Chapter 18

2.3K 103 9
                                    

Nabigla si Summer sa narinig kaya mabilis siyang napatingin kay Alex, kitang-kita ang pagkagulat sa kanyang mukha. Tiningnan niya si Alex nagsalita pero nakatingin pa rin ito sa itaas ng kalangitan habang nakangiti.
     "A-anong sabi mo?" ang muling tanong niya, gusto niyang marinig muli ang sinabi ni Alex.
     "Tsk, nabibingi ka na Sam?" ang pabirong tanong no Alex sa kanya, at bahagyang tumagilid ang mukha nito sa kanyang direksyon para tingnan siya.
     "Alex ano nga ang sinabi mo?" ang mariing tanong niya at tiningnan niya ang side profile nito.
     Napabuntong-hininga si Alex at ngumiti, "break na kami ni Jacel" ang mariing sagot nito, sabay lingon nito sa kanya.
     Kumunot ang noo ni Summer at nagsalubong ang mga kilay nito, at tiningnan niya ng maigi si Alex, naghahanap ng mga senyales na nagbibiro lang ito.
     "Seryoso ka ba?" ang muling tanong niya.
     "Mukha ba akong nagbibiro? Pupuntahan ba kita sa bahay ninyo para sunduin at dalhin dito para sabihin na break na kami ni Jacel kasi nagbibiro ako?" ang nakangiting sagot pa rin ni Alex.
     Umiwas ng tingin si Summer, hindi niya alam kung matutuwa ba siya o magagalit. Oo, ang puso niya ay naghuhumiyaw sa tuwa, pero ang isip niya ay nagbababala ng suliranin.
     "Bakit mo iyun ginawa? Hindi mo dapat ginawa yun Alex" ang sagot niya at mababakas ang pagkabahala sa boses niya.
     "Bakit mo naman naitanong sa akin yan?" ang takang tanong ni Alex sa kanya.
     "Hindi mo dapat ginawa yun, mahal ka ni Jacel" ang mariing sabi niya kay Alex.
     Nagkibit-balikat si Alex, "siguro, hindi ko alam, pero, hindi ko siya mahal Summer" ang sagot nito sa kanya at tiningnan siya nito sa kanyang mga mata.
     "Pero"- ang tanging nasabi ni Summer, hindi niya alam kung anong sasabihin, hindi niya masabi kay Alex na pinagbantaan siya ni Jacel. Ayaw niyang magsimula pa ng gulo sa pagitan ni Alex at Jacel, at ayaw niyang madamay pa si Alex sa mga problema nila sa buhay.
     "Bakit ba ipinagpipilitan mo sa akin na mali ang ginawa kong pakikipagkalas kay Jacel?" ang usisa sa kanya ni Alex.
     Paano niya sasabihin kay Alex na madaragdagan ang suliranin nilang maglola dahil sa ginawang aksyon nito? Pero hindi niya dapat pang sisihin si Alex. May sarili itong isip para magdesisyun sa sarili. At hindi naman nito sinasadya na madamay pa silang maglola sa ginawa nitong pakikipagkalas kay Jacel.
     "Tulad ng sinabi ko Summer, sa paghihiwalay din kami mapupunta ni Jacel, napaaga nga lang ang naging desisyon ko" ang sabi ni Alex.
     Hindi na siya sumagot at nanatiling tikom ang kanyang mga labi.
     Maaaring ang ginawa ni Alex na pakikipaghiwalay kay Jacel ay mauwi sa hindi na pag kuha ng paninda ng pamilya nito sa kanilang maglola.
     Pero, ano pa nga bang magagawa niya? Wala naman mangyayari kung iiyak at magmumukmok siya at babalutin ang sarili sa sama ng loob. Mag-iisip na lang siya ng paraan para makapag-ipon ng pera, may bakasyon pa naman, ang positibong sabi ni Summer sa sarili.
     "Yun lang ba ang dahilan kaya mo ako isinama rito?" ang tanong niya kay Alex.
     Oo, aaminin niya sa sarili na sa kabila ng problema at isipin na dulot ng pagbibreak ni Alex at Jacel, ay may puwang at napakalaking puwang sa kanyang puso ang naghuhumiyaw sa tuwa. Ayaw man niya na umasa na mapapansin na siya ni Alex, pero, maibabalik naman na ang dati nilang samahan bilang magkakaibigan.
    Oo, bilang kaibigan, doon naman magsisimula ang lahat diba? Ang umaasang sabi niya sa sarili.
     "Gusto rin kitang makita at makasama Summer, ang tagal na kitang hindi nakasama" ang mahinang sagot ni Alex.
     "Pwede ka naman na maghintay bukas ng umaga" ang natatawang sagot niya.
     "Bakit? Galit ka ba sa akin at naistorbo kita?" ang usisa ni Alex.
     "Oo no! Sarap na kaya ng tulog ko!" ang sagot niya kay Alex na may pagismid pa at kunwaring naiinis.
     "Pasensiya na po kung naistorbo ko kayo madam, malamang pati pwet mo naghihilik sa sarap ng tulog mo!" ang pang-aasar sa kanya ni Alex.
    Hinampas ni Summer ang braso ni Alex, "bastos to! Siguro gawain mo yan!" ang natatawang sagot ni Summer, at nagkatawanan silang dalawa.
    Sandaling namayani ang katahimikan sa kanilang dalawa at pareho silang tumanaw sa kalayuan.
    "Pero alam mo, ang gaan ng pakiramdam ko ngayon, parang nawala ang bigat sa dibdib ko, hindi ko inakala na mabigat palang dalhin ang relasyon namin ni Jacel, parang may pader na nagkulong sa akin at ngayon ay nakawala ako" ang seryosong sabi ni Alex habang nakatanaw pa rin sa malayo.
    Hindi sumagot si Summer, nanatili rin siyang nakatanaw sa kalayuan at taimtim siyang nakinig kay Alex.
    "Pasensiya ka na sa mga nagawa ko sa iyo Summer ha? Sa inyo ni Clarissa" ang paghingi nito ng paumanhin sa kanya. Naging walang kwenta akong kaibigan dahil nabalewala ko kayo" ang saad pa ni Alex.
    "Hindi ba sabi ko nga sa iyo na balewala na iyun?" ang sagot ni Summer.
    " Tapos nag selos pa ako kay Espinosa" ang pag-amin ni Alex na ikinabigla ni Summer.
     Nagselos siya kay Christian? Ang di makapaniwalang tanong ni Summer sa sarili.
     "Seryoso ka ba?" ang di niya makapaniwalang tanong kay Alex.
     Marahang natawa si Alex, "bakit ba ayaw mong maniwala?" ang tanong nito sa kanya.
     "Kasi, kasi, ano naman ang dahilan mo para mag selos kay Christian?" ang di niya makapaniwalang tanong rito.
     "Kasi akala ko boyfriend mo na si Christian" ang sagot ni Alex at bahagyang itinuon nito ang mukha sa kanya. Patagilid siya nitong tiningnan.
     Nagselos si Alex dahil akala nito na boyfriend niya si Christian?! Ang di na naman niya makapaniwalang sabi sa sarili! May gusto ba sa kanya si Alex? Ang umaasa niyang tanong sa sarili.
     "Kasi kapag may boyfriend ka na, hindi na kita madalas na makakasama, siyempre si Christian na ang kasa-kasama mo lagi, inagawan na niya ako ng papel sa inyo, bilang isang kaibigan" ang sabi ni Alex.
     Para bang binagsakan na naman ng langit si Summer, kaibigan? Hanggang doon na lang ba talaga?
     "Nanliligaw pa lang si Christian sa akin Alex, at kahit kailan hindi naman niya kami piangbawalan ni Clarissa na makipag kaibigan sa iba" ang malungkot na sagot ni Summer.
     "Napaka swerte ng lalaking mamahalin mo Summer" ang sagot ni Alex, "nga pala, may pag-asa ba si Christian sa iyo?" ang usisa nito. Nagpalit na rin ito ng posisyon, tumalikod ito sa metal railings at sumandal doon saka niya pinagmasdan si Summer.
     "Hindi ko alam, pero, sinabi ko sa kanya na huwag na munang umasa. Saka, makakakita rin ng iba yun, kasi sa Maynila na siya mag-aaral" ang sagot ni Summer.
     Parang nakaramdam ng tuwa si Alex nang marinig niya iyun. Para bang nabunutan siya ng tinik.
    Oo mayron siyang nadarama para kay Summer, pero, hindi pa niya alam kung ano ba ito. Kung pagiging isang mabuting kaibigan lang ang nadarama niya rito o may iba pa. At dahil sa limitado siyang I explore ang feelings niya dati dahil may girlfriend na siya, ngayon na malaya na siya, ay aalamin na niya ito. Kung ano ba ang tunay na nararamdaman niya para kay Summer.
    Hindi niya alam kung pagmamahal na ito, pero sigurado siya sa sarili na importante si Summer sa buhay niya. Gusto niya itong laging makasama, makausap, at makita.
    "Natutuwa talaga ako ngayong araw na ito, hindi lang dahil sa nag champion kami, kundi dahil sa mga pangyayari na naging  malaking pagbabago nito sa buhay ko" ang sabi ni Alex.
     Hindi na sumagot pa si Summer, hindi rin kasi niya alam kung anong ibig sabihin ni Alex. Kung anuman ang pinapapahiwatig nito.
     "Salamat sa pagsama mo sa akin dito Summer, salamat at palagi kang nariyan kapag kailangan kita" ang mahinang sabi ni Alex.
     "Siyempre kaibigan mo ako eh, kaya, kung kailangan mo ng makakausap, nandito lang ako, pero... Sana sa susunod hintayin mo akong magising ng kinabukasan bago mo ako kausapin ha?" ang nakangiting sabi ni Summer.
    Isang malakas na tawa naman ang isinagot ni Alex.
    Ayos na kay Summer ang ganito muna nilang sitwasyon, kahit papaano ay makakasama niya itong muli, ang sabi niya sa sarili, at tulad ng dati, palihim pa rin niya itong iibigin.
     "Hoy Alex, kung tapos ka ng magdrama pwede ba ihatid mo na ako? Anong oras na no? Baka mamaya abutan ako ni lola mapagkamalan pa akong magnanakaw nun" ang pabirong sabi ni Summer.
     Natawa ulit si Alex, "Sige po ma'am, ihahatid ko na po kayo"

     Masayang nag-uusap sina Summer at Clarissa palabas ng school nang matigilan silang pareho sa paglalakad.
     Nakatayo kasi sa sa labas ng gate si Alex at nakasandal ito sa motorbike nito habang nakahalukipkip ang nga braso.
     "Sinong hinihintay ni Alex?" ang pabulong na tanong ni Clarissa sa kanya.
     Nagkibit-balikat si Summer, at nang makita sila ni Alex ay isang malapad na ngiti ang gumuhit sa mga labi nito. Mabilis itong naglakad papalapit sa kanila.
     "Summer, hatid na kita sa inyo" ang sabi ni Alex sa kanya.
     "Wow, ha, magsusundo ka lang nakamotor ka pa, ang lapit-lapit ng bahay nina Summer dito" ang giit ni Clarissa.
     "Sus naman Clarissa, sobra ka talaga sa akin, pero na miss ko yan ha, yang pang-aasar mo sa akin, at ang sagot ko naman sa tanong mo, siyempre po, malayo ang sa amin kaya nag motor po ako, saka yayayain ko si Summer sa bahay namin, ipapakilala ko siya kay mama" ang sabi ni Alex.
     Nagulat naman si Summer sa sinabi ni Alex, bakit siya ipakikilala ni Alex sa mama nito. Nagkatinginan silang dalawa ni Clarissa at tinaasan siya ng dalawang kilay nito na para bang nagtatanong.
     "P-pero bakit Alex?" ang takang tanong niya.
     "Lagi kasi kitang ikinukwento kay mama, kaya sinabihan na niya ako na dalhin na kita sa bahay" ang sagot ni Alex.
     "Wow, girlfriend lang ang peg?" ang biro ni Clarissa at siniko naman ito ni Summer.
     Bakit naman siya ikinukwento ni Alex sa mama niya? Ang kinakabahang tanong ni Summer sa sarili.
     "Alex, nahihiya kasi ako" ang sagot niya kay Alex.
     "Naku, huwag kang mag-alala mabait si mama, saka kilala niya ang mama mo, ang sabi niya sa akin" ang sagot ni Alex.
    Nagliwanag ang mukha ni Summer, "talaga? Kilala niya si mama?" ang gulat na tanong niya rito.
     "Oo, so paano sasama ka na sa akin? Huwag ka mag-alala ipagpapaalam kita sa lola mo kaya nga ihahatid kita" ang nakangiting sagot ni Alex.
      "Hay naku, nawala na naman ako sa eksena, ang hirap talaga kapag third wheel" ang sabat ni Clarissa na nakaismid pa sa kanilang dalawa.
     "Tumigil ka nga Clarissa, kapag kasama mo nga si Rojie third wheel din si Summer, hindi mo pa ba sinasagot yun?" ang pabirong tanong ni Alex.
     "Hmph, kapag may boyfriend na si Summer saka ko siya sasagutin" ang sagot ni Clarissa.
     Isang pilyong ngiti ang gumuhit sa mga labi ni Alex.
     "E di malapit mo ng sagutin si Rojie" ang malamang sagot ni Alex kay Clarissa sabay kindat naman nito kay Summer.

     Nakaupo si Ising sa may kusina, hawak niya ang isang sobre. Ang sobreng iyun ang magiging kasagutan sa lahat ng problema ni Summer. Salamat at sinagot ng Diyos ang panalangin niya. Batid niya na magiging mahirap ang mga susunod na taon para sa kanya pero, para sa ikabubuti ng kanyang apo, kailangan niyang magsakripisyo.
    
     "Lola! Nandito na po ako!" ang masayang bati ni Summer.
     Mabilis na tumayo si Ising sa kinauupuan para salubungin ang apo, pero bigla siyang natigilan ng makita niya na kasunod ng apo niya si Alex.
     Mabilis niyang itinago ang sulat sa loob ng kanyang bulsa.
    "O Alex, ang tagal mong hindi napadalaw sa amin ah, kamusta, congrats nga pala at nag champion na naman kayo" ang masayang bati nito.
     "Salamat po nanay, ah, medyo natagalan nga po na hindi ako nakadalaw dito sa inyo, kayo naman po kamusta na?" ang magiliw na pakikipag-usap ni Alex kay nanay Ising.
     "Ay mabuti naman ako, ah, may.. Lakad ba kayo?" ang tanong ni Ising.
     "Ahm, gusto ko po sanang ipagpapaalam si Summer, yayayain ko po sana siyang maghapunan sa bahay? Iniimbitahan po siya ni mama" ang pagpapaalam ni Alex.
     "Ha? Ah, eh, bakit naman, hindi ba nakakaabala si Summer sa inyo?" ang nag-aalangan na tanong ni Ising.
     "Naku, hindi po, pinaghandaan po talaga ni mama ang hapunan na ito" ang nakangiting sagot ni Alex.
     Kumunot ang noo ni Ising, "ganun ba? Ano bang okasyon?" ang tanong nito.
    "Ahm wala naman po, gusto lang makilala ni mama si Summer" ang sagot ni Alex.
     "Ah6o sige, nakakahiya naman kung hindi pupunta si Summer at inaasahan na siya sa inyo" ang sagot ni Ising.
    "Salamat po nanay Ising" ang magalang na sagot ni Alex.

    
     Sandaling naghintay si Alex kay Summer para makapagpalit ito nga damit. Pagkatapos ay inihatid sila ni Ising hanggang sa labas ng bakuran.
    Sumakay na si Alex sa kanyang motorsiklo at iniabot nito kay Summer ang bagong bili nitong helmet, binili talaga iyun ni Alex para sa kanya. Pinalagyan pa ni Alex ng pangalan ni Summer ang likuran na bahagi ng helmet.
    "Mag-iingat kayo ha?" ang paalala ni Ising sa kanilang dalawa.
    "Opo lola" ang sagot ni Summer.
    "Opo nanay, alalay lang po ang takbo ko" ang sagot naman ni Alex.
     Pinagmasdan ni Ising ang papalayong motorsiklo. Kinapa niya sa kanyang bulsa ang sobre. Mamaya, mamaya ay sasabihin na niya sa apo ang magandang balita. Pero may pangamba siya. Huwag naman sana maging hadlang si Akex sa mga balak niya kay Summer.
  
    
       
    
        
    
       
         
    
   
     
    
    

The One That almost Got Away [complete] Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon