Dapat 'di na siya tumugtog, hindi sana siya natulog!" Nararamdaman ko na naman iyong luha ko sa mata.
Nakakainis si mama, sabi ko kasi sa kaniya tanggalin 'yong salamin sa higaan ni Lolo, paano kapag hindi na siya nakahinga talaga? Nakakainis!
"Nakakainis! Sabi ko sa kaniya 'wag muna siyang matutulog kasama si Lola." Pumapatak na naman iyong luha ko, naalala ko na naman si Lolo at Lola.
Inabot niya ang buhok ko at marahang hinagod. Binaba niya ang kamay at pinatong niya ang ulo roon, tumingala para tingnan ako. Naamoy ko ang mga bulaklak nila kaya medyo huminto ang iyak ko.
"Wala ng magtutugtog violin," malungkot kong dagdag, nanginginig ang labi.
"Ikaw. 'Di ba sabi mo gusto mo paglaki mo tutugtog ka ng mga gano'n?"
Tumango ako at pinalis ang luha. "Ikaw? Anong gusto mo?"
Nagkibit siya ng balikat. "Hindi ko alam, gusto kong bumili ng lupa tapos magtatanim ako tapos ibebenta ko tapos yayaman na kami."
Natigil ang iyak ko at napahagikgik sa sinabi niya. Suminghot ako at ginaya ang posisyon niya habang winawagayway ang paa kong nakataas. "Gusto mong yumaman?"
"Hindi. Gusto ni Tatang." Bumaba ang kamay niya sa pisngi ko, tapos pinindot pindot ang dimples ko sa kaliwang pisngi, pinindot ko rin tuloy iyong sa kaniya. "Ang cute mo," sabi niya at ngumiti.
"Ikaw, promise ka! 'Wag kang matutulog tulad ni Lolo ko, ha! Promise, dapat!" waksi ko sa sinabi niya at pinandilatan siya ng mata.
Tumawa siya at tumango, pinaglaruan pa lalo ang pagpindot sa dimples ko. "Hindi ako matutulog. Nandito lang ako."
BINABASA MO ANG
Like A Gentle Wind (Belles Âmes Series #1)
RomanceMoving into a new town, Solar Delacci thought that it would be the worst thing to happen in her life. Why would she want to live somewhere far from the city she was raised? But she'll endure it anyway, everything for her sick father. There she met...
