SpokenPoetry #45

29 4 0
                                    

✍ -045-

     「Sa sandaling kasa-kasama ka」

Sa sandaling kasa-kasama ka
Hindi ko maipaliwanag ang saya na aking nadarama
Sa bawat ngiti, titig at yakap na iyong pinapadama
Aking dala-dala kahit saan man magpunta

Pinaglalaruan nga talaga tayo ng tadhana
Nakakapagtaka kung ano ba tayong dalawa?
Baka nga lang sa ibang panahon
O baka wala lang talaga

Lumipas ang isa, dalawa at isa pang buwan
Magkasamang lumulusob sa tirik na arawan
Halos walang sinasayang na oras sa usapan
Ihahatid kita sa inyong bahay ng walang alinlangan

Nagpatuloy ang kwento nang walang pagbabago
Walang pagbabago dahil walang nagbago
Walang nagbago dahil tayo'y kuntento
Pero pagdating sa dulo, mayroon nang bago

Dumaan ang dalawang buwan na masalimuot
Oras natin ay tila napupukol at napupulapot
Ang puso na nadudurog at lumalapot
Lumalayo, inaalon papalayo sa aking bisig na nagsisilbing pukot

Takbo, habol at tanging ngiti na lamang ang nagagawa ko
Pinatigil mo ba naman ako sa oras na binigay ko sayo?
Akala ko magpapahinga ka't pagkatapos aayusin natin ito
Buong akala ko sa oras na 'yun ay mananatiling ako

Ilang beses kong pinilit isipin na isang imahinasyon lang ang lahat
Kahit na makailang beses akong umisip ng paraan
Kung sa iba mo nahanap ang kasiyahang sakin mo dapat matanggap,
Ipapanalangin ko nalang na sana ako pa rin hanggang sa wakas.

Gusto kong maging malinaw sayo ang aking nararamdaman
Naisin ko mang ipaliwanag sayo ang lahat
Kahit na isa-isahin ko pa ang nangyari sakin sa bawat numero sa orasan
Wala nang saysay kung ang iyong tanga'y hindi buklat

Ayos na dahil narinig ko na matagal ko nang kinatatakutan
"TAMA NA, TIGIL NA"
Iyang mga salita ang nagpatigil sa mundo ko
Ang mga nakataga sa bato ay natatanggal na.

Isa, dalawa, tatlo, apat, limang buwan
Limang buwan ang naging saksi
Sa bawat kasiyahan at pighati
Na hindi tumagal at tuluyang nawaksi

Kaya't sa sandaling kasa-kasama ka
Lubos-lubos ang aking natutunan at nakita
Hindi lahat ng napapagod ay naiiwan
Ang nagmamahal ay nalulong sa kaniyang kahibangan

Poetries [ COLLECTION ]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon