Kabanata 1

8.3K 214 2
                                    

Kabanata 1
Aurora

  DALA marahil ng pagod kaya masyadong mahaba ang tulog ko. Mukhang hindi pa ako magigising kung hindi lang kumalam ang tiyan ko at naghahanap na ng pagkain. Sa pagmulat ko ng mga mata ang kisame ng kwarto ni Tanya ang siyang bumati sa akin. Si Tanya ang anak ni Auntie Leonora.

Sa totoo lang, ngayon ko pa lang sila nakilala, ngayon lang na isinama ako ni Auntie Pacita dito sa Lanayan. Kadarating lang namin at halos isang araw ang byahe bago kami makarating kaya pagod na pagod ang katawan ko. Hindi ko alam na may kamag-anak pa pala kami, hindi ko iyon alam, ang  akala ko'y sila Auntie Pacita na lang ang kamag-anak na meron ako.

Bumangon ako at nagpasyang lumabas baka sakaling may makakain. Hindi na ako kumain kaninang tanghalian dahil naunahan na ako ng antok at pagod. Nasa ikalawang palapag ng bahay ang kwarto ni Tanya kaya kailangan ko pang bumaba papunta sa kusina. Sana lang may pagkain pa. Hindi pa nga ako nakakapagpalit ng damit, mamaya ay maliligo ako dahil kahapon ko pa itong damit.

Saglit akong natigilan sa pagbaba ng hagdan nang marinig na parang nagkakagulo sa baba. Anong problema? Parang may nag-aaway. Dali-dali akong humakbang sa baitang para tingnan kung ano ang gulo.

Tumigil ang mga paa ko nang makita ang limang mga lalaking may malalaking katawan. Kausap ng isa sa kanila si Auntie Pacita at Auntie Leonora at nagsisigawan sila. Natuon ang tingin nila sa akin, kumunot ang noo ko nang mabilis na tumungo ang dalawang lalaki sa akin at hinawakan ang magkabila kong braso at sapilitan akong kinaladkad papalabas.

“Teka! Bitiwan niyo ko!” Taranta kong sigaw nang mas naging agresibo silang kaladkarin ako palabas ng bahay.

May dalawang humarang kayna Auntie para hindi na nila ako malapitan. Takot at pangamba ang naramdaman ko kaya sumisigaw ako.

“Auntie! Tulungan niyo ko!”

“Tulong! Bitiwan niyo ko! Ano ba!”

Pero malalakas sila. Umaangat ang katawan ko sa lupa dahil sa pagpupumiglas ko at kahit anong pagpapasag kong gawin hindi nila ako binibitawan. Hanggang sa makalabas kami ng bahay at nakita ko ang itim na sasakyang naghihintay sa amin. Mas lalong kumabog ang dibdib ko kaya buong lakas akong nagwala at nagpumilit makawala sa hawak nila.

Hanggang takpan ng isang lalaki ang bibig at ilong ko gamit ang puting panyo. May kung anong matapang na amoy iyon na naging dahilan para mahilo ako at manghina. Para bang ninakaw ang lakas ko hanggang sa tuluyang hilahin ng dilim ang lahat sa akin.

Tulungan niyo ko.

Parang pinukpok ng martilyo ang ulo ko nang magising ako. Sobrang sakit din ng katawan ko at nahihilo pa ako. Marahan kong kinusot ang mga mata ko dahil nanlalabo iyon. Nang maging malinaw na ang paningin ko tumambad sa akin ang malaki at maranyang kwarto. Agad akong bumangon kahit pa parang pinupukpok ng martilyo ang bawat parte ng utak ko. Inilibot ko ang paningin sa buong silid, malaki at malawak iyon na parang kasing laki na ng bahay namin sa Damarenas. Mayroon pang sofa at mga mamahalin na upuan sa isang sulok, mga lalagyan ng libro, at may pintong patungong teresa. Nakabukas ang lampshade na nagbibigay ng kahel na liwanag sa buong silid.

Nasaan ako?

Rumagasa sa alaala ko kung paano ako kinaladkad ng mga mama kanina at pinatulog gamit ang panyong may nakakahilong amoy. Dahil doon mabilis akong bumangon at tinungo ang pinto. Kailangan kong umalis.

Pinihit ko ang seradura pero mukhang nakasarado iyon. Mas lalo lang akong nataranta.

Ilang beses ko pa iyong ginawa at buong lakas na pinilit na pihitin iyon pero hindi pa rin mabuksan. Nagpalinga-linga pa ako para makahanap ng pwedeng gamitin para buksan ang seradura. Napabaling ang tingin ko sa maliit na kabinet malapit sa kama at kinapapatunangan ng lampshade. Baka may mahanap ako roon. Nilapitan ko iyon at akmang bubuksan iyon nang matigilan ako dahil sa larawan na naroon.

His Fake Wife [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon