Kabanata 3

5.5K 203 2
                                    

Kabanata 3
Twins

   MATAGUMPAY na ngiti ang agad na kumawala sa labi ko nang matapos kong isampay ang huling kurtina. Makakapal pa naman iyon kaya mahirap labahan, hindi gaanong madumi pero masyadong madami para tapusin agad. Ang bilin ni Alted— si Alted ang masungit na lalaking iyon— tapusin ko raw ito bago magtanghali.

Ngayon alam ko na ang pangalan niya dahil nang isang beses naglilinis ako ng salas narinig kong sinabi niya, "Yes, this is Alted Dela Fuente. What do you want?"

Doon ko lang nalaman ang pangalan niya. Alted, parang kahit ang pangalan niya'y nagsusumigaw ng kapangyarihan at karangyaan. O sadyang ako lang ang nag-iisip no'n? Mabait naman siya sa akin kahit papaano dahil hindi niya ako sinasaktan sa pisikil na aspeto. Maliban sa araw-araw na pagsunod sa mga utos niya wala nang bago roon. Hindi niya rin ako hinahayaang makaalis ng mansyon, pero ayos na iyon sa akin, sa sobrang lawak ng sakop ng buong mansyon sapat na iyon sa akin sa buong araw para hindi mabagot. Hindi rin ako kinakausap ng mga katulong maliban lang kapag may importanteng sasabihin kaya sa huli ang mga bagay-bagay sa paligid ang kinakausap ko.

"Nakakapagod ka." Sabi ko sa kurtina na ngayon ay nakabilad na sa sinag ng araw.

Mayaman si Alted, nakita kong may washing-machine sila sa laundry area pero gusto niyang ako mismo ang maglaba ng mga kurtina. Syempre, parte iyon ng pagpapahirap niya sa akin, pero hindi na ako nagreklamo.

Paniguradong marami na naman ang ipapakain niya sa akin mamaya dahil alam kong ipapatawag niya ako para kumain. At tama nga ako dahil natanaw ko na ang isang katulong na papunta sa akin.

"Kakain na po." Aniya nang makalapit.

Ngumiti naman ako sa kaniya at naglakad papunta sa dining area. Higit isang linggo na akong nananatili rito kaya kahit papaano pamilyar na ako sa mga lugar dito sa loob ng mansyon. Tatlong palapag iyon at mayroon pang rooftop. Maliban sa swimming pool na narito, harden, at may playground din. May tree house sa pinakadulong bahagi ng harden. Kinumpleto na yata ni Alted ang lahat dito sa mansyon niya.

Nang marating ko ang dining area wala roon ang masungit na lalaking iyon pero puno ng pagkain ang mahabang mesa. Gusto ko sanang magtanong kung nasaan ang señorito nila pero hindi ko na binalak. Tahimik akong kumain, nagugutom din ako kaya hindi ko na pinansin ang ibang bagay.

"Don't come near, Snow!" Natigil ang pagsubo ko nang marinig ang impit na sigaw ng isang maliit na boses.

Nilingon ko kung saan nanggaling iyon at nagulat din ako nang makita ang dalawang magkamukhang batang babae sa isang sulok. Ang isa ay nakasilip sa gilid at ang isa ay naroon at nakatingin sa akin. Nang makita nilang nakatingin ako sa kanila kumaripas sila ng takbo papunta sa kung saan. Nangunot ang noo ko. May mga bata pala sa mansyon na ito? Ba't ngayon ko lang sila nakita?

Madali kong tinapos ang pagkain at hindi na nawala sa isip ko ang mukha ng dalawang bata. They look so cute and beautiful. Ngayon lang ako nakakita ng ganoon kagandang mga batang babae. Kung hindi lang sana sila tumakbo kanina baka nakausap ko sila.

Magaan ang loob ko sa mga bata, hindi ko alam kung bakit parang may kung anong mahika silang dala at nagpapagaan ng kalooban ko. Siguro dahil sa nakikita kong kainosintehan sa mga mata nila, dahil sa malaya nilang mga pangarap at mga ngiting walang pagkukunwari.

                       *************

Alted's Point of View

Tumiim ang titig ko sa babaeng nasa harden at nagdidilig ng mga halaman. Hapon na ngayon at papalubog na ang araw. Bawat hapon ginagawa niya iyon kahit hindi ko na iutos. Salubong ang kilay na tiningnan ko ang bawat galaw niya, walang kaartehan, walang pag-aalinlangan at hindi man lang takot sa duming kakapit sa kaniya hindi kagaya noon na kahit kaonting alikabok lang ang madapo sa katawan ay halos sigawan ang mga katulong.

His Fake Wife [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon